Bola 30

516 46 3
                                    


Bola 30

TAHIMIK na nagsiupuan sa bench nila ang players ng Bucayao Waters. Mabilis na uminom si Von Aldaba ng tubig nang abutan siya nito ng kanyang girlfriend. Seryoso nga lang siyang nakatingin sa bench ng kalaban habang pinagsasabihan naman ng coach nila ang apat niyang mga kasamahan.

Napatingin nga siya sa scoreboard sa itaas at isang 9-0 run ang mabilis na nagawa ng kanilang kalaban sa pagsisimula pa lamang ng 3rd quarter. Habang pinupunasan siya ng pawis ng kanyang girlfriend ay agad na rin siyang tumayo. Marahan niyang ibinanat ang kanyang bisig at seryosong bumalik sa loob ng court nang magpatuloy na muli ang laro.

"Masyado kayong umaasang makakahabol kayo," wika ni Aldaba sa kanyang sarili at nang masambot niya ang bola mula sa kanyang kakampi ay agad siyang dinipensahan ni Semeron.

"Semeron... You have talent in this game, but you can't beat me."

Ikinalma na ni Aldaba ang kanyang sarili at dito'y mabilis niyang pinatalbog ang bola patungo sa basket. Sa liksi at laki ng kanyang mga hakbang ay tila naiwanan niya si Baron.

"Ang bilis," hindi na maiwasang maibulalas ni Baron na sinubukang sabayan ang bilis ni Aldaba. Ngunit dahil sa lakas at pwersang ibinibigay ng ace player ng Bucayao sa kanya ay bigla siyang napaalalay sa pagsabay rito. Isang maling hakbang lang kasi ay posible siyang mapatumba nito.

Iba ang hubog ng mga bisig at balikat ni Von Aldaba kung ito ay pagmamasdan. Hindi lang iyon, batak sa professional training ang katawan nito na perpektong magamit sa larong basketball kung pisikalan ang magiging labanan.

Ang crowd naman ng Canubing 1 ay napalunok ng laway nang makita ang ginagawang pagdomina ni Aldaba kay Semeron. Napansin nga iyon ni Ricky, at agad siyang napatingin sa kanyang binabantayang si Cruz na hindi man lang umaalis sa pwesto nito sa three points territory. Gustuhin man niyang iwanan ito, pero sa layo nina Aldaba sa pwesto nito ay imposibleng makabalik kaagad siya nang mabilis para pigilan ito kung sakali mang titira ito mula sa labas.

Nakita na nga ni Karim ang papalapit na si Aldaba. Subalit bigla na lang siyang ibinox-out ni Gonzaga. Ang bigat noon at tila ayaw siya nitong pagalawin.

"Hindi mo ako kaya," sambit nito at sa paglapit ng kanyang kakampi sa basket ay siya ring pagbibigay niya rito ng espasyo patungo sa target na butas sa itaas ng board.

Isang mabilis na drive papunta sa basket, na sinundan ni Von Aldaba ng mabilis at malakas na pagtalon palapit dito ang kanyang isinunod. Napangiwi naman si Baron nang kumiskis sa kanyang dibdib ang siko nito at nang sinabayan niya ito ay napabagsak siya sa ibaba nang walang pag-aalinlangang idakdak ni Aldaba ang bola sa ring.

Nayanig ang buong board matapos iyon at bumitin pa nang saglit si Aldaba sa ring habang pinagmamasdan ang kanyang defender na nakaupo sa kanyang ilalim. Halos mabingi rin nga ang lahat nang malakas na nag-cheer ang mga supporters ng Bucayao dahil sa dakdak na iyon ni Von.

Bumaba si Aldaba at nilampasan si Baron na tila sinasabing hindi nito siya kaya. Agad na nagsibabaan ang team ng Bucayao sa side ng court ng Canubing at pagkatapos ay seryoso nilang inabangan ang pagbaba ng kanilang kalaban.

"Huwag natin silang papuntusin!" bulalas ni Aldaba at kasabay nito ay ang malakas na oo ng kanyang mga kasamahan. Tila mga mababangis na hayop ang mga ito base sa kanilang itsura na seryosong nakatingin sa mga players na naka-itim na kasalukuyang ibinababa ang bola.

Napaseryoso naman si Ricky sa pagdating nila sa kanilang side. Parang nagbago ang mga players ng Bucayao dahil sa ginawang dunk ni Aldaba. Isa pa, napansin din niya ang bahagyang pagbaba ng enerhiya ni Baron dahil parang tumamlay ito nang bahagya matapos itong madakdakan.

KINBEN II (Completed)Where stories live. Discover now