Bola 37

462 36 0
                                    


Bola 37

MORRIS Serna. Siya ang palagi ang MVP ng Inter-barangay ng Calapan City ilang taon na ang nakakaraan, subalit nang maglaro na si Mover Flores para sa koponan ng Camilmil ay napakabilis siyang pinalitan nito sa tronong kinauupuan niya sa loob ng tatlong taon.

Kagagaling lang niya sa Calapan Coliseum at nakita niya ang koponang sunod nilang magiging katunggali. Tatlong araw nga mula ngayon ay lalabanan nila ang Canubing Panthers. Nakita niya ang estilo ng team na iyon at tatlong malalakas na manlalaro ang naroon na dapat niyang paghandaan.

Pagdating niya sa maliit nilang bahay sa barangay ng Lalud ay agad siyang sinalubong ng kanyang lolo na abot tainga kaagad ang ngiti nang makita ang apo niyang kulay pula ang buhok. May dala itong isang supot ng tinapay na lumalambot kaagad sa sandaling ilagay sa mainit na kape.

"Lolo, ano na namang ginawa ninyo?" tanong ni Morris sa lolo niyang si Lolo Selmo. Edad 68 na ito at kahit na ito ay medyo mahina ang pandinig ay malakas pa rin ito kahit papaano.

Sa edad na trenta, ay si Morris na ang bumubuhay sa kanyang lolo at sa kanyang kapatid na babaeng kanyang sinusustentuhan ang pag-aaral sa kolehiyo. Bata pa lang sila ng kanyang kapatid ay ang Lolo Selmo na niya ang nag-aruga sa kanila matapos silang iwanan ng magulang nila rito noong bata pa sila. Hindi na nga rin sila binalikan ng mga ito hanggang sa lumaki na sila sa piling ng lolo nila.

Mahal na mahal ni Lolo Selmo ang dalawa niyang apo.

Kahit walang natawag na nanay at tatay si Morris, ay masaya naman siya at ang kanyang kapatid na narito ang kanilang Lolo. Ito ang tumayong gabay at magulang nilang magkapatid. Kahit na mahirap ang buhay ay nakaraos pa rin sila. May maliit silang tindahan at ang kanyang lolo ang bumabantay rito. Ang kanyang kapatid na babae naman ay sa kabila ng pagiging iskolar ng City Government ay nagwo-working student pa rin para may panggastos sa bahay at pandagdag na rin sa mga kakailanganin niya sa paaralan.

"Kuya! Lo!" Dumating na nga si Merry, ang bente anyos na kapatid ni Morris at may dala itong pasalubong para sa kanyang lolo. Naka-uniporme pa ito ng isang sikat na fastfood chain at dahil bakasyon siya, ay full time ang naging trabaho niya roon.

"Hindi naman makakain ni Lolo iyan Merry, bakit fried chicken ang ipinasalubong mo?" wika naman ni Morris sa kapatid niya na tinignan kaagad siya matapos yakapin ang lolo niyang nakaupo sa tungga-tungga nito.

"Ipaghihimay ko si Lolo, tsaka request ito ni Lolo kuya," wika ng dalaga at inirapan pa nito ang kanyang kuya.

"Lolo! Fried Chicken po! Ito ang iuulam ninyo mamaya!" malakas na wika ni Merry na ngumiti-ngiti kaagad sa kanyang lolo na makikitang wala nang kahit isang ngipin sa pagbungisngis nito.

"Salamat Merry! Salamat din sa kuya mong si Morris. P-pasensya na kayo at hindi na ako makapagtrabaho," wika ng matanda na makikitang dahan-dahang nagiging emosyonal sa kanyang mga apo.

"Ano ba kayo Lolo, magdadrama na naman kayo? Don't worry! Kapag nakatapos ako sa pag-aaral ko, at kapag nagkatrabaho... lilipat tayo sa magandang bahay. Tapos palaging may masasarap na pagkain tayo!" masiglang wika ni Merry na lihim namang ikinangiti ni Morris.

Pumunta na si Morris sa kanyang lagayan ng damit at nagbihis. Maya-maya ay si Merry naman ang pumasok sa maliit nilang banyo upang magpalit ng damit.

"Gumagawa yata si Lolo ng mga saranggola kuya?" wika ni Merry na kasalukuyang nakatingin sa maliit na salaming nakasabit sa itaas ng durabox na lalagyanan nila. Nagtatali ito ng kanyang buhok nang sandaling iyon.

"Oo nga, nakita ko iyong mga kawayan sa tabi," wika ni Morris na narinig pa ang pag-ubo ng kanilang lolo na nakaupo sa upuan nito habang nagpapaypay gamit ang abanikong yari sa dahon ng anahaw.

KINBEN II (Completed)Where stories live. Discover now