Bola 14

447 44 0
                                    


Bola 14

NAKAKARAMDAM si Ricky ng magkahalong kaba at excitement nang makapasok muli siya sa coliseum ng Calapan. Malinaw pa rin sa isip niya ang unang beses na pumasok siya sa loob nito noong ang CISA ay nakapasok sa Final 4 ng CBL. Parang naririnig pa nga niya ang sigaw ng crowd para sa kanila at pakiramdam niya ay lalabanan muli nila ang DWCC.

Umupo na siya sa bench at katabi niya si Baron na hindi man lang iniimikan ang ni isa sa kanilang mga kakampi. Tanging siya lang ang kinakausap nito magmula nang bumyahe silang sakay ng jeep kanina. Narinig din nito ang sinabi nitong maglalaro lang ito kapag kasama siya sa loob ng court.

Napapailing na lang naman si Kap sa inaasal ni Baron. Kaninang umaga nga ay kinausap na siya ng ilang mga kasama niya sa kanilang koponan na baka hindi maging maganda ang mangyari kapag pinaglaro niya ito sa loob. Naaalala pa rin kasi nila ang ginawa nito noon sa isang player na nakalaban nila sa una nilang game dati. Sinuntok ito ni Baron dahil nainis ito sa ginawa nito rito.

Natalo sila sa larong iyon at ang mga nasa koponan niya ay nagalit sa kanya dahil ipinasok pa raw niya ito sa barangay team kahit alam na niya ang ugali nito. Ngayon, narito muli ito at ang ipinagdarasal na lang ni Kap ay huwag nang maulit ang nangyaring iyon dati.

"Kap, kung ako sa iyo, huwag mo nang ipasok itong si Baron," wika ni Manong Eddie na nagsisimula nang ayusin ang pagkakapasok ng kanyang jersey sa loob ng kanyang shorts.

Napangisi naman si Baron nang marinig iyon mula rito. "Wala sa aking problema, huwag na huwag lang kayong hihingi ng back-up sa akin kapag humina na ang mga tuhod ninyo."

Napakuyom naman ng kamao si Manong Eddie nang marinig iyon. Ganoon din ang ilan sa mga kasamahan nila sa bench. Si Kap ay napatingin din kay Baron at dito na ito biglang nagsalita.

"Baron, isinali kita rito hindi dahil hiningi ko sa iyo. Hindi mo ba naaalala na ikaw mismo ang lumapit sa akin para isali kita?" seryosong winika ni Kap na bahagyang nagtanggal ng angas na ipinapakita ni Baron sa mga ito.

Natauhan nang bahagya si Baron dahil tama nga ito. Siya ang lumapit sa Kapitan para mapasama siya rito.

"Kalma ka lang kuya Baron. Team tayo rito..." mahina namang winika ni Ricky na nakaupo sa kanyang tabi na kasalukuyang inaayos ang sintas ng kanyang pulang sapatos.

"Ipasok mo kami Kap ni Mendez sa first five at papakitaan ko ang mga gurang na ito ng totoong galawan sa loob ng court..." wika naman ni Baron na pinasaringan pa ang iba nilang mga kasama sa bench ng Canubing. Hindi pa man nga nagsisimula ang laro ay hindi na agad maganda ang mood dito.

Dito na nga tiningnan ni Kap ang mga players niya at gusto nga niyang ipasok sa starting players si Baron, at isasama niya rito si Mendez dahil unang-una, ito ang gustong kasama nito. Kung mapapabuti nito ang attitude at laro nito sa loob ng court ay gagawin niya ito. Dahil gusto niyang manalo!

Canubing 1 Panthers' Starting Line-up:

Florante Karim #21 (6'6): Center. Sa mga players ni Kap ay ang dalawang Karim ang pinakamatangkad. Isa pa, malapad ang katawan ng dalawa at magandang mapatao ito sa ilalim. Alam din naman niya na ang magkapatid ay pang-painted area ang galawan. Ang kapatid naman nitong sa Adolfo ay ang gagawin niyang back-up center para maganda ang maging rotations niya mamaya.

Eddie Dinglasan #5 (6'3): Power Forward. Kilala na ni Kap si Manong Eddie at kahit na ito ang pinakamatanda sa team ay maaasahan pa rin ito sa laro. May kakayahan itong kumuha ng rebound at minsan ay tumitira rin ito sa labas.

Bartholome Semeron #24 (6'4): Small Forward. Alam ni Kap na matangkad si Baron, at alam din niya ang style ng laro nito kaya mas mabuting sa posisyong ito niya ito ilagay. May taglay itong bilis at alam niyang ito ang magmamando ng opensa sa oras na maglaro ito nang maayos sa loob ng court.

KINBEN II (Completed)Where stories live. Discover now