Bola 67

432 34 0
                                    


Bola 67

MAGANDA ang bungad ni Kap sa kanyang mga players sa pagtatapos ng first half. Malinaw niyang nakita na mas malakas ang kanyang team kumpara sa kalaban nilang Lumangbayan. Pero nasa isip rin niya na kagaya lang ito noong mga unang laro nila na kung saan ay pagod palagi ang starters dahil babad na babad ang mga ito.

Alam ni Kap na kung mananalo sila sa larong ito ay hindi na kailangang maging babad ang kanyang first 5 sa sunod nilang laban. Ang Camilmil na kasi ang kanilang lalabanan at wala pa itong talo. Alam din niya kung gaano kalakas ang koponang iyon. Noong una nga nilang laban ay tinambakan sila nito at walang nagawa ang kanyang mga players laban dito.

Lumunok siya ng laway at pinagmasdan ang kanyang mga players. Napatingin din siya sa kanyang mga reserba. Ito ay ang mga players niya na palagi ring nasa kanyang team sa nakalipas na mga inter-barangay. Kailangang magamit niya ang bawat isa sa game na ito para mag-set ng tempo para sa sunod na laban. Hindi siya pwedeng mag-rely, kay Martin, kay Ricky... at kung babalik si Baron. Kailangang mag-rely siya sa lahat, dahil kung hindi ay masasayang ang kanilang mga panalo.

Napakuyom si Kap ng kamao habang iniisip iyon. Dito nga ay bumalik na lang siya sa reyalidad nang akbayan siya ni Konsehal Wilbert, ang kanyang anak.

"Tay, ano'ng iniisip ninyo? Lamang tayo," nakangiting wika nito sa kanyang ama. Napatingin tuloy ang mga players sa kanilang coach nang marinig iyon.

Dito na nga pinagmasdan ni Kap ang mga players niya. "Kailangang ipahinga ko ang starters natin. Kailangang magamit ang bawat isa sa game na ito..."

"Kung mananalo tayo, Camilmil na ang sunod nating makakalaban... Kailangang makapaglaro ang lahat para hindi mapagod ang mga starters natin," wika pa nito na nakapagpaseryoso sa kanyang mga players. Tama ang narinig nila, hindi nakakalaro ang lahat sa una nilang mga laban. Sabihin na nilang panalo sila, pero hindi lahat ay productive. Si Kap, ay nag-aalangang patigilin ang kanyang mga starters lalo na ang mga offensive players dahil laging crucial ang bawat oras nila sa loob ng court.

Napatingin naman sa malayo si Ricky nang marinig iyon. Tama si Kap. Ganito ang nangyari sa kanila sa CISA noong nakaraang season. Natalo sila sa DWCC dahil sa magandang rotation ng mga players nito. Hindi lang sa starters sila umaasa. Ang mga reserve players ay may kanya-kanyang roles. May second unit sila na maaasahan para makapagpahinga ang mga starters. Kung magagawa ito ng Panthers ay may posibilidad na matalo nila ang Camilmil. Pero alam ni Ricky na malakas ang team na iyon. Pinapanood niya ang replays ng mga laro nila at iba ang ball movement at galawan ng koponang iyon. Nakita rin niya kung paano maglaro ang player na si Mover Flores. Malakas ang isang iyon at hindi niya alam kung kaya niya itong tapatan sa mismong laban nila.

"Kaya pagpapahingahin ko muna ang mga starters natin. Ipapasok ko ang reserves. Adolfo, Jimwel, Kaloy, Alfredo at ikaw Wilberto! Mag-warm-up na kayo... Kailangang maglaro kayo!" seryosong sinabi ni Kap.

Napangiti kaagad ang kanyang anak na si konsehal Wilbert. Naghubad na ito ng tshirt at ipinakita sa mga kasamahan ang apelyidong Torres at ang numero trese. "Lalaro na ang secret weapon!" pagmamalaki nito at napatawa ang ilan. Binatukan naman siya ng kanyang tatay dahil doon.

"Umayos ka! Huwag ninyong ipapahabol ang lamang natin... Paghahanda ito para sa next game! Next game... dahil alam kong mananalo tayo rito!" seryosong winika ni Kap. Uminom ito ng tubig at napatingin sandali sa scoreboard sa itaas.

Ilang sandali pa nga ay tumunog na ang buzzer. Ang second half ay magsisimula na. Nagsipuntahan na ang mga players ng Panthers sa loob ng court na ikinabigla ng crowd dahil mga reserba ito. Napaseryoso naman ang kabilang panig nang makita iyon. Ang coach nga ng Lumangbayan ay tinawag pa sandali sina Montoya at Cunanan bago tuluyang makabalik sa loob ng court.

KINBEN II (Completed)Where stories live. Discover now