Bola 55

434 32 0
                                    


Bola 55

NAKARAMDAM na ng pagod ang mga players ng White Sharks matapos ang pagpuntos na iyon ng kanilang kalaban. Nararamdaman na ng bawat isa sa kanila ang pagod na dulot ng mahabang oras nilang paglalaro.

Napatingin sila sa koponan ng Panthers sa kanilang pagbaba at lahat ng mga ito ay matikas na nakaposisyon upang sila ay pigilan. Pagdating ni Rommel sa side nila ay napaatras siya nang biglaan dahil muntik nang maagaw mula sa kanya ang bola ni Mendez.

Napaseryoso tuloy siya at nakaramdam ng inis sa ipinapakitang depensa ni Ricky. Halos kasing-haba lang din niya sa oras ng paglalaro ito, pero bakit parang may lakas pa raw ito? "Hindi ka ba napapagod Mendez!" tanong ni Rommel sa kanyang sarili at wala na siyang mapagpilian kundi ang ipasa sa kakampi niya ang bola.

Gusto niya itong talunin, at gusto niyang ipakitang siya ang pinakamagaling... kaso, kahit magawa niya iyon kay Ricky--- tatayo at tatayo pa rin ito para maglaro. Upang dumipensa. At ngingiti at tatawa sa anuman ang maging resulta ng larong ito.

Sinambot ni Morris ang bola at mabilis namang tumakbo palapit sa kanya si Johnson upang bigyan siya ng screen. Pagtayo nito ay mabilis niya itong ginamit upang magkapalitan sila ng mga bumabantay.

Isa na namang pick-en-roll play iyon at mabilis na tumakbo sina Serna at ang kanilang sentro papunta sa kanilang basket. Seryoso pa ngang nakatingin sa ring si Morris at nang malapit na siya ay buong lakas siyang tumalon palapit dito. Isang lay-up ang kanyang ginawa at hindi na siya sinabayan ni Karim dahil baka raw siya makakuha ng foul.

Dahil sa puntos na iyon ni Morris ay nabuhayan muli ng dugo ang kanilang mga supporters at mga kakampi. Subalit isang malayong pasa ang ginawa ni Florante papunta sa side ng Panthers na ikinatakbo nila nang hindi inaasahan. Naroon na si Mendez na sinubukan pang pigilan ni Alfante.

Isang ngiti ang sumilay sa labi ni Mendez sa paglapit niya sa kanyang defender at mula sa kaliwang kamay niya, mabilis niyang pinatalbog patungo sa kaliwa ang bola. Kasunod noon ay ang biglaan niyang pag-atras. Nang makita niyang sumabay sa kanya si Alfante ay dito na siya bumigla ng abante kasabay ng bolang nasa blindspot ni Rommel.

Nakaramdam ng gigil si Rommel dahil ibang-iba talaga raw maglaro si Mendez. Naiinis siya sa ngiti nito. Ganoon din sa tila ba naglalaro lang ito at parang wala sa isang opisyal na liga. Nilampasan siya ng kanyang binabantayan at nang malapit na ito sa basket ay nakita niya ang pagtalon nito.

Wala na siyang nagawa kundi ang hawakan sa tagiliran si Mendez upang hindi makatalon. Okay lang daw na matawagan siya ng foul, kaso nahawakan na nga niya si Ricky... pero, nabigla siya nang mahila siya nito nang bahagya sa pagtalon. Ang lakas ng player ng Panthers!

Napangiwi na nga lang si Ricky matapos iyon, pero hindi siya nagpadaig at nakatalon pa rin siya nang kaunti kahit paano. Kasunod noon ay ang mabilis niyang pagtalang sa bola paitaas gamit ang kanyang kanang kamay. Sinabayan iyon ng pagtunog ng silbato ng referee at natawagan nga si Alfante ng foul. Pagkatapos noon aypumasok ang bola sa basket at si Ricky ay napangiti at napasuntok sa hangin. Napasigaw nang malakas ang lahat ng kanilang mga supporters. Maging ang ilang mga taga-Lalud nga ay napatayo na rin nang makita ang ginawang iyon ni Mendez.

Bibihira lang silang makapanood ng ganitong player. Habang pinapanood kasi nila ito ay nakakaradam sila ng excitement na sinasamahan pa ng hindi mapigilang ngiti sa kanilang mga labi. "Ang sayang panoorin ng isang ito..." wika na nga lang sa isip ng mga nagsisimula nang maging fan ng player na iyon.

"Galingan mo Mendez! Nasa iyo na ang suporta ko!" sigaw ng isang lalaking nasa edad kuwarenta na supporter din ng Lalud. Maya-maya pa nga ay isang grupo na rin ng mga nakaputi ang sumisigaw sa pangalan ni Ricky.

KINBEN II (Completed)Where stories live. Discover now