Bola 8

1K 152 36
                                    

KINBEN II
by TaongSorbetes

11-1-20

******

CHAPTER 8

DALAWANG araw bago magsimula ang inter-barangay sa Calapan.

Karamihan sa labing-anim na barangay ay naghahanda na para sa torneyo. May ilan ngang kumuha pa ng import mula sa ibang bayan at pinapalabas na taga-rito ito. Bawal daw iyon, pero hindi naman ito nagawan ng paraan ng City kaya sa huli, nakasanayan na rin lang ito ng mga kasali.

Ang mga import na ito ay binabayaran nila upang maglaro para sa kanilang koponan. Ilang team lang din naman ang gumagawa nito, at ang mga ito ay ang malalaking barangay tulad ng Lalud at ng Defending-champion na Barangay Camilmil.

Umaga nang muli at ginawa muli ni Ricky ang tipikal niyang ehersisyo at practice tuwing ganitong oras pagkagising. Dama niya ang medyo sakit ng kanyang tagiliran dahil sa laro niya kahapon pero ayos lang daw iyon sapagkat hinahanap daw ito ng kanyang katawan... ang sakit sa katawan na dulot ng paglalaro ng basketball.

Nilampasan niya ang bahay ng aso na palaging hinahabol siya ngunit kakaiba nang umagang iyon dahil nakasara lang ang gate ng lugar na iyon. Nilingon pa nga ni Ricky nang bahagya ang loob noon pero wala. Naninibago siya pero ayos lang din naman daw sapagkat hindi siya tatakbo nang mabilis. Isa pa, masakit pa raw ang kanyang hita kaya medyo umiinda siya habang tumatakbo at nagdi-dribble.

Pagdating niya sa court na malapit sa kanila ay agad siyang nag-practice ng shooting. Naalala niya ang nangyari kahapon. Hindi niya iniisip na dinaya siya ni Baron, dahil sa ibang laro, may mga pagkakataon talagang mangyayari iyon.

"At para hindi masira ang laro mo... Ikalma mo ang sarili mo kahit inaasar ka ng iyong kalaban. Hayaan mong ang laro mo ang magpakilala sa iyo. Hayaan mong ang kakayahan mo ang magpatahimik dito!"

Naalala ni Ricky ang sinabing iyon ni Macky. Iyon nga ang ginawa niya kahapon, kaso, masyadong malakas si Baron at sanay na sanay na ito sa pagba-basketball kung titingnan.

Isa pa, naka-tsinelas lang at maong ang kanyang kalaban, paano pa kaya kung naka-jersey ito?

"Ibig-sabihin, marami pa akong bigas ba dapat kainin para matalo si Kuya Baron," wika ni Ricky at mula sa kinatatayuan niya, binitawan niya ang isang jump shot.

Pumasok iyon sa basket nang walang kahirap-hirap. Ang bola nga ay dumiretso sa baba at tumalbog papalayo.

Tinakbo na iyon ni Ricky nang bigla na lang may isang lalaki ang lumitaw mula sa madilim na bahagi ng court.

Kinuha ng lalaki ang bola at ngumisi kay Ricky.

"Kuya Baron? Ano'ng ginagawa mo rito? Maglalaro ka?" wika ni Ricky rito na hindi man lang nagulat o nabigla sa paglitaw nito mula sa kung saan.

Pinatalbog ni Baron ang bola at pinagmasdan ang binata na nakangiti na parang sira sa kanya. Napuyat siya dahil sa lalaking ito. Hindi siya kaagad nakatulog dahil sa laro niya kahapon.

"Bakit ka umalis sa barangay team? Hindi ko naman sinabing gawin mo iyon?" seryosong winika ni Baron sa binata. Kahit na kilala siyang mahilig mang-asar at mayabang, tila ba may kung anong bagay ang nag-alis noon nang makita niya si Ricky sa court na ito nang ganito kaaga.

"E kuya, natalo ninyo ako. Isa pa, ako ang nagsabi noon, kaya ginawa ko bilang isang lalaki..."

Napatingin sa malayo si Ricky at may sandaling naalala.

"Gusto ko kasi kuyang magkaroon ng paninindigan sa mga bibitawan kong salita. Isa pa, natalo ninyo ako. Masyado akong mayabang kasi hinamon ko kayo... Kaya, okay lang siguro ito bilang punishment," wika pa ni Ricky na natatawa pa pagkatapos noon.

KINBEN II (Completed)Where stories live. Discover now