Bola 15

465 45 1
                                    


Bola 15

HINDI nga maiwasang mamangha ng mga nakasaksing manonood sa ginawa ni Mendez sa pagsisimula ng laban nila sa Palhi Realtors. Mula ito sa mabilis nitong paghabol sa fast break na gagawin sana ni Mendoza, patungo sa cross-over nitong pinadaan ang bola sa pagitan ng binti ng kanyang defender, hanggang sa tantyadong tres na pinakawalan niya. Sadyang hindi maiiwasang mapabilib ng mga nakakita noon lalo na nga ang ilang mga hindi siya kilala. May ilang napatayo pa nga at ang bench nila ay napasigaw dahil sa kanyang ipinakita.

Isa namang pagngisi ang sumilay sa labi ni Baron matapos masaksihan iyon. Hindi niya akalaing magagawa iyon ni Mendez. Napatingin pa siya kay Vallada at pagkatapos ay tinaasan niya ito ng tingin na sinundan ng kanyang mabilis na pag-alis sa tabi nito.

"Mendez..." nasambit na lang ni Mildred Vallada habang pinagmamasdan ang nakangiting si Ricky na napapalibutan ng mga bumabati nitong mga kakampi.

Lumapit sa kanya si Mendoza at nakita niya ang pagkadismaya ng itsura nito. Naisipan tuloy niyang tapikin ang balikat nito at sinabing okay lang iyon.

3-2 na ang score at nasa Palhi Realtors na muli ang bola. Si Mendoza ang nagdala nito at sa pagpasok nito sa side nila ay siya namang paglapit ni Mendez sa kanya upang dumipensa.

"Ginulat mo ako sa bilis mo," mahinang sabi ni Mendoza at mabilis siyang tumakbo pakaliwa. Nang napansin niyang hinabol siya ni Mendez ay bigla siyang huminto at umatras gamit ang kanyang kaliwang paa.

Ang mga manonood ay nakita ang mabilis na step-back na iyon. Nakalikha iyon ng espasyo mula sa defender na si Mendez. Napangisi si Mendoza dahil doon at mabilis siyang tumalon para bumitaw ng isang two-point jumper.

Hindi naman napaghandaan ni Ricky iyon, pero sinubukan pa rin niya itong i-block.

"Huli ka na Mendez," tinuran ni Mendoza at pinakawalan niya ang bola. Sa paglapag nila sa court ay siyang pagdiretso noon sa basket.

Isang tunog ang kumawala nang ang bola ay sa gilid ng ring tumama. Tumalbog ito pabalik sa loob. Sumablay iyon at si Mendoza ay napaseryoso na lang matapos iyon.

"Rebound!" bulalas ni Manong Eddie na kaagad na binox-out ang katapat na si Roger Morales (6'3), may edad na rin ang itsura nito at halos kahawigan niya sa pangangatawan.

Si Karim naman ay mabilis na sinandalan si Coron at nang maramdaman niyang lamang na siya sa posisyon ay dito na siya tumalon para sa pagkuha ng bola sa ere.

Pero ginulat ng isang player ng kalaban ang koponan ng Canubing nang isang naka-berde ang tumalon mula sa likuran ng kanilang sentro. Nasambot nito ang bola at bago pa man siya lumapag ay mabilis niyang idinakdak ito gamit ang dalawang kamay.

Kasabay rin nito ay ang pagsilbato ng referee sa pito nito dahil may kasama foul ang nangyaring iyon.

Napasigaw at napa-cheer ang mga taga-Palhi dahil sa ginawang iyon ni Vallada. Nakangisi naman ito matapos gawin iyon. Si Karim ay bumagsak pa sa court at nasa likod ng nakabitin pang si Vallada si Baron na natawagan ng foul dahil sa pagtulak nito rito habang nasa ere.

Pagkalapag ni Vallada ay mabilis niyang sinulyapan si Baron na nakakuyom ang kamao.

"Mabuti't nakahawak ako sa ring," mahinang winika ni Vallada sa paglampas niya kay Baron upang tumungo sa free throw line.

"Okay lang iyan kuya," winika naman ni Ricky nang makita ang pagseryoso sa mukha ni Baron. Tinapik pa niya ito sa balikat upang subukang pakalmahin.

Si Manong Eddie nga ay napansin ang ginawa ni Baron kanina, kasama na rin ang pagbabago ng itsura nito dahil sa nangyaring iyon. Kinabahan siya, at kagaya ni Kap na nasa bench, nakaramdam din siya nang hindi maganda sa nangyaring iyon.

KINBEN II (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon