Bola 44

382 34 3
                                    


Bola 44

21-9 at pabor sa Lalud White Sharks ang laro, at ang oras na natitira sa laro; 2:54.

Bago pa ba para sa kanya ang ganitong sitwasyon? Hindi, dahil ganito rin siya noong nagsisimula siya sa paglalaro ng basketball sa CISA. Palaging tinatambakan, palaging nalalamangan sa umpisa. May mga laro nga ring walang nagchi-cheer sa kanila at kadalasa'y sila ang underdog. Ganito rin iyon, katulad nito.

Kahit sino pa man ang maging kasama niya sa team, dapat siyang magtiwala rito. Bawat isa ay may natatagong lakas, at may natatagong potensyal. Nagsimula rin siya sa pagiging mahina, at lumalakas siya habang tumatagal. Hindi man niya nakakalaro madalas ang ilan sa mga ka-team niya sa Canubing 1, alam naman niyang lahat sila ay gusto ang larong ito... at ito ang nakikitang paraan ni Ricky para manalo sila.

Gusto niyang gisingin ang pusong manlalaro ng mga kasamahan niya, kaso hindi niya alam kung paano niya ito magagawa. Kahit na ganoon ay maglalaro pa rin siya nang masaya para sa game na ito. Sinisiguro niyang hindi siya kakabahan, mas lalong hindi siya maaasar sa kalaban.

"Alam ko, may kanya-kanya tayong galing sa loob ng court. Iyon ang gusto kong makita..."

Bumalik na muli sa Lalud ang bola at pagkahawak ni Rommel sa bola ay binigla kaagad siya ni Mendez ng isang hindi inaasahang steal. Natulala ang mga naka-puti sa nangyari at tanging si Morris lang ang nag-react sa nangyaring iyon na susubukan pa sanang i-save ang bola. Ang bola ay tumalsik nga palabas at hindi na ito hinabol ng Lalud dahil kampante silang sa kanila muli mapupunta ang possession... pero, hinabol ito bigla ng player na nakaitim na may numero tres sa likod ng jersey.

Hangga't ang bola ay posibleng makuha, kukuhanin niya ito. Handa rin siyang masaktan at magdagasa para rito. Dahil para sa kanya, hangga't hindi sinasabi ng referee na sa kalaban na ang posesyon nito, may posibilidad pa rin siyang maibalik ito sa kanilang team.

Tumalon si Ricky palabas ng court at ang lahat ng nasa tabing manonood ay humanda upang saluhin ang binata. Nabigla pa nga sila nang makitang nakangiti ito nang mahawakan iyon habang nasa ere. Pagkatapos ay sinundan niya ito ng isang napakabilis na paghagis pabalik sa loob ng court. Kasunod pa noon ay ang pagdiretso niya sa mga manonood na karamihan ay mga dalagang nasa kaedaran din niya.

Hindi umalis ang mga iyon, bagkus ay hinayaan nilang dumiretso si Mendez sa kanilang harapan na ikinagulat nang bahagya ng binata.

Ang bola, ito naman ay biglang sinalo ng isa niyang kakampi sa Panthers. Si Morris nga ay sinubukan pang habulin iyon, pero, huli na siya upang pigilan si Baron na mabilis na umatras pabalik sa corner three-points area.

"Hindi kita mapapatawad Mendez!" bulalas ni Baron na nakangiti matapos bitawan ang bola mula sa kanyang mga kamay. Sa pagkakataong iyon ay hindi niya pinansin si Serna na sinubukan siyang butaan mula sa kanyang ginawa. Ang tanging nasa isip niya nang oras na iyon ay masayang maglaro ng basketball, lalo na kung may isang Mendez sa koponang kinabibilangan niya.

Ang bola ay hinalit ang net ng ring at ang mga taga-Canubing ay napasigaw sa labis na tuwa. Isang tres na naman ang nagawa ng kanilang team at naibalik nila sa single digit ang kalamangan ng Lalud.

Si Baron, napatakbo kaagad sa pinagbagsakan ni Ricky at napatawa na lang siya nang makitang napapaligiran ito ng mga naggagandahang dilag.

"Akala ko pa naman, hinabol mo talaga ang bola para makapuntos tayo. P-pero mukhang may lihim kang intensyon sa ginawa mong iyon," ani Baron at si Ricky ay agad na pinamulahan at nagmadaling tumayo. Nakaramdam tuloy siya ng hiya dahil napatuon siya sa hita ng isang babaeng naroon. Hindi lang iyon, kanina, nakaramdam pa nga siya ng malalambot na kung ano kaya mabilis siyang nagpatay-malisya sa nangyaring iyon.

KINBEN II (Completed)Where stories live. Discover now