Bola 54

415 34 0
                                    


Bola 54

HINDI maganda ang sumalubong na mga salita sa mga players ng White Sharks sa pagdating nila sa kanilang bench. Normal na reaksyon na ito, dahil sino ba namang coach ang matutuwa kung ni isang puntos ay hindi nakagawa ang kanyang mga players sa loob ng ilang minuto?

"Ano'ng nangyari sa inyo? Nakatulog ba kayo? Nasaan na ang team na dating champion?" bulalas ni Coach Leo sa mga nagbalikan niyang mga players na makikitang napagod sa pagsisimula ng quarter.

Patawa-tawa naman si Harold Salazar sa isang tabi habang pinapanood ang kanyang mga kasamahang sinasabon ng kanilang coach.

"Rommel? Ano? Nasaan na ang pinakamagaling na Point Guard ng CBL? Parang kanina ko pang hindi nakikita?"

"David? Napagod ka na ba sa pagbabantay kay Suarez?"

"Greg? Ano? Puro na lang kayo usap ng kalaban mo sa may painted area? Try mo ring humanap ng position na makakapuntos ka?"

Napatingin naman siya kay Johnson at napailing na lang ito. Maganda pa ang nilalaro ng kanilang sentro, kaso, hindi ito napapasahan ng bola.

"Morris? Ano? Ace player ka ba? Nagpapadaig ka sa players ng Panthers. Ikaw ang inaasahan kong pupuntos pero hindi mo nagawa?"

Napahawak na nga lang sa noo si Coach Leo at napainom ng tubig nang mga oras na iyon. Huminga siya nang malalim at muling ikinalma ang kanyang sarili. Maayos na niyang tiningnan ang mga players niya. Nasabi na niya ang gusto niyang sabihin. Itinuon naman niya ang kanyang sarili sa kung ano ang dapat gawin ng kanyang mga players sa pagpapatuloy ng game.

"Pasahan ninyo si Johnson. Umatake tayo sa ilalim. Hayaan na ninyo ang shooting sa kanila. Ang kailangan natin ay makasungkit tayo ng fouls. Advantage ng koponan natin ang ilalim kaya huwag kayong mag-pokus sa shooting!"

"Tandaan ninyo... Kapag natalo tayo... Wala na tayong susunod na laro. Ano na lang ang sasabihin ng mga taga-Camilmil? Na humina na tayo?"

"Gising! Gising! Hindi ang White Sharks ang napanood ko kanina. Maglaro kayo sa kung ano ang mayroon ang team natin," seryosong winika ni Coach Leo sa kanyang mga players at pagkatapos ay pinalakpakan niya ito nang malakas.

"Morris, huwag mong sabihing magpapatalo kayo? Nawala lang ako, nagkaganyan na kayo," pasaring naman ni Harold na nasa likuran ng nakaupong si Morris.

"Itigil mo ang bunganga mo Harold," seryosong sinabi ni Morris matapos uminom ng tubig.

"Nakakalimutan mo yata, pinapanood ka ni Mover. Narito ngayon siya... Ano na lang ang iisipin niya sa iyo kapag natalo tayo?" ani pa ni Harold na ikinaseryoso lalo ni Serna.

"Maghaharap uli tayo Mover! At sa sunod na game na maglaban tayo, kukuhanin ko na sa iyo ang pagkapanalo!" seryosong winika ni Morris sa una nilang paghaharap ni Mover.

"Ilang taon mo nang sinasabi sa kanya na tatalunin mo siya, pero hindi pa rin ikaw manalo. Hindi pa rin natin sila matalo... Nakalimutan ko na nga ang pakiramdam na mag-kampeon," ani Harold at may mga bagay siyang inalala matapos iyong sabihin.

Napahigpit ang pagkakahawak ni Morris sa kanyang iniinumang lalagyan. Tama si Harold, palagi niyang sinasabi kay Mover na tatalunin na niya ito, kaso, hindi pa rin nila matalo ang team nito. Noong nakaraan nilang laban, akala niya ay matatalo na nila ang mga ito, kaso, naudlot iyon.

Tumayo na si Morris at pasimpleng sinampal ang sarili ng dalawang beses. Matapos punasan ang kanyang pawis sa mukha at leeg ay inilapag niya ang towel na ginamit sa kanyang lalagyanang nasa tabi ng bench. Walang salitang lumabas sa labi niya, bagkus ay madali siyang bumalik sa loob ng court kahit na hindi pa man tumutunog ang silbato ng referee.

KINBEN II (Completed)Where stories live. Discover now