Bola 1

1.8K 209 46
                                    

KINBEN II
by TaongSorbetes

10-11-20

******

CHAPTER 1

TUMILAOK na ang tandang na nakahapon sa bubong ng bahay ni Ricky, at kasabay noon ay ang mabilis na pagmulat ng kanyang mata. Humikab siya at ipinikit-pikit ang mga mata. Sandali muna niyang iniunat ang kanyang mga braso sa hangin bago siya tuluyang tumayo.

Tumayo na siya at binuksan ang ilaw mula sa kanyang silid. Sinulyapan niya ang kalendaryo pagkatapos noon.

"Bakasyon na," wika ni Ricky sa sarili. Natapos na rin niya ang pagpapapirma ng clearance kahapon sa CISA at hihintayin na lang niya ang anunsyo na pwede na niyang kuhanin ang kanyang grades para mag-enroll uli.

"Third year na ako sa sunod," wika niya matapos siyang maghilamos sa loob ng CR na nasa labas lang ng kanyang kwarto.

Siya pa lamang ang gising nang mga oras na iyon sa kanilang bahay. Kahit wala ng pasok ay nakasanayan na niya ang magising nang maaga.

Bumalik siya sa loob ng kanyang kwarto upang magpalit ng damit. Sinuot niya ang isang jersey at isang pulang shorts. Pagkatapos ay kinuha niya ang kanyang sapatos.

Sandali pa siyang napatingin sa itim na sapatos sa gilid ng kanyang lalagyan. Napangiti na lang siya at kinuha nga niya iyon. Pinagpagan niya iyon gamit ang kanyang kamay dahil medyo may gabok na ito.

Matagal na rin nang huli niyang suotin ito. Ang sapatos na binili niya noon kasama ang isang kakilala.

Ibinalik niya iyon sa lalgyan at kinuha ang pulang sapatos na binili niya sa ukayan noong isang linggo. Pagkasuot niya noon ay kinuha niya kaagad ang kanyang bola.

Lumabas ng bahay si Ricky at pagtapak niya sa kalsada ay pinatalbog na niya ang bola habang tumatakbo.

Madalas na niya itong ginagawa magmula nang matapos ang CBL noong matatapos na ang unang semestre. Kapag walang pasok ay inaabot siya hanggang sa kabilang barangay. Pagkatapos ay babalik siya sa court na malapit sa kanilang bahay upang ang shooting naman ang i-practice.

Hindi nga makakalimutan ni Ricky ang ilang beses na sinapit niya sa ginagawa niyang exercise na ito. May pagkakataon kasi na hinahabol siya ng aso at dahil doon, wala siyang choice kundi ang takbuhan iyon.

Alam ni Ricky na delikado, ngunit sa bawat oras na hahabulin siya ng aso ay naiisip niyang isa rin itong training.

Noong una ay napaakyat na lang siya sa isang puno habang ang bola ay iniwanan niya sa ibaba nito. Nang sumunod ay ganoon pa rin at nang may mga sandaling nararanasan niya ito, doon na niya sinubukang takbuhan ang munting aso na humahabol sa kanya.

Hindi kalakihan ang asong iyon ngunit tila ba paborito siyang abangan nito sa umaga at habulin. Kahit na alam niyang delikado siyang makagat noon, naging matigas ang kanyang ulo at paulit-ulit siyang nagpapahabol doon tuwing mae-encounter niya ito.

Habang si Ricky ay tumatakbo habang nagdi-dribble ng bola ay natanaw na niya ang hindi kalakihan ngunit may kagandahang bahay na tinatambayan ng aso na madalas na humahabol sa kanya. Pabalik na siya noon sa court na malapit sa bahay nila. Narating na rin niya ang kabilang barangay at sa kabila namang kalsada siya tumakbo, kahilera ng bahay na madalas niyang inaabangan dahil delikado.

Napansin nga niyang bukas ang maliit na gate noon. Dahil doon ay inihanda na kaagad niya ang kanyang sarili sa posibilidad na habulin siya ng aso roon.

Sa pagkakaalam nga niya ay bawal ang nakaalpas na aso, ngunit tila pabaya ang may-ari noon. Noong una ay parang gusto niyang sabihin iyon sa may-ari ng bahay ngunit sa huli, umiral ang kagustuhan niyang bumilis sa pagtakbo, at gumaling sa dribbling... siya na mismo ang nakinabang sa pagkakataong iyon.

KINBEN II (Completed)Where stories live. Discover now