Bola 64

395 35 0
                                    


Bola 64

BINABA ni Ricky ang bola at mabilis siyang binantayan ni Kier. Nakangisi lang ito at hindi na nagsasalita pa. Alam ni Mendez na nakapokus na ito sa oras na ito. Bahagya siyang umatras at nag-ingat. Hindi niya maipaliwanag pero ang lakas ng kabog ng kanyang dibdib nang sandaling iyon. Hindi siya sigurado kung kinakabahan ba siyang maging katapat si Cunanan na kakampi niya sa CISA o hindi.

Napalunok siya ng laway nang makitang papalapit sa kanya si Martin. Mabilis siyang nagpatalbog ng bola at ipinasa niya rito ang bola. Pagkasambot ni Suarez ay mabilis nito iyong hinawakan na sinundan ng pagtakbo papunta sa basket. Nakita niya ang walang takot na pag-atake ng kanyang kuya Martin, kaso nang tumira ito sa ilalim ay nabutaan ito ng sentro ng Lumangbayan na si Montoya.

Nakuha pa rin ng Panthers ang possession nang masambot ito ni Tristan. Akala nga nito ay makakapuntos na ito na mabilis na lumapit sa basket, kaso, muling tumalon si Montoya at nasira nito ang kanyang plano. Isang malakas na depensa sa ilalim ang ipinamalas ng center ng Silver Eagles at mabilis pa nitong sinandalan si Karim sa ilalim para sa rebound. Napakagaslaw nitong kumilos at nakuha nga nito ang rebound na ikinamangha ng mga manonood. Ang mga players na kakampi nito ay nagsitakbuhan sa isang kisap ng mga mata. Lahat sila ay tumakbo sa side nila maliban kay Montoya.

Seryosong pinapanood ni Kap ang mabilis na pagbaba ng Lumangbayan at tanging sina Mendez at Suarez lang ang nakatakbo upang makadepensa kaagad. Pagkasambot ni Kier sa bola ay mabilis niyang tinalikuran si Mendez. Kasunod noon ay ang mabilis nitong pagpasa kay Garcia na mabilis na umatras sa three-points area sa kaliwang bahagi ng arc. Pinagmasdan nito ang basket at pagkatapos ay tumalon ito para tumira. Nang pumasok ang bola sa ring ay kumawala ang malakas na cheer ng crowd para sa Lumangbayan. Itinaas pa ni Garcia ang kanyang dalawang kamay sa harapan ng kanilang supporters upang mas lalong magwala ang mga ito.

5-11 ang naging score at bumalik na sa Panthers ang bola. Ibinaba ni Mendez ang bola at agad siyang dinepensahan ni Kier. Tahimik lang ang dalawa habang nagbabantayan. Mapapansing nawala ang sigla sa mata ni Ricky na sinusubukang matakasan ang depensa ng kanyang kaibigan.

"Malakas si Kier... Hindi siya basta-basta..." wika ni Ricky sa kanyang sarili at nagulat na lang siya nang mawala sa mga kamay niya ang bola. Tumalsik iyon palayo at naramdaman na lang niya ang pagdaan ng hangin sa kanyang tabi dahil sa bilis ng paghabol ni Kier dito. Sinubukan pa niyang humabol kaso, naunahan na siya nito sa bola.

Humingal pa si Ricky at hangang-hanga siya kay Kier.

"Ano'ng ginagawa mo Mendez?" bulalas ni Suarez sa kanya na kumaripas ng takbo patungo kay Cunanan.

Nakita ng lahat ang paghabol ni Suarez kay Cunanan na ikinatayo ng ilan sa mga manonood.

"Hindi ka na makakaisa pa," bulalas ni Suarez sa kanyang sarili at inunahan niya si Cunanan. Sabay silang tumalon patungo sa basket, kaso, ibinato pataas ni Kier ang bola. Papunta iyon sa kanilang likuran.

Ang crowd, napa-wow sa nakitang bilis ni Montoya. Nakahabol kaagad ito kay Kier. Sa paghagis ng kanilang point guard sa bola sa ere ay siya namang pagtalon niya ng mataas. Sinambot nito ang bola sa ere at pagkatapos ay idinakdak sa basket gamit ang dalawang mga kamay.

Pagkalapag ni Montoya sa sahig ng court ay mabilis siyang lumapit kay Kier at nag-apiran sila nang malakas. Kasunod noon ay ang paghiyaw nila sa loob ng court. Dahilan din iyon upang ang crowd na sumusuporta sa kanila ay magwala dahil sa kanilang nasaksihan.

Sa pagdaan ni Kier sa tapat ni Ricky ay nakita niya itong nakangiti sa kanya. "Ang galing mo Kier," wika ng binata at napakuyom siya ng kamao nang marinig iyon.

KINBEN II (Completed)Where stories live. Discover now