Bola 32

487 37 0
                                    


Bola 32

KAKAIBANG atmospera ang naramdaman ni Ricky sa pagsisimula ng 4th quarter. Napatingin pa nga siya sa score sa itaas at lamang pa ng lima ang kalaban nilang Bucayao. Masaya siyang nakahabol sila noong nakaraang quarter, pero hindi ibig-sabihin nito ay panalo na sila.

"May oras pa. Marami pang pwedeng mangyari," bulalas ni Ricky sa kanyang sarili at nakapunta na sa kanila ang mga kalabang dedepensahan nila sa pangunguna ni Von Aldaba.

Nakikita nga niyang kakaiba ang itsura nito lalo na nga nang mapatingin siya sa kalmadong mga mata nito.

Mabilis na niyang dinepensahan si Cruz na kasalukuyang may dala ng bola. Seryoso niyang pinagmasdan ang bolang pinapatalbog nito. Nakikita niya ang malikot nitong pagkilos, subalit nababasa niya ang galawannito. Hindi ito kagaya ng dribbling na ginagawa ni Macky noong nilalabanan niya ito. Lalong hindi rin ganito ang sa kanyang Kuya Martin. Mas mabagal ito at tila ba alam niya ang pupuntahan nito.

Sa sandaling umatras si Cruz, ay ito rin ang sandaling bumigla si Ricky ng pagsunod dito.

Isang steal ang kanyang nagawa nang matapik niya ang bola mula sa mga kamay ng binabantayan niya. Tumalbog palayo ang bola at mabilis niya itong hinabol.

Napaseryoso siya nang mahawakan niya ito at dito na siya mabilis na nag-dribble papunta sa kanilang basket. Ang kanyang mga kakampi ay mabilis siyang hinabol at ganoon din nga ang kanilang mga kalaban. Malinaw na niyang nakikita ang daanan papunta sa kanilang ring at walang pag-aalinlangan na dumiretso rito upang walang makaabot sa kanya.

Sa paglapit niya sa basket ay napansin niya ang paglitaw ni Aldaba sa kanyang kaliwa na tila dinaanan lang siya, at nang mapatingin siya sa kanyang kamay ay wala na roon ang bola. Naagawan siya nito at nang tingnan niya ang bola sa mga kamay nito ay wala na rin ito rito.

Mabilis na nga lang napatingin si Ricky sa side ng Bucayao. Kinalampag na ng mga supporters ng kalaban ang buong venue matapos ang isang libreng dunk na ginawa ni Gonzaga.

"P-paanong?" Ito ang naitanong ni Ricky sa kanyang sarili at napatingin siya sa kanyang nasa harapang si Von Aldaba. Nakatingin lang ito sa kanya at pagkatapos ay agad itong tumakbo papunta sa kabilang side ng court.

Napakuyom naman ng kamao si Baron nang makita ang ginawang iyon ni Von. Nakita niya kung paano siya nito iniwanan. Nakita rin niya ang ginawa nito kay Mendez, at lalo na ang long-pass na iyon papunta sa kanilang center na hindi man lang umalis sa side nila.

Ang pagpasang ginawang iyon ni Aldaba ay hindi basta-basta. Hindi na ito ang player na kanina'y kaharap niya, lalong hindi rin ito ang buwayang pinipilit niyang sabayan kanina. "V-von Aldaba... Pinapahanga mo ako!" bulalas ni Baron sa kanyang isip at inayos niya ang pagkakasuot ng kanyang jersey sa kanyang shorts. Inayos din niya ang pagkakatali ng kanyang kulay gold na sapatos.

Tinapik-tapik pa nga ni Baron ang kanyang mukha at tumalon-talon. Kung hindi siya natanggal sa unang game nila ay baka nasubukan niya ang kanyang galing laban kay Vallada. Sa larong ito, nakaramdam siya ng kakaibang excitement matapos makita ang ginawa ni Aldaba at dito na niya susubukan kung ano na nga ba siya bilang isang basketball player.

Huminga si Baron nang malalim. Sa kabila ng masasamang salitang ibinabato sa kanya ng mga nakakakilala sa kanya, ang basketball ang naging takbuhan niya upang ilabas ang kanyang inis sa mga ito... at ito rin ang labasan niya kapag gusto niyang maging masaya.

"Game na... Von Aldaba!"

*****

NABIGLA si Ricky nang depensahan kaagad siya ni Cruz sa pagkasambot pa lang niya sa bola mula sa inbound pass na ginawa ni Florante Karim. Naging maingat siya sa pagtatawid nito at sa pagdating niya sa kanilang side ay nakita niya ang mabilis na pagkilos nina kuya Martin at Baron niya.

KINBEN II (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon