Bola 48

379 34 0
                                    


Bola 48

MAHIGIT limang minuto na lamang ang natitira sa second quarter. Ang score ay pumapabor pa rin sa Lalud, 38-32, ngunit sa ipinakita ng Canubing ay hindi magpapatalo ang mga ito. Kahit parang nasa home court ang mga nakaputi ay hindi pa rin lubusang nakakalayo sa puntos ang mga ito sa mga naka-itim na Panthers.

Pumalakpak pa nang malakas ang coach ng Lalud para gisingin ang kanyang mga players. "Ayusin ninyo ang laro ninyo! Mag-pokus kayo!"

Ang crowd ng Lalud ay mas nilakasan ang cheer sa team nila para ipaabot ang mainit nilang suporta. Naririnig ito ng mga nasa court na sinasabayan din ng mga nasa bench.

Pagkasambot ni Rommel sa bola ay ikinalma na niya ang kanyang sarili. Ang sinabi niya kay Morris ay dapat niyang gawin, ang trabaho niya ay si Mendez, at dito siya magpopokus.

Inialalay ni Alfante ang kanyang isang braso habang ang natitira niyang kamay ang nagpapatalbog sa bola. Nasa harapan na niya si Mendez na seryosong nakabantay sa kanya. Bumibilis nang bumibilis ang kanyang dribbling at dito na siya tumingin sa kanyang kakamping si Johnson na mabilis na tumakbo papalapit sa kanila. Isang screen ang ginawa nito at tumakbo siya sa kabilang bahagi nito.

Napahinto naman si Ricky nang mapabangga sa isang tila pader na player ng Lalud. Nakita iyon ni Karim kaya siya na ang lumapit kay Alfante na tumatakbo papalapit sa basket. Mabilis ang drive na iyon kaya napatakbo na rin si Mendez palapit dito. Kaso, ang ginawa niyang iyon ang hinihintay ni Rommel. Isang mabilis na bounce pass papunta sa kanilang sentro ang ginawa nito.

Dahil nagpokus sina Karim at Mendez sa gagawin ni Alfante ay napabayaan nila ang malaking sentro ng Lalud. Isang malinis na pick-n-roll play iyon. Pagkasambot ni Johnson ay buong lakas nitong idinakdak ang bola na nagpaingay sa kanilang mga supporters. Pagkalapag sa court ay tumakbo ito palapit kay Alfante at nag-apiran ang dalawa.

Napasulyap pa si Alfante kay Ricky at dito na siya nagsalita sa kanyang isipan. "Ipapakita ko sa iyo ang galawan ng isang point guard. Ang pinakamalakas sa CBL!"

Seryosong bumaba si Mendez sa side nila. Nakaramdam siya ng pagbabago sa galaw ni Rommel. Kanina lang niya nakitang gumawa ito ng play na pang-point guard. Kung magpapatuloy ito ay baka mahirapan siya sa kanyang gustong gawin. Kailangan niyang mapabalik ito sa kagustuhang makipagpataasan ng puntos sa kanya.

Bumuntong hininga si Mendez at sa paglapit niya kay Alfante ay napasabi siya sa kanyang sarili ng, "Pasensya na mga kasama. Kailangan ko munang maging buwaya."

Biglang itinira ni Mendez ang bola mula sa tres at hindi iyon napaghandaan ni Alfante. Ang kanang kamay pa nga ni Ricky ay nakataas at kumuyom iyon at ang bola ay pumasok sa ring na naging dahilan para magwala ang maliit na bilang ng kanilang supporters. Ang team ng Canubing sa bench ay napatayo at napasigaw.

40-35 ang naging score at seryosong pinagmasdan ni Mendez si Rommel. Kailangan niyang dupangin ang bola hanggang matapos ang quarter na ito. Kailangan niyang magawang mag-pokus sa kanya ang depensa ng White Sharks at sa oras na mangyari iyon sa sunod na quarter o kahit sa huli pa, gagawin na niya ang totoo niyang intensyon.

Ngumiti si Ricky habang lumalayo kay Alfante.

Nang nasa Lalud na muli ang bola ay sineryosohan ng tingin ni Rommel si Ricky habang pinapatalbog niya ang bola. Hiningi muli niya ang screen ng kanyang sentro at isa muling pick-n-roll ang kanyang ginawa at nakapuntos muli si Johnson matapos ang isang lay-up.

42-35.

Mabilis na nakababa sina Mendez at sa paglampas ng binata sa half court ay binigla na naman niya ng isang malayong tres ang Lalud. Lumunok pa siya ng laway sa pag-arko ng bola sa ere. "Pumasok ka!" bulalas pa sa sarili ng binata at pumasok nga iyong muli na ikinatahimik ng Lalud crowd.

KINBEN II (Completed)Tempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang