Bola 81

376 28 0
                                    


Bola 81

NAGBAGO ang ihip ng hangin nang magsimula nang ipakita ni Semeron ang lakas na mayroon siya sa court. Ipinamukha niya sa kanyang katapat na si Karlo Ibañez na hindi siya ang dapat tumapat sa kanya sapagkat isang player lang ang gusto niyang bumantay sa kanya. Babantayan siya nito at ilalampaso sa harapan ng maraming mga manonood.

"Mover Flores..." sambit ni Baron habang nakatingin sa bench ng kalaban. Naroon ang kanyang target. Kung patuloy itong magpapakakampante sa pagtambay sa kanilang bench ay papalaruin niya ito sa pamamagitan ng pagpapakita ng talento at abilidad na mayroon siya sa court. Ngayon lang siya nakaramdam ng ganitong determinasyon. Matagal niyang hinintay ang pagkakataong muling makalaban ang player na dati niyang hinangaan.

Pagkabalik nina Baron sa bench nila ay mabilis silang uminom ng tubig upang pawiin ang pagod na naramdaman nila. Ang mga kasamahan nga niya ay wala ni isang salita ang masabi kay Semeron dahil labis silang pinahanga nito.

"Ang lupit noon Kuya Baron!" masaya namang winika ni Ricky at napangisi na lang ang binata.

"Hindi pa iyon malupit... Hangga't hindi ko nakakalaban ang Mover na iyon... Hindi ako makokontento sa paglalaro ko!" seryosong winika ni Baron at muli na siyang tumayo para bumalik sa loob ng court. Hindi pa man humuhudyat ang referee ay naghintay na siya sa pagbalik ng mga kasamahan niya sa loob.

"K-kung hindi lang talaga dahil sa ugali ng taong iyan... Baka matagal na tayong naghahari sa ligang ito," seryosong winika ni Manong Eddie. Alam niya ang kakayahan ni Baron dahil katulad ni Kap, saksi rin siya kung paano ito naglaro sa barangay court. Ang batang sumasali sa laro ng matatanda at kahit na mas malalaki ay hindi siya natatakot na bumagsak at masugatan.

Bigla na rin ngang tumayo si Martin matapos ang pag-inom niya ng tubig. Pumasok na rin siya sa loob ng court at seryoso niyang pinagmasdan si Baron na seryosong nakatayo sa gitna ng lugar na iyon. Napakuyom siya ng kamao dahil nasapawan siya nito at sa paglakad niya ay bigla siyang nilingon nito at nginisian.

"Nakita mo ba Suarez ang ginawa ko? Ganoon ang pagbuhat. Napanood ko ang laro ninyo noong wala ako, at hindi mo kayang buhatin ang team na ito para manalo..."

"Iyon ang kaibahan nating dalawa. Wala akong pakialam kung pasahan mo ako o hindi. Kung hingiin ko man ang bola sa iyo at hindi mo ibigay ay wala akong pakialam. Sisigawan at sisigawan kita kapag nakita kong magkakamali ka sa gagawin mo... Alam mo ang pinakamabisa mong gawin?" Sumilay ang isang maangas na ngiti sa labi ni Baron.

"Hindi ko gustong sumikat... Dahil ang gusto ko ay maging pinakamagaling na player sa loob ng court. Kaya ikaw, dahil alam ko ang tunay mong gusto sa pagpapakitang-gilas dito... mas mabuting manood ka na lang habang pumupuntos ako," sabi pa ni Baron at napatawa pa siya na ikinakuyom naman ng kamao ni Martin.

"Masyado kang mayabang Semeron. Hindi porket nakalamang tayo dahil sa iyo ay malakas ka na... Ikaw ang manood! Ipapakita ko sa iyo na mas magaling ako sa iyo," seryosong winika naman ni Martin na napangisi na lang bigla.

"Tandaan mo... Ni minsan ay hindi mo pa ako natatalo, dahil alam ko ang tunay mong laro... Martin Suarez!" seryosong sinabi ni Baron at mula sa maliit na bahagi ng kanyang alaala ay may isang maliit na senaryo siyang nakita na inakala niyang nakalimutan na niya.

SAMANTALA, mula sa bench ng Camilmil ay nakita ng mga players na nagsibalikan ang pagtanggal ni Mover ng kanyang jacket. Sa oras na gawin na nito iyon ay senyales na ito na posibleng maglaro na ito. Napansin nga iyon ng mga manonood at umugong ang buong venue sa posibilidad na pagpasok nito.

Pero...

"Huwag ka munang maglaro!" seryosong sinabi ni Karlo rito at nang makita ni Mover ang mga mata ng binata ay napangiti siya.

KINBEN II (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon