Bola 39

451 39 0
                                    


Bola 39

KINABUKASAN,maagang gumising si Ricky para mag-jogging. Pagkagising nga niya ay napangiti kaagad siya dahil naaalala pa rin niya ang nangyari sa kanyang pagpunta kahapon kina Andrea. Hindi niya masabing may chance na magkabalikan sila, pero sa ipinakita ng dalaga sa kanya, ay nararamdaman niyang parang may posibilidad na mangyari iyon.

Mabilis niyang kinuha ang bola at nagsimula nang tumakbo habang pinapatalbog ito. Punong-puno siya ng enerhiya nang umagang iyon at makikitang masaya si Ricky nang mga oras na iyon. Maririnig sa kalsada ang tunog ng tumatalbog niyang bola at hindi maiwasang mapalingon ng mga ilang nagkakape sa terasa ng kanilang mga bahay. Ang mga sasakyang dumaraan at lumalampas ay hindi naman maiwasang mapabusina.

Nasa isip ni Ricky na makakalaban niya sa sunod si Rommel Alfante. Naaalala pa niya kung gaano ito kagaling noong nakalaban nila ang CU. May passing ability ito at may shooting din. Magaling din itong ball handler at siguradong bibigyan siya nito ng isang magandang laban kapag sila ay nagkaharap sa loob ng court.

"Excited na ako sa game namin sa isang araw," wika na lang ni Ricky sa kanyang sarili at narating na niya ang kabilang barangay makalipas ang halos kalahating oras na pagja-jogging.

Napatingin kaagad siya sa bahay nina Rich at nakita niyang bukas ang gate ng bahay ng mga ito. Pasimple siyang lumingon doon at napangiti siya nang makita ang dalagang nakatayo sa harapan ng bahay nila. Hawak-hawak nito ang tali ng kanyang aso at naisipan muna niyang huminto sa tapat nito.

"Good morning!" bati ni Ricky na hindi naman na ikinagulat ni Rich dahil malayo pa lang ay naririnig na niya ang talbog ng bola. Alam niyang ang binata na ito.

"Good morning din Ricky!" masigla namang sagot ni Rich na makikitang nakasuot pa ng pantulog. Nakatingin siya sa binata at nakikita niyang pawisan na ito.

"K-kumusta nga pala ang pagpunta mo kina Andrea kahapon? Naging okay ba?" tanong pa ng dalaga at napangiti kaagad si Ricky nang marinig iyon.

"Parang naging okay. Parang may pag-asa," sabi ni Ricky at kaagad na napangiti sila sa isa't isa.

"Naks! Congrats in advance kaagad Ricky. Mukhang magiging happy na uli ang lovelife mo. Siya, huwag mo nang uulitin iyong dati," sabi ni Rich na makikitang masaya sa narinig. Pero sa loob-loob niya ay tila ba may kung anong tinik ang biglang bumaon sa kanyang puso. Napatitig siya sa binata at parang nalungkot siya. Gusto pa niyang makilala nang maayos ito. Kaso, parang imposible na siyang mapalapit pa lalo rito dahil may ibang laman ang puso nito.

"Siguro, papanoorin na lang kita sa malayo. I will always cheer for you. Gusto kong sabihing napakalaking bagay ang nagawa mo sa buhay ko... pero hindi ko akalaing magkakagusto ako sa 'yo dahil sa mga iyon," sabi ni Rich sa kanyang sarili. Habang pinagmamasdan niya ang binata ay nasa isip niyang parang napakalayo ni Ricky sa kanya nang mga sandaling iyon.

Naririnig niya ang mga kwento ng binata tungkol kay Andrea at kagaya rin ito noong nasa bayan sila. Masayang-masaya ang mga mata ni Ricky habang sinasabi ang pangalan ng dalaga at napapangiti na lamang siya dahil doon.

Nagpaalam na si Ricky sa dalaga at kasabay ng tahol ng aso nito ay ang pagsabi ni Rich ng salitang paalam. Habang lumalayo ang binata ay lalong lumalakas ang kabog ng puso niya. Lalo niyang nararamdaman ang kaunting sakit, at kahit gustuhin niya ay hindi pwede.

"Hanggang kaibigan ka lang Rich," sabi niya sa sarili na napaupo na lang sa semento at mabilis na niyakap ang kanyang asong kumakawag ang buntot habang dinidilaan ang kanyang pisngi.

PAGDATING ni Ricky sa barangay court na malapit sa bahay nila ay narinig kaagad niya ang tunog ng tumatalbog na bola mula roon. Napatakbo nga siya patungo roon matapos uminom ng tubig sa gripong nasa labas ng lugar na iyon. Bumungad nga kaagad sa kanyang mga mata ang isang lalaking naka-shorts lamang na kasalukuyang pinapatalbog ang bola. Pagkatapos noon ay nakita niya ang pagtakbo nito papunta sa basket at buong lakas na idinakdak ang bola.

KINBEN II (Completed)Tempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang