Bola 16

501 45 1
                                    


Bola 16

NAGSIBABAAN na ang lahat ng Panthers para dumepensa. Ito'y matapos na hindi na magsalita pa si Baron sa tanong na ibinigay ni Ricky dito. Seryoso na lang siyang pumunta sa side nila habang si Manong Eddie ay kinumusta naman si Mendez kung okay lang ba raw ito?

"Okay lang ako Manong," nakangiting winika ni Ricky matapos makahinga nang maluwag. Hindi niya alam kung minasama ng kanyang kuya Baron ang kanyang tanong na iyon, isa pa, ito lang ang naisip niyang sasabihin dito. Nilakasan na nga lang niya ang kanyang loob para gawin iyon dahil ayaw niyang siya ang magmando sa kanilang team lalo't bago pa lang siyang nakakasali rito.

"Bumaba ka na, nandiyan na sila," wika pa ni Manong Eddie matapos bigyan ng tapik sa balikat ang binata.

Sa kanila namang bench ay napahawak na lang sa noo si Kap dahil sa maliit na komosyong nangyari sa kanyang koponan sa loob ng court. Sana'y maging okay lang ang lahat, naihiling na nga lang nito sa sarili at nagpatuloy nga muli ang laro.

10-8, lamang ng dalawa ang Realtors at kasalukuyan nang dinadala ni Mendoza ang bola. Hindi pa man siya nakakarating sa kanilang side ay nagulat na lang siya, pati na rin ang mga manonood, nang depensahan kaagad siya ni Mendez.

Napaseryoso si Ken Mendoza nang sandaling ito at naalala niya ang galawan ni Mendez sa CBL. Isa itong magaling na defender na hindi natatakot depensahan ang sinuman! Dahil dito ay mas naging maingat na siya sa pagdadala ng bola. Narating niya ang side nila at dito na muling kinalampag ng kanilang supporters ang buong venue.

Pinagmasdan naman ni Ricky ang bola, ganoon din siya sa mga paa ni Mendoza. Pasimple rin siyang nagmamasid sa paligid sa kung ano ang nagiging galaw ng iba. Hindi lang siya nakapokus sa isang player sa larong ito, dahil isa sa mga bagay na gagawin niya rito ay ang tingnan ang lahat ng mga narito.

Sinubukan niyang tapikin ang bola mula sa kamay ni Mendoza, ngunit mabilis itong nailayo ng binata mula sa kanya.

"Pinapahanga mo ako Mendez," bulalas ni Mendoza na biglang bumaba ang dribbling at tumalikod sa kanyang defender pagkatapos.

Naalarma naman si Mendez nang sandalan siya nito at pinasimplehan din siya nitonghinawi gamit ang isang braso nito. Isa iyong mabilis na pagpunta ni Mendoza sa kanyang kaliwa. Dahil sa pwersa ng hawing ginawa nito ay naiwanan siya at nang habulin niya ito, ay isang malaking katawan ang kanyang binanggaan.

Para siyang bumangga sa isang matigas na pader. Isang screen ang ibinigay ng sentro ng Palhi na si Coron. Halos mapaatras na nga siya dahil doon. Nakita na rin naman niya ang paglapit nito sa kanila ni Mendoza bago ito, ngunit hindi niya inaasahang may katigasan ang magiging pagharang nito.

Isang pagngisi naman ang ginawa ni Mendoza nang maiwanan niya si Mendez. Wala nang ibang mapagpilian si Karim kundi ang pigilan ito, subalit mas mabilis at mas maliksi kumpara rito ang may number 1 sa jersey na player ng Palhi.

Nakarating kaagad sa basket si Mendoza. Si Manong Eddie nga ay pipigilan sana ito, ngunit napansin niya ang paggalaw ng kanyang binabantayan na tila may masamang balak. Wala tuloy siyang magawa kundi ang patuloy itong dikitan.

Tumalon na si Mendoza para sa isang libreng lay-up, subalit biglang nagdilim ang paligid nang isang player ng Canubing ang mabilis na hinabol ang gagawin nito.

Umangat na ang bola mula sa mga kamay ni Ken at mabilis naman itong dinakot ng player na may number 24 sa likod. Isang block at steal ang ginawa ni Baron. Nagawa niyang iwanan si Vallada at wala itong nagawa sa kanya.

Kung dati'y naka-tsinelas at maong lang siya kapag naglalaro sa court, ngayon ay mas magaan na ang kanyang paggalaw kasi maayos na ang kanyang suot. Nang nakita niyang naiwanan ni Mendoza si Mendez, hindi na kaagad siya nagdalawang-isip na pigilan ang gagawin nitong libreng pag-iskor sana.

KINBEN II (Completed)Where stories live. Discover now