Bola 75

576 31 1
                                    


Bola 75

ALAS-ONSE ng umaga nang araw na iyon. Sa may harapan ng hotel ay naroon na nga ang mga kaibigan ni Andrea at hinihintay ang paglabas ng mga kasamahan nilang nasa loob pa. Ang nauna roon ay sina Lealyn, Jaimie, Rona, Jena, Maine, Chrissa at Arlene. Sila ay ang anim na magkakaibigang single, o 'di kaya ay malayo ang boyfriend. Lumabas na rin nga ng hotel sina Louie at Marck. Nagngitian kaagad ang magkakaibigan at ang dalaga ay lumapit agad sa mga ito.

"Sa inyong room ako tutulog mamaya!" bulalas ni Louie sabay irap sa boyfriend niyang si Marck na busy sa paglalaro ng mobile game. Tinawanan tuloy sila ng kanyang mga kaibigan dahil sanay na sila sa dalawang ito. Alam nilang mahilig sa mobile games ang boyfriend nito na madalas pag-awayan ng dalawa.

Ang sunod namang lumabas ay sina Leslie at Marwil. Ang dalaga ay may suot na summer hat na black at naka-shades ito habang nakahawak sa kanyang boyfriend na hihikab-hikab pa paglabas. Naka-sando at shorts ito at makikita ang matipunong pangangatawan nito.

"Kabog na naman Leslie ang outfit mo. Parang gusto ko tuloy magpalit ng suot," wika nga ni Chrissa habang nakatingin sa pang-itaas ni Leslie na semi-see through na white cloth shirt. Bahagya tuloy naaaninag ang suot nitong tube sa loob nito. Nakasuot din ito ng shorts na may kaiklian at sa magkakaibigan, bukod sa ito ang may pinakamahabang buhok, ay siya rin ang pinakamatangkad sa mga ito.

"Sira! Okay na iyan! Tsaka, gutom na ako," bulalas ni Leslie sa mga kasamahan. Napatingin pa nga siya sa hotel at parang nainip. "Nasaan na ba sina Andrea at Marriane? Sasama ba ang mga iyan?" dagdag pa nito at lumabas na nga sina Marriane at ang boyfriend nitong si Kyle na gwapings na gwapings sa suot nitong polo na may beach designs at nakabukas ang mga butones na tinernohan ng shorts at tsinelas. Nakasuot din ito ng shades at ang dalaga naman ay nakasuot ng oversized na shirt. Naka-shades din ito habang nakangiti.

"Aba teka, masaya ang isang ito! Hoy!" bulalas ni Jena at nagtinginan silang dalawa na parang nag-uusap.

"Gaga! Magtigil kayo! Tara na mag-lunch! Saan ba tayo?" masayang tanong ni Marriane at nagtawanan sila. Minsan tahimik, minsan ay magulo, ito ang dalaga, at sa oras na iyon ay maingay ito. Sumulyap pa ito kay Kyle at nang ngumiti ito sa kanya ay parang kinilig siya.

"Ang lalandi ninyo!" bulalas naman ni Maine at doon na nga lumabas sina Ricky at Andrea.

"Sissy! Ba't reddish ang face mo?" tanong kaagad ni Louie at nagkatinginan ang mga kaibigan ni Andrea.

"Mga sira! Tumigil nga kayo! May iba tayong kasama. Mahiya kayo sa mga lalaki nating kasama!" wika ni Andrea na pumunta kaagad sa kanyang mga kaibigan at pinagtitingnan isa-isa. Nakasuot ang dalaga ng fitted black shorts at naka-shirt ito ng pink. May suot na sumbrero at may shades sa ibabaw noon. Si Ricky naman ay naka-plain na fitted white shirt at nakasuot ng jersey short na sinamahan din ng tsinelas.

"Siya! Siya! Saan tayo kakain?" pag-aawat ni Chrissa sa mga kaibigan niyang puro daldalan ng kung ano-ano.

Nagsimula na ngang maghanap ng kakainan ang mga ito. Kaliwa't kanan doon ang restaurant at ginto ang presyuhan, pero, pinaghandaan na ito ng magkakaibigan noong sila ay pumapasok pa. May sapat silang pera para rito. Noon pa man ay nagsabi na rin sila sa kani-kanilang magulang tungkol dito at nangakong mag-iingat.

Nasa isang tabi lang si Ricky at naglalakad. Nakatingin siya kay Andrea na labis ang ngiti habang kasama ang mga kaibigan. Iniikot din niya ang tingin sa lugar at namangha siya lalo sa dagat na asul na labis na binagayan ng maputing buhangin nito. Kainitan pa ang oras na iyon at maliligo raw sila sa dagat mamayang alas-tres para hindi ganoon kainit sa kanilang mga balat.

Maya-maya pa ay nilapitan siya ni Andrea. Hinawakan nito ang kanyang kamay nang mahigpit at nginitian.

"Ano? Okay ka lang?" tanong ng dalaga at dumikit siya sa binata habang naglalakad.

KINBEN II (Completed)Where stories live. Discover now