Bola 10

1.3K 152 31
                                    

KINBEN II
by TaongSorbetes

11-4-20

******

CHAPTER 10

ANG TINOLANG natikman ni Andrea nang oras na iyon ang pinakamasarap na luto na kanyang natikman sa buong buhay niya. Dati, ang luto ng papa niya ang pinakamasarap para sa kanya, ngunit nang dumaloy sa dila niya ang lasa ng sabaw noon at ang lambot na may linamnam na laman ng manok na kasama noon... may kung ano'ng sensasyon ang tila dumaloy sa panlasa niya na humikayat sa kanyang muling tikman ito nang paulit-ulit. May kung anong lasa ang lutong iyon ang tila naging droga sa kanyang katawan na nagbigay ng dahilan upang magustuhan niya ito lalo at para mas hanap-hanapin  ito ng kanyang panlasa.

Nang matapos niyang maubos ang laman ng nasa maliit na tasa, isang bagay lamang ang nasa isip niya nang sandaling iyon. Ang kung sino ang nagluto ng putaheng iyon? Kung sino ang gumawa ng tinolang may ganito kasarap na lasa na noon pa man ay kanya nang paborito?

Ang halimuyak ng sabaw nito na pumasok sa kanyang ilong at ang tila may kumukulbit na kung ano sa kanyang dila nang malasahan niya iyon... Patuloy iyong nanatili. Ano pa kaya kung sasamahan niya ito ng kanin?

Tinanong niya ang kanyang mama kung sino ang nagluto noon sapagkat alam niyang hindi ito ang nagluto noon dahil wala itong talento sa pagluluto... gaya niya. Alam din niyang hindi iyon ang kanilang yaya dahil alam na niya ang luto ng mga ito na madalas na niyang natitikman araw-araw.

Pumasok ang kapatid niya sa kusina kasama ang binatang nakilala niya noon, si Ricky, ang kaibigan ng kanyang kapatid. Ang kanyang dating boyfriend.

Kasabay rin noon ay ang pagsasalita ng kanyang kasamang si Francis. Alam nito na ex-boyfriend niya si Ricky Mendez at dahil doon, nalaman ng kanyang kapatid na si Andrei ang tunay nitong pagkatao.

Hindi niya inaasahang narito ang kanyang mama kaya nga niyakap niya ito nang makita ito, kasabay din noon ang pagbulong ng kanyang balak. Kagaya ng dati, nagkaintindihan ang mag-ina.

Ngunit ang paglitaw pala ni Ricky ang magiging dahilan din para malaman ng kanyang mama na naging boyfriend niya ang kaibigan ni Andrei na ito. Hindi niya ito sinabi sa kanyang mama kahit na ito ang madalas niyang sabihan lalo na noong nililigawan siya ni Rio hanggang sa sagutin niya ito at makipaghiwalay.

Balak kasi niyang surpresahin noon ang kanyang mama tungkol doon ngunit hindi naman sila nagtagal ng binata. Ang mama niya ang palaging nagsasabi sa kanya na maghanap na ng boyfriend. Ibang-iba ang kanyang mama, dahil ito pa ang nagpu-push na gawin niya iyon. Ganoon na lang kalaki ang tiwala sa kanya ng kanyang ina na talagang ipinagpapasalamat niya.

Hindi na rin niya nasabi na naghiwalay rin sila ni Ricky. Ayaw niyang sumama ang tingin nito sa binata. Kasi sa oras na malaman nito na niloko siya ni Ricky, posibleng magalit ito rito kagaya ng nangyari noon kay Rio.

Iba ang mama niya, na kahit sinaktan siya noon ni Rio ay ito pa rin ang nagtulak sa kanya na maghanap na ng boyfriend. Para bang gusto nitong may kasintahan siya kaysa wala. Kaso, matapos siyang lokohin ni Rio, ay hindi na siya humanap ng iba at lahat ng mga nanligaw sa kanya ay hindi niya sinagot.

"Andrea, dapat may boyfriend ka na. Hahanapan na kita?" wika ng mama niya dati habang sinusuklay ang kanyang buhok.

"Ma, mas masayang single!" sagot naman niya habang nakatingin sa salamin.

"Basta, dapat ikasal ka. Gusto kitang makita na ikakasal," nakangiting wika ng kanyang mama nang oras na iyon.

"Mama! Ang bata ko pa! Wala pa akong twenty," wika naman ni Andrea na sinimangutan sa salamin ang nakangiti niyang ina na seryoso siyang pinagmamasdan nang oras na iyon.

KINBEN II (Completed)Where stories live. Discover now