Bola 92

370 35 1
                                    


Bola 92

MATAPOS ang ginawang iyon ni Mendez ay tila nagbago ang ihip ng hangin sa labang iyon. Nakikita ng mga manonood na ang laban ay dahan-dahang pumapabor sa Panthers. Si Mover, napalingon sa nakangiting labi nina Baron at Ricky. Ang kanyang mahinang paghingal ay inalis niya pansamantala sa pamamagitan ng isang malalim na paghinga.

"Ako ang pinakamalakas na player ng Calapan..."

"But... Hindi ako ang nagsabi noon..."

"I am beatable... And my team can be defeated."

Pinagmasdan ni Mover ang mga kasamahan niya na may mga hingal na rin sa kani-kanilang mga dibdib. Sandaling bumalik sa alaala niya ang unang beses siyang makahawak ng bola. Akala niya ay normal na laro lang ang nakita niya noon, pero hindi niya akalaing ang sports na ito ang magiging libangan niya.

Ang basketball ang naglayo sa kanya sa reyalidad mula sa kanyang ama na tanging negosyo at pera lang ang nasa isip. Nasanay siyang naglalaro mag-isa, hanggang sa sandaling ang kalungkutan na makapaglaro kasama ang ibang bata ay ipinagbawal na rin sa kanya. Nasa loob lang siya ng kanilang magarang bahay, maganda at kompleto sa pangangailangan... pero hindi ito ang buhay na kanyang gusto.

Nang bata pa siya ay gusto niyang makapaglaro na kasama ang marami. Ang magkaroon ng maraming kaibigan na makakasama sa paglalaro ng basketball. Pero hindi iyon nangyari, hanggang sa ang kapatid niyang si Von ay kanyang nakilala. Ito ang una niyang kalaro sa sports na ito. Hanggang sa nagkaedad sila at dito na naranasan ni Mover ang makalaro ang marami pang mga players. Mula sa paaralan hanggang sa labas.

Ngunit, nasa pangalan na niya ang kayamanan. Alam ng mga kasama niya na siya ay anak ng isang mayamang negosyante. Marami siyang nakilala na sumasama lang sa kanya kasi may pera siya at magaling maglaro.

Hindi iyon ang gusto niya. Hindi siya makatagpo ng totoong kaibigan na hinahangad niya nang siya ay bata pa. Kaya sa huli, tanging si Von ang kanyang naging kasamahan. Pero hindi siya tumigil... habang nagkakaedad siya ay hinahangad pa rin niya na makakilala ng mga kalaro sa sports na ito na makakasama niyang tumawa... Panalo man o talo.

Humanap siya ng iba pang makakalaban sa iba't ibang lugar at nakakilala siya ng ilang walang pakialam sa kung sino siya.

"Tss. Ikaw pala ang sinasabi nilang Mover," wika ng isang player na nakalaban niya noon at hindi niya matalo kahit anong galing niya. Ito ang unang tumalo sa kanya at nakita niyang totoo ang larong ipinakita nito sa kanya.

"Sinubukan kaming suhulan ng tatay mo para magpatalo... Pero... Hindi magiging enjoy ang laro kapag ganoon!" seryosong winika nito at nagulat si Mover dahil dito. Alam niyang nakikialam ang kanyang ama sa ilang laro niya at hindi niya ito gusto. Ang manalo dahil binayaran ang kalaban ay hindi maganda para sa kanyang nagpapakapagod maglaro.

"Malakas ka, pero... Hindi mo ako kaya!" Mula sa isang seryosong imahe ay isang maliit na ngiti ang ibinigay ng lalaking iyon kay Mover na inalalayan siyang tumayo.

"Tss. Sa sunod na maglaban tayo... Matatalo rin kita!" wika ni Mover at ang dalawa ay nagkamayan. Nang muling magkita ang dalawa makalipas ang mga taon ay sinabi ni Mover dito na magkita sila sa Provincial League.

Sumali nga si Mover sa Inter-barangay sa Calapan. Dahil nakapangalan na sa kanya ang karamihan ng mga negosyo nila ay nagawa na niya ang mga bagay na gusto niyang gawin. Ang ipakilala lalo sa lahat ang basketball. Bago siya magpasa ng line-up sa City Sports Commitee ay masusi niyang pinili ang mga manlalaro niya para mabuo ang pinakamalakas na koponan sa lungsod.

KINBEN II (Completed)Where stories live. Discover now