Bola 34

640 40 1
                                    


Bola 34

MAKIKITA na sa itsura ng mga starters ni Kap ang pagod. Humihingal at pawisang nagsibalikan sa bench niya ang mga ito. Gusto na nga niya sanang pagpahingahin muna ang mga ito at palitan, pero nasa crucial minutes na sila at posibleng mabaligtad ang laban kapag pinalabas niya ang alinman sa mga ito.

Maraming tubig nga ang ininom ni Ricky at napahinga nga siya nang malalim. Napangiti siya sa kabila ng pagod at napatingin sa scoreboard. Pagkatapos noon ay nakinig na siya sa mga sinasabi ni Kap sa kanilang lahat.

"Depensa, depensa ang dapat ninyong pagbutihan. Anumang oras ay posibleng magmilagro pa si Aldaba. Nakita ninyo kung gaano siya kalakas. Iisa pa lang siyang magaling na player at ganito na kaagad ang nagagawang pagpapahirap nito sa atin," wika ni Kap at napatingin siya kay Baron na nakatingin sa bench ng kanilang kalaban.

"Malakas si Aldaba..." wika sa sarili ni Baron at napahawak siya nang mahigpit sa kanyang hawak na tubigan. Pakiramdam niya ay lamang ito sa kanya pagdating sa paglalaro habang lumalapit ang pagtatapos ng game na ito.

"Pwede pa kaming matalo," wika pa niya sa sarili at napatingin naman siya sa scoreboard.

Kung ano ang ikinayabang niya sa bawat laro niya sa kung saan-saan, sa sandaling ito ay aminado siyang marami pang malalakas na players ang pwede niyang makalaban sa torneyong ito. Ayaw niyang isiping matatalo sila, pero sumasagi ito sa kanyang isip habang nagsasalita ang kanilang coach tungkol dito.

"Baron!" Napatingin siya kay Kap nang tawagin siya nito.

"Oh? Bakit Kap? Akong bahala, hindi tayo matatalo!" wika ni Baron at tumayo na siya habang iniiikot sa hangin ang kanyang kanang braso.

"Kailangang maging mabilis kayo sa inbound na gagawin nating ito." Pahabol pa ni Kap at nagsimula na ngang magsitayuan ang kanyang mga manlalaro. Inilapag na ng mga ito ang kani-kanilang towel sa kanilang mga inupuan.

"Kailangang manalo kayo! Mas malakas na team ang kakalabanin natin sa sunod nating game!" wika pa ni Coach at ang mga players niya ay napakuyom ng kamao nang marinig iyon. Habang tumatagal, palakas nang palakas ang mga teams na lalabanan nila.

Ito ay kung sila ay mananalo!

Ang silbato ng referee ay tumunog na at hudyat iyon na ang laro ay magpapatuloy na. Si Ricky at Von ay sandali pang nagkatinginan nang makabalik sila sa loob ng court. Dito nga ay ipinasa ng referee ang bola kay Karim. Dito na naging agresibo si Gonzaga na nasa kanyang harapan. Tumatalon-talon ito at hinaharangan ang direksyon tinitingnan niya.

Mula sa gitna ng court, sa labas nito, ay bumilang na ang referee. Binilangan na nito ang Canubing kung kailan nila ito maiipasa sa loob.5... 4...Mula sa screen na ibinigay ni Baron ay Cruz ay dito na nga nakawala si Ricky sa madikit na depensa ng kanyang defender.

Mabilis na ipinasa ni Karim ang bola sa halfcourt line na mabilis namang nasambot ni Ricky. Ang buong fans ng Canubing 1 ay agad ding nagsigawan matapos iyon para suportahan ang kanilang koponan. Hindi rin naman nagpatalo ang kabilang crowd at kinalampag din nga nila ang buong lugar sa malakas nilang cheer.

Sa pagharap nga ni Ricky sa kanilang basket ay dito na siya hinadlangan ni Cruz na tila hindi napapagod sa pagdepensa sa kanya. Hindi ito sumusuko sa ginagawa nito at kahit ilang beses niya itong nalulusutan ay hindi pa rin nagbabago ang kaseryosohan nitong bantayan siya.

"Kami ang mananalo Ricky Mendez!" bulalas nito at sa pagpapatalbog ni Ricky sa bola ay bigla ito nitong natapik matapos ang biglaang pag-abante palapit dito.

Hindi iyon inaasahan ni Ricky at nakawala nga ang bola sa kanyang kanang palad na agad din naman niyang inabot. Ngunit napatingin siya sa kanyang harapan at naroon na si Von Aldaba. Mabilis nitong tinapik ang bolang akala niya ay maabot na niya.

KINBEN II (Completed)Where stories live. Discover now