Bola 2

1.5K 177 41
                                    

KINBEN II
by TaongSorbetes

10-14-20

******

CHAPTER 2

BUMALIK si Ricky sa bahay nila nang umagang iyon na naliligo sa pawis. Pagdating niya ay naabutan niya ang kanyang nanay na naghahain ng agahan habang ang kanyang tatay naman ay kasalukuyang nanonood ng balita sa maliit nilang telebisyon.

"Anak, kumain ka na rito pagkapalit mo riyan," ani ng kanyang nanay na naglagay na ng plato at baso sa pupwestuhan ni Ricky.

"Opo nay. May pupuntahan po kasi kami nina Andrei," ani Ricky na nagmadaling pumasok ng CR para hubarin ang pawisan niyang damit.

Kumain na si Ricky habang nakatingin sa orasan. Nasa tapat din niya ang kanyang cellphone kung saan ay naroon ang chat ng kanyang mga kaibigan.

"Kkaunin k nmin." Ito ang chat ni Andrei sa kanya. Napagdesisyunan kasi nilang mag-outing sapagkat natapos na sila sa kanilang mga clearances sa CISA. Kumbaga, gusto nilang mag-relax matapos ang isang taong pag-aaral... at siya, kasama na rin ang pahinga pansamantala sa pag-iisip kung paano lalakas pang maglaro ng basketball.

Mabilis ngang naghanda si Ricky ng kanyang mga dadalhin. Gustuhin man niyang gumastos, ngunit sagot ni Andrei ang lahat ng kanilang kakainin at babayaran.

Normal na ito para kay Andrei, sa kaibigan niya na madalas na ring ginagawa noon pa.

"Alas-otso na pala," ani Ricky na napatingin sa orasan sa kanyang phone. Nakasuot na siya ng plain black shirt na hindi kakapalan at shorts na may disenyo ng mga puno ng niyog. Kinuha na rin niya ang medyo maayos niyang tsinelas na nakatago sa ilalim ng kanyang higaan.

Maya-maya pa ay may narinig siyang sasakyan na huminto sa tapat ng kanilang bahay. Narinig din niya ang pagbusina noon. Kaya naman, agad siyang lumabas.

"Nandiyan na sina Andrei," ani ng nanay niya na kasalukuyang nagwawalis ng kanilang sahig.

Nagpaalam si Ricky rito at pagkatapos ay dali-dali itong lumabas. Nakita niya ang sasakyan nina Andrei. Nasa unahan nga si Mike na naka-shades pa nga.

"Ready ka na pre? Maghapon tayo roon?" tanong ni Mike sa kanya.

"Oo pre. First time kong makakarating doon. Nakikita ko lang sa FB ang lugar na iyon. Napanood ko pa nga dati sa Rated-K iyon," nangingiting winika naman ni Ricky na agad binuksan ang pinto ng sasakyan sa ikalawang bahagi nito.

Nasa loob nga si Roland na kasalukuyang busy sa pagsi-cellphone. Tila may nilalaro ito at mukhang ayaw magambala.

Malakas na isinara ni Ricky ang pinto ng sasakyan at mabilis siyang umupo. Naramdaman nga niya kaagad ang malamig na aircon sa loob.

"Okay, lets go," ani Andrei na pinatakbo na muli ang kanyang sasakyan.

Nang mga sandaling iyon, napatingin si Ricky sa salamin sa unahan kung saan ay makikita ang nasa likuran niya. Doon nga ay may isa pa siyang nakita roon. Hindi lang silang apat ang nasa loob ng sasakyan.

Kasama rin nila si Andrea na kasalukuyang may nakasalpak na earphones na puti sa magkabilang tainga. Nakasuot ito ng shades habang tahimik na nakikinig ng music mula sa phone nito.

"Isinama ko si nga pala si ate," biglang winika ni Andrei habang kasalukuyang iniliko ang sinasakyan nila sa isang gasolinahan.

"Baka mabaliw iyan sa bahay. Mukha nang zombie kakapanood ng K-drama," pabirong winika ni Andrei at napatawa sina Roland at Mike matapos iyon.

"Hoy! Andriano! Narinig ko iyon! Umayos ka!" wika bigla ni Andrea mula sa likuran. Tinawanan nga lang siya ng kanyang kapatid.

Si Ricky ay pasimple na lamang napangiti.

KINBEN II (Completed)Where stories live. Discover now