Nueva Ecija - 1989

482 13 0
                                    


Bagong panganak lang ang tiyahin ko, siya at ang buo nilang pamilya ay nagpasya na sa Santo Tomas Aliaga Nueva Ecija mag-settle. Nagpaalam ang tiyahin ko sa lola namin na dun nalang sila sa isa sa mga ancestral house namin dun sa lugar na yon. Pinayagan sila ni lola. May hika kasi ang pinsan ko kailangan ng sariwang hangin, at ang isa sa mga bahay at lupa na pagmamay-ari ng aming pamilya sa lugar na iyon ay tamang-tama para sa bunso kong pinsan. malapit sa ilog at may lupa na nakahanda para magsimula ng bagong buhay sa probinsiya. Malaki ang bahay ng aming pamilya dun sa lugar, may ikalawang palapag, apat na kwarto malaking salas, palikuran sa ibabang palapag at ang kusina ay nasa labas ng bahay at may sariling poso. Napapaligiran ng kawayan na bakod na apat na talampakan ang taas paikot sa buong kabahayan samahan mo na din ng mga puno na nagpaganda sa kapaligiran at higit sa lahat... ang bahay ay yari sa kahoy, na medyo panahon pa ng kastila ang disenyo. Isang bahay na napakaganda sa gitna ng probinsiya, isang perpektong lugar sa isang nakakatakot na pangyayari.

Di nagtagal nakasanayan din nila ang buhay doon. kasama din dito syempre ang mga nakakatandang anak ng tiyahin ko, isang batang lalaki, apat na taon at ang panganay na babae, anim na taon.

Napakalaki ng bahay para sa kanilang pamilya na may limang miyembro. sama-sama silang natutulog sa iisang kwarto gaya ng tipikal na pamilyang pinoy, ngunit may sariling kama ang dalawang nakakatandang mga anak at bukod din ang kama ng mag-asawa kasama ang bagong silang na sanggol.
ang buong pamilya ay laki sa Maynila pwera sa kanilang ama na sa Mindoro na namulat, kaya naman walang kamalay-malay lalo na ang mga bata pagdating sa buhay sa probinsiya. Kahit ang bagay o nilalang na sa probinsiya mo madalas makakasalamuha.

Apat na buwan na ang sanggol, isang batang napakalusog, tamang-tama para kursunadahin ng mga ibang nilalang. Isang gabing maalinsangan, nahihimbing na sa pagtulog ang buong pamilya, maliban sa nakakatandang kapatid na babae. Hindi siya dalaw-dalawin ng antok, biling dito at biling doon, dapa dito o dili kaya ay titihaya. Patuloy na hinahanap ang posisyon para makatulog na siya at sa wakas ay nakomportable din siya sa kanyang pagkakatihaya. Pero isang bagay ang hindi niya inaasahan na makakasalamuha niya ng gabing iyon. Nakaharap siya sa kisame at mula sa kisame ay may mukha na nakasilip sa butas. Mga apat na metro mula sa sahig hanggang kisame ang pagitan ng espasyo, ngunit hindi makakalagpas sa mga matang malilinaw ng isang batang paslit ang anyo ng nilalang na nakadungaw mula sa binutas na kisame. Buhok na buhaghag na animo ay mga alambreng nakatayo sa tigas, magaspang na balat sa mukha at ang kulay ng balat ay kasing pula ng dugo. Nakausling mga ngipin na punong-puno ng laway at mga mata na walang kulay puti. Ang kulay ng mata ay pula at itim, ngunit may napansin siya, hindi sa kanya nakatingin yung nilalang na yun, kundi sa bunso nilang kapatid na nakahiwalay ng kanyang higaan kasama ng kanilang mga magulang.
Hindi matinag sa pagkakatitig ang nilalang sa sanggol na natutulog. Tumagal din ang sitwasyon nila ng ganun na nakatitig lang siya sa sanggol, sa murang pag-iisip ay hindi niya matanto kung paano papaalisin ang mukha sa kisame. Kaya gaya ng mga napapanood niya sa nakakatakot na pelikula ay kinuha niya yung rebulto ng Birheng Maria na nasa altar sa gawing bintana sa paanan banda ng kama ng kanyang mga magulang. Akmang babalik siya sa kanyang higaan ng muli niyang pagtingin sa kisame ay nakaharap na ito sa kanya, higit na mas nagpasindak sa kanya ay inilusot na niya ang buong ulo niya sa butas sa kisame, habang nakatitig sa kanya.
Sa mga oras na ito umakyat na ang takot niya sa kanyang buong pagkatao. Nag-isip siya ng paraan kung ano ang gagawin hanggang sa muli niyang maalala sa mga pelikulang nakakatakot na napanood niya. Muli ay tumayo siya at kinuha ang salamin na nakasabit sa pader, kwadradong salamin na hindi naman kalakihan. Binitbit niya ito at inilagay sa tabi niya ang salamin na nakaharap sa ulong nakalawit sa kisame. Mabilis ang naging reaksyon ng nilalang na nakasilip, animo ay natakot sa sarili niyang repleksyon. Hindi man tuluyang umalis ang nilalang ay ikinubli niya naman ang kanyang sarili na tanging ang kaliwang mata na lang makikita sa kanya. Hinayaan niya na nasa ganoong posisyon ang salamin hanggang sa siya ay dalawin ng antok.

Alas sais na pala ng umaga ng siya ay magkamalay, mag-isa na lamang siya sa sa kwarto ng siya ay bumangon. Tiningala niya ang butas sa kisame ngunit ito ay wala na, pagkatapos ay narinig niya sa labas ng bintana ang paghagikgik ng isang batang masayang-masaya na nakikipaglaro sa kanyang ina at isa pang nakababatang kapatid.

-The Man from Manila

Scary Stories 5Donde viven las historias. Descúbrelo ahora