R.L.E.

304 12 0
                                    


Isa sa mga nagbigay anghang sa pagiging Nursing student ko noon ay ang RLE o Related Learning Experience. Subject kung saan inaaplika ang lahat ng natutunan mo sa classroom sa field, mapa-komunidad, o ospital, pampubliko at pribado. "Real world" ika nga. Ang Immersion ay parte din nito. Sa una syempre laging nandon yung kaba sakin, likas kasi akong mahiyain. Pero dahil basic lang naman ang kadalasang gagawin tulad ng pagkuha ng BP, temperature, pulso, hininga, ilang beses dumumi at umihi, gaano kadaming fluid ang nainom at iba pa. Naging routinary lang lahat hanggang sa makasanayan ko na. Pagdating ng 2nd sem ng 3rd yr or 1st sem ng 4th year ko yata, natural lang na naiiba na ang ginagawa. Pati ang lugar kung saan kami in-e-expose, mas naging interesante din.

Marami rin akong naranasang kahindik-hindik sa pagdu-duty namin sa iba't ibang pasilidad ng area kung saan kami naka-assign. Marami ding karanasan ang batchmates kong nagpasindak sa akin Isa sa mga tumatak na pangyayari ay nang ma-rotate kami sa ICU o Intensive Care Unit ng isang pribadong ospital sa Pasay. Nung nakita ko pa lang ang schedule namin na 1pm-10pm ay kinabahan na ako dahil malamang "toxic" o nakaka-stress don dahil kailangan ng matinding ingat at dapat ay 'precise' ang kilos dahil sa dami ng contraptions o yung mga aparatong nakakabit sa katawan ng mga pasyente, idagdag mo pa ang iba't ibang dextrose na dumadaloy sa ugat nila. Wala talagang room para magkamali dahil buhay ang nakasalalay. Sa ICU din madalas may nasasawi dahil sa sobrang kritikal ng kondisyon.

Unang gabi palang ay naging maayos naman lahat hanggang sa may ipinasok na pasyente mula sa ward. Isang matandang comatose at gaya ng inaasahan ko madaming nakakabit sa katawan niya. Nakakahabag ang itsura nung pasyente at kondisyon nya. Di na rin stable ang vital signs nya kaya sa lahat ng pasyente doon ay sa kanya kami mas tutok. Sa ikatlong araw namin ay dun lumala ang lagay nya hanggang sa nag-cardiac arrest. Dun ako una nakasaksi ng aktwal na pagre-revive. Yung napapanood kong parang isang eksena lang sa telebisyon, iba pala ang pakiramdam kapag nandon ka na mismo at nag-a-assist habang ginagawa ito sa pasyente ng doktor. Dapat kalmado ka kasabay ng flatline na maririnig mo sa aparato. Kada pump ng doktor sa dibdib nung pasyente ay sya ding dasal ko na nawa'y maisalba pa. Nakakalungkot na hindi rin na-revive ang matanda. Nakakatulala na kanina lang mino-monitor pa namin ang pulso nya sabay ilang saglit lang ay wala na. Napatingin ako sa mga kasama ko, yung iba ay bahagyang napaluha pero nilakasan ko ang loob ko, madami pa akong dadanasing mas malala pa dito. Di pwedeng mauna pa akong umiyak sa pamilya ng namatayan. Ganung klaseng kontrol ang kailangan sa propesyong ito. Matapos maideklara ang time of death. Lumabas kami para makapasok ang pamilya ng nasawi at bumalik nalang uli nang lumabas na yung mga kamag-anak. Trabaho din naming alisin isa-isa ang mga nakakabit sa katawan at linisin sya, punasan bago ilipat sa morgue. Habang sinisimulan nang alisin ng mga groupmate ko ang mga nakakabit ay pinunasan namin ni Gene ang magkabilang binti. Pagsalat ko sa balat ay mainit na parang may sinat. Ganoon pala kapag kamamatay lang, taliwas sa inaakala kong malamig kapag hinawakan mo. Nang maiayos na namin ang pasyente at inaantay na lang yung maglalabas sa kanya sa ICU ay biglang nagkwento si Angga. May kasabihan daw na maari kang humiling at bumulong sa tenga ng namatay at matutupad ito. Wala namang mawawala at dahil halos lahat ay nakahiling at bumulong na ay sumunod na din ako. Naalala kong hiniling ko lang na pumasa sa Licensure exam. Si Gene na medyo natatawa pa at parang di naniniwala ay nakibulong na din. Nagbiro pa itong tinapat ang tenga nya sa bibig nung matanda nang bigla nalang syang nanginig sabay napasigaw. Ang akala ko nung una ay parte iyon ng pagbibiro nya ngunit kitang-kita ko ang itsura nyang nangilabot. Agad syang napalayo sa katawan at napaurong din kaming lahat sa gulat at takot. Napasugod ang CI namin at tinanong kung anong nangyari. Ang sinabi lang namin ay nagulat lang kami, kahit na di makapagsisinungaling ang mga mata namin lalo na ni Gene.

Hindi makausap ng matino si Gene pagkatapos ng nangyari kahit na panay usisa ng mga kasama ko. Iling lang ang sagot nya at ramdam ko ang pagkabalisa sa kilos nya. Mabuti at pauwi na rin kami ng mga oras na yon kaya nag-ayos na din kami agad ng gamit pagkatapos ng saglit na meeting bago ang dismissal. Naghiwa-hiwalay na kami sa labas ng ospital dahil sa ibang way naman yung iba naming kasama. Si Gene lang ang walang kasabay. Habang nasa biyahe ay nagtataka pa din ang dalawa kong ka-group "Ano kaya ang nangyari don kay Gene? Nagsalita ba yung patay kanina kaya grabe yung nginig nya?" tanong ni Gel. "Nakakatakot naman kung ganon nga, nagbibiro pa sya kanina e, tapos biglang nanahimik" dadag pa nya. "Kung anuman yon, siguro ayaw nya na lang manghawa ng takot kaya di na umimik" sabi ko nalang.

Kinabukasan ay di pumasok si Gene. Masama daw ang pakiramdam at nilalagnat sabi nang CI nung nag-meeting kami bago pumasok ng ICU. Nagkatinginan nalang kami ng mga groupmates ko. Nung breaktime ay agad ko syang tinext at kinamusta pero di naman sya sumagot. Di na sya nakapasok nung mga sumunod na araw dahil masama pa rin ang lagay nya. Pagtapos ng isang linggo ng duty sa field ay isang linggong classroom discussion naman. Ganoon ang setup kaya nang makabalik kami sa school ay nakapasok na si Gene. Matamlay pa sya sa pakiwari ko kaya nilapitan ko sya pero ramdam kong umiiwas syang pag-usapan kaya di na rin ako masyadong nagtanong pa.

Bandang 7pm nung matapos ang klase at nahuli akong lumabas ng room. Nakita ko si Gene sa dulong pasilyo at nakaupo. Pagdaan ko sa harap nya ay kumaway lang at nagpaalam sabay lakad. Bigla nya kong tinawag "Bro saglit." Lumingon ako at sumenyas sya na lumapit ako. Pagkaupo ko sa tabi nya ay mukhang nag-aalangan pa sya pero sinimulan nya ding magkwento. "Pasensya na at di ko kaya kinibo last week dun sa ospital. Sobrang natakot ako at ayaw kong isipin nyong nababaliw na ako." "Ano bang nangyari sayo at bigla ka nalang napasigaw sa nginig?". Tanong ko. Nung mga oras na tinapat nya daw ang kanyang tenga sa bibig nung namatay na matanda pagkatapos nyang bulungan, naramdaman nyang huminga ito sa kanyang pisngi. Biglang lamig ng paligid don sa kinauupuan namin sabay taas ng mga balahibo ko sa braso hanggang sa mukha. Napalingon ako sa paligid at mabuti may mga estudyante pa kasi gusto ko nang lumakad sana palabas kaso di pa tapos magkwento si Gene.

"After ng duty natin, habang naglalakad na ako pauwi sa amin ay biglang may nag-text sa akin kaya tiningnan ko ang phone ko. Nagtatanong si papa, nasaan na daw ako?. Bago ko reply-an ay napatingin ako sa kalyeng nilalakaran ko baka kasi may biglang holdaper. Ang kalye papasok sa subdivision namin ay may limang poste ng ilaw na malalayo ang distansya sa bawat isa. Ang dalawang poste sa bandang gitna ay wala nang sindi ang ilaw pero paglagpas mo don ay may liwanag na uli. Mayroon akong napansin na naglalakad sa parteng madilim. Silhouette lang ang naaninag ko. Binulsa ko uli ang phone ko at binagalan ang lakad ko habang nasa may liwanag na parte ako. Tumigil ako saglit para kalikutin ang laman ng bag ko kahit na baunan ko lang naman ang nasa loob, para lang pagdaan nung tao ay saka ko na bibilisan ang lakad sa madilim na bahagi. Baka kasi kung anong gawin nya sa akin sa dilim. Nakakakaba kasi ang pasuray-suray nyang lakad na parang lasing o di kaya ay zombie". Kwento nya. Sabi ko ay baka napa-paranoid lang sya. Nasilip na daw nya ang buong sulok ng bag nya ngunit wala pa ding dumadaan. Nakaramdam na sya ng di maganda at napalunok nang magdesisyon syang lumakad ng mabilis. Nakalagpas na daw sya sa may poste ng ilaw at di na lumingon-lingon pa. "Inisip ko nalang ay baka natumba na yung tao sa kalasingan dahil wala na akong nakitang lumalakad at dahil wala din naman akong paki ay naglakad lang ako ng tuloy-tuloy. Nang papalapit na ako sa kasunod na poste ng ilaw ay biglang may naramdaman akong huminga sa kaliwa kong tenga isang mahabang hinga hhhhaaaahh."

"Y-yun yung matandang namatay sa ICU, sigurado ako" nauutal pang sambit nya.

Bigla akong napatakip sa tenga ko. Pakiramdam ko kasi ay ako ang binulungan sa pagkakakwento ni Gene. Para bang naramdaman ko din ang init ng hangin mula sa bibig nung matanda. Natakot ako sa mga sinabi nya gaya ng nakita kong takot sa mga mata nya. "Napahinto ako saglit pero di ko na nagawang lingunin pa. Bigla akong tumakbo ng mabilis pauwi sa amin, hingal na hingal ako pagdating ng bahay. Di nga ako natulog mag-isa sa kwarto ko sa takot. Sumama talaga ang pakiramdam ko kinabukasan. Bigla akong nilagnat nang sumunod na araw. Ginaw na ginaw ako kahit na nakapatay ang electric fan sa amin. Sa init ng katawan ko ay nagdeliryo na ako. Nagpasya sina mama na ipaospital na ako pero mas minabuti kong sa bahay na magpahinga at may trauma pa ako sa ambiance ng ospital" kwento ni Gene.

Di pa daw sya nakakatulog ng matino simula nung nakaraang linggo dahil pakiramdam nya daw palagi ay may nakatayo sa tabi nya. Mas lalo daw syang napapraning sa paligid na para bang may nakatitig sa kanya. Dahilan para tanungin ko sya kung ano ba ang binulong nya. Hinamon nya daw kasi na magsalita kaya tinapat nya yung tenga nya sa bibig nung patay pero nagbibiro lang daw sya. Imbis na sisihin ay pinagsabihan ko nalang. Aminin man natin o hindi, may mga punto talaga sa buhay nating wala sa lugar ang mga biro natin, kaya naiintindihan ko sya. Sa nangyari sa kanya ay palagay ko namang natutunan nya na ang dapat nyang malaman.

Nagpadasal daw sila sa bahay at lagi na syang may bitbit na rosaryo sa bag nya. Sabi ko naman sa kanya balewala ang dala nya kung mahina ang pananampalataya nya. Dalasan nya kako ang pagdasal ng taimtim. Isang paalala marahil ang kanyang naranasan para mas lalo pang lumakas ang pananalig nya.

PS. Sa mga readers na balak mag-Nursing o sa mga kasalukuyang nag-aaral na ay di ko intensyong i-discourage kayo sa kursong ito sa mga kwento ko. Bawat pangyayari ay may dahilan at bawat dahilan ay may leksyon. Kahit siguro ibang kurso ang kuhanin ko ay may mga ganitong pangyayari pa rin ang darating para may matutunan tayo o di kaya ay maging instrumento para matuto ang iba. Salamat po.

-Bert

Scary Stories 5Where stories live. Discover now