Compiled Stories 27

191 6 0
                                    


Kondenado

Hello wazzupp! Mga ka-spookify, I'm Jam. Dahil sa ECQ naging family bonding na namin ang magkwentuhan tungkol sa mga creepy experiences and stories. I-share ko na rin dito hehez!

Kwento ito ni Lola sa aming magpipinsan, tungkol sa karanasan ng kaibigan niyang si Dolores (matapang na babae raw si Dolores hanggang sa nagkaroon sya ng karanasan sa kondenado). Hindi na maalala ni Lola yung lugar pero sa taong 1978 daw ito nangyari.

Alas-onse na nang gabi, ay wala pa sa bahay ang asawa ni Dolores kaya napagpasiyahan nya na sunduin ang asawa. Malayo ang pinuntahan nya, nang makarating sa pinagtatrabahuhan ng kanyang asawa tinanong nya ang mga natira nitong kasamahan kung nasaan ang asawa nya, ang sabi nakaalis na raw. Nagkasalisi pala sila. At dahil kapos sa pamasahe at bihira din ang mga dumaraang sasakyan ay nilakad lang ni Dolores ang mahabang highway (sementadong daan na walang makikitang kabahayan dahil palayan ang magkabilang gilid).

Noon pa man daw ay bali-balita na sa lugar nila na may nagku-kondenar doon. Pero dahil sa matapang na babae si Dolores, to see is to believe  daw ang peg nya. At nagpatuloy na sa paglalakad.

Nasa kalagitnaan na ng daan si Dolores ng makarinig sya nang tunog ng kadena na kumakalansing. Tumingin muna sya sa palagid pero wala naman syang nakita, kaya nagpatuloy sya sa paglalakad. Narinig na naman nya ang tunog ng kadena, at mas lalong lumalapit ang tunog. Dahil madilim ang paligid at wala syang gaanong matanaw kaya ang ginawa nya ay dumapa sya sa gilid ng kalsada na may mababaw na hukay gawa ng ito ay binulldozer para gawing kanal. Pagkadapa nya ay natanaw nya ang kondenado (sabi ni Lola, kapag madilim daw, mas madaling makita kapag may tao sa malayo kapag dumapa).

****
Ang kondenado daw po ay kaluluwa na kinadenahan sa paa at kamay, pa-ekis daw ang pagkakalagay ng kadena (yung isang kadena, nakatali sa kanang kamay hanggang sa kaliwang paa, ganun din sa kabilang kamay at paa). Nakatingala raw po ito, sabi-sabi na kaya daw ito nakatingala para hindi ito maawa sa mabibiktima nito. Kaya hindi nakakakita ang kondenado pero malakas ang pandinig.
****

Habang nakadapa sa gilid ng kalsada, nakikita ni Dolores ang kondenado na naglalakad papalapit. Sa nakita ni Dolores, kada hakbang daw ng Kondenado ay kasabay ang paghawi nito nang kadenang nakatali sa kamay at paa nito (pa-ekis daw ang style ng paghawi nito sa kadena). Pigil na pigil si Dolores sa kanyang paghinga na kung maari ay ayaw nya ng huminga kasi baka marinig ng nagko-kondenar. Halos umiyak at mahimatay na sya sa takot.

Nang makalagpas na ang kondenado sa kanya, sinigurado muna ni Dolores na dalawangpung (20) dipa na ang layo nito sa kanya. Dahan-dahang tumayo si Dolores at kumaripas ng takbo.

Pagkatakbo ni Dolores, ay siya namang pagpihit ng katawan ng kondenado dahil narinig nito ang yapak ng paa nya. Halos madapa-dapa na sa kakatakbo si Dolores. Habang tumatakbo, ay palingon-lingon din si Dolores sa kondenar at nakita nya na kasabay sa pagtakbo nito ay ang bilis nang paghawi sa kadena.

Habang tumatakbo ay nagsisisigaw na sya ng tulong/saklolo. Kaya malayo pa lamang ay nagising at na-bosesan na sya ng kanyang anak at asawa. Halos tibagin na ni Dolores ang pinto. Sa kabutihang palad ay nakapasok agad sya sa kanilang bahay bago maabutan ng kondenado. Matapang na babae si Dolores pero kapag naaalala nya at naikukwento ang karanasan nya sa kondenado ay nanginginig pa rin sya sa takot.

****
Hindi raw po nakakapasok sa bahay ang kondenado kasi sa kalsada lang sila, pabalik-balik na naglalakad sa gabi. Sabi, kapag daw nahawi ng kadena ng kondenado ang isang tao, siya na ang papalit dito. At sa nangyari naman kay Dolores, kung naabutan sya nito ay papatayin sya nito sa sakal at sya naman ang magko-kondenar.
****

Kaya mahirap gabihin sa daan, lalo na kapag wala kang alam tungkol sa kwento ng isang lugar.

Jamsh☁️

Scary Stories 5Where stories live. Discover now