Cagayan de Oro - 1950

447 17 0
                                    


Kwento ito ni Lola Doray samin noong ipinagbubuntis niya ang panganay niyang anak na si Ante Fina, noong minsa'y dumalaw sila sa partidos ng aking lolo na si Lolo Enteng. Simula nung nagkamalay ako'y lagi niya na itong kinukuwento saming magpipinsan at sa tuwing magkakaharap kami sa hapag-kainan para maghapunan, ay laging ibinabahagi ang kanyang naging karanasan sa Cagayan de Oro, hanggang sa nagbinata na ko't hanggang sa bago siya mag-ulyanin at tuluyang mawala sa amin.

Umiikot na ang istoryang ito sa aming buong angkan, sa partidos ito ng aking ama na nagmula sa Cagayan de Oro. Hindi pa din naman ako nakakarating doon, pero hanggang ngayon 'pag inaalala ko ang mga kwento ni Lola Doray tila ba nagbabalik ako sa nakaraan at wari mo'y dinadala ka sa lugar kung saan nangyari ang lahat.

Simulan na natin.

Pitong buwang buntis si Lola Doray noon sa panganay niyang anak na si Ante Fina, noong nagkaroon ng reunion ng buong pamilya na nakabase sa Cagayan de Oro, 'di ko nga lang tukoy saan eksakto doon.
May napakalaking bahay kastila doon na pag-aari ng buong pamilya ng aking lolo, na kanyang nilakihan. May tatlong palapag na may limang silid, salas at kusina na nasa unang palapag at may isang kwarto sa ikalawang palapag na mayroong balkonahe. May ilang araw din daw silang namalagi dun ayon na din sa magiging paghahanda sa magaganap na salo-salo. Matagal ng kilala ni Lola Doray ang kanyang biyenan, na lola namin sa tuhod, ngunit  ngayon niya lang ito makakasama ng ilang araw sa iisang bubong, kasama ng ilang kamag-anak ni Lolo Enteng. Dumating ang bisperas ng pampamilyang salo-salo, at sa preparasyong ginawa sa bahay at mga pagkaing ihahanda ay masasabing ito'y magarbo at pihadong naglabas ng malaking salapi para lang sa salo-salo, isang piging na nanaisin ninuman na madaluhan. Isang malaking piging para sa isang malaki at kilalang pamilya sa lugar na iyon, gustuhin ko mang banggitin ang aming apelyido ay 'di maaari dahil tiyak matutukoy nyo ang pamilyang pinagmulan ko. Dumaan ang araw ng pagsasalo-salo ng pamilya, at talaga namang hindi magkandaugaga ang mga tauhan nila sa pag-aasikaso sa dami ng bisita, katakot-takot na kainan at inuman, masaya ang naging pagtitipon-tipon ng buong angkan, nag-uwian mula sa iba't ibang panig ng Pilipinas at mayroon ding galing sa ibang bansa. Tunay nga na naging masaya ang malaking piging, gabi na ng matapos ang salo-salo mayroong mga nagpasyang umuwi at mayroong din namang mga nagpaiwan upang ituloy sa susunod na araw ang kasiyahan. Madaling araw na noong naalimpungatan si Lola Doray at dahil nga buntis ihi ng ihi, lalo na sa dis oras ng gabi, pagkaihi ay bumaba si Lola Doray para uminom ng tubig, napansin niyang tulog na pala ang lahat, patay na ang ilaw sa salas, sa hagdanan at pasilyo nalang may natitirang ilaw na nakabukas. Wala ng taong naiwan sa salas, madilim na din dito, tanging ang ilaw na lang sa hagdanan at kusina ang pinagmumulan ng kakarampot na liwanag. Pagkatapos uminom ay nagpasya ng bumalik sa kanilang kwartong tinutuluyan sa ikalawang palapag kung saan may balkonahe, nang may napansin siya sa madilim na parte ng salas. Akmang papatayin na ang ilaw sa kusina nang may naaninag siya sa salas, mula sa madilim na parte sa sulok ay may naaninag siya na tila ba may nakatayong tao, at dahil sa kakarampot nga lang ang ilaw ay sa bandang ibaba lang ng katawan nito ang natatanaw niya sigurado siyang may nakikita siyang paa ng tao na nakatayo doon, at mukhang nakaharap din ito sa kanya, at tila ba pinamamasdan siya mula sa madilim na sulok ng salas, at sa pagtatantiya niya'y kanina pa 'to naandun sa sulok, bago pa siya bumaba.
Matagal na nakatingin si lola dun sa paa, maya-maya pa'y halos himatayin siya sa sindak ng marinig niya ang pagbuntong hininga ng kung sinuman ang nakatayo sa madilim na sulok ng salas. Napako si lola sa kinatatayuan niya, tila ba may puwersa na umaawat sa kanya para hindi tuluyang makaalis, nang biglang narinig niyang tinatawag siya ni lolo, habang bumababa sa hagdanan. Doon lang nakahinga ng maluwag si lola, habang inaalalayan siya ni lolo paakyat ng hagdanan ay nilingon niya kung naroon pa din ba yung paa, ngunit wala na siyang makita doon, pagkaakyat ng kwarto'y kinuwento niya kay lolo ang nangyari ngunit natatawa lamang ito.

Kinabukasan ay tinuloy ng ilang mga bisita ang inuman, maaga pa lang ay nagsimula na silang mag-inuman, kasama si lolo sa mga nakipag-inuman. Hapon na ng matapos ang inuman nila at marahil na rin siguro sa kalasinga'y nakatulog si lolo noong bandang hapon na sa kanilang kwarto, tinabihan siya ni lola sa pagsisiyesta. Nag-aagaw na ang liwanag at dilim nang magising si lola.
Siya ay napabalikwas nang magawi ang tingin sa ibabang parte ng pintuan. Mula sa pintong nakaawang ay may nakita siyang paa na nakatayo sa labas, hindi niya makita ang ulunan ng kung sinuman ang nakasilip sa labas pero sigurado siya na nakamasid ito sa kanya mula sa madilim na pasilyo, habang sila'y natutulog. Gumalaw paatras ang mga paa hanggang sa mawala ang pares ng mga paa sa kanyang paningin, at kasunod nito'y nakarinig siya ng mga mga kalabog ng paang tumatakbo sa pasilyo palayo sa kanilang kwarto. Napaisip habang kinikilabutan si lola kung sino ba yun na laging nagmamatyag sa kanya.
Sinubukan niyang ikwento muli ito kay lolo, at gaya ng inaasaha'y muli lang siyang natawa sa kwento ni lola.
Kinagabihan habang naghahapunan sila sa kusina kasama ang mga bayaw at ilang kamag-anak ay may narinig silang sumigaw ng ubod lakas nagmumula sa itaas, nagkatinginan silang lahat na kumakain sabay sabi ng bayaw ni lola "Si mama!" at kasunod nito'y nagtakbuhan papunta sa kwarto ng kanilang ina sina lolo kasama ng kanyang mga kapatid. Narating agad ng magkakapatid ang kwarto ng kanilang ina. Nahinto sa pagkain sila lola kasama ng ilang kamag-anak ni lolo, habang nakatunghay sa itaas, lahat sila ay nakatingala at nakatingin sa itaas kung saan naroon ang silid ng biyenan ni lola. Maya-maya pa'y puro kalabog ang narinig nila mula sa silid ng biyenan, at sa bawat kalabog ay kasabay din ng pagtalon ng puso niya sa takot. Takot na kahit hindi niya alam ang mga nangyayari. Habang naririnig ang mga nangyayari sa itaas, may nagsasabing "itali mo diyan banda, bilis!" parang lahat sila ay natataranta habang may pinagkakaabalahan sa loob ng silid ng kanilang ina, maya-maya pa'y lumabas si lolo sa silid sinilip sila sa baba at sinabing "pumunta muna kayong lahat sa silid naming mag-asawa, pakialalayan si Doray, bilisan niyo!" at sumagot ang isa sa mga kamag-anak ni lolo "sinusumpong na naman ba si Ante?" at kinilabutan si Lola Doray sa tugon ni Lolo Enteng "Oo, bilisan nyo baka makaalpas si Mama sa pagkakagapos, aabutan niya kayo diyan sa ibaba!." Agad tinungo nila lola at ng ibang kamag-anak ang kwarto sa ikalawang palapag, habang umaakyat at binabaybay daw nila ang bawat baitang ng hagdanan ay tila ba ang tagal-tagal, parang iyon na daw ang pinakamatagal na sandali nila sa kanilang buhay, dahil anumang oras ay pwedeng makaalpas ang anumang nagkukubli sa itaas at abutan sila. Gulong-gulo si lola sa mga nangyayari, wala siyang nauunawaan, ngunit isang bagay lang ang sigurado niya, gumagapang ang kilabot niya mula paa, paakyat sa buo niyang katawan. Natunton nila ang silid sa ikalawang palapag at agad kinandado ang pintuan at sinarado din ang balkonahe. Habang nasa loob ng silid sila lola at ibang kamag-anak ni lolo'y madidinig mo pa din ang pangilan-ngilang sigawan at kalabugan na nagmumula sa silid, ng aking lola sa tuhod.

PS. Minsan na ding nasaksihan ni Lola Doray ang sumpong ng lola ko sa tuhod, halos humiwalay na daw ang katawan nito sa ibabang parte at walang tigil ang pagsuka ng animo'y laway na sobra ang lapot at talaga naman daw napakabaho, habang ginagapos ng mga anak niya.
PPS. Kwento pa ni Lola Doray, iyong biyenan niya yung nagmamatyag sa kanya noong siya ay buntis pa lamang, hindi daw mapakali dahil naaamoy ang kanyang magiging apo sa sinapupunan ni lola, isa pang dahilan bakit sinumpong ang biyenan ay dahil siguro na din sobrang napagod sa nagdaang handaan, at sa dami ng taong nakapalibot. Para siyang sakit na pag sobra kang napagod ito'y lalabas nang hindi mo inaasahan
PPPS. Nasaksihan din ni Ante Ekang na isa sa mga tiyahin ko ang pag-atake ng sumpong ng lola namin sa tuhod. Kitang-kita niya paano naghiwalay ang katawan ng kanyang lola, at tuluyang nakaalpas sa buong kabahayan, hindi naman daw siya sinaktan pero nakakatakot daw ng sobra at naggagala ito sa loob ng malaking bahay, habang siya ay nagkulong sa isa sa mga silid ng bahay.

- Boss Cj, salamat sa paglathala ng mga istorya ko.

The Man from Manila

Scary Stories 5Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon