Huling gabi ng Santa Cruzan

84 5 0
                                    


Faith po muli. Weekdays lang ako pwedeng magsulat kaya sasamantalahin ko na po. Thank you sa mga naka-appreciate ng mga stories ko.

Here's my new story for today. I was in grade 4 ng mangyari ito. Maraming taon na ang nakakalipas. Bakasyon non kaya in-e-enjoy ko ng husto pagkatapos ng isang taong pagsusunog ng kilay.

Buwan ng Mayo. Sa probinsyang katulad ng sa amin ay sinusunod halos lahat ang mga tradisyon katulad na lang ng Santa Cruzan.

Ang Santa Cruzan ay debosyon ng mga Katoliko at ginaganap ito buong buwan ng Mayo. Bale may mga bahay na kukuha non as a host at sila ang tatanggap ng santo, magpapadasal at magpapakain sa mga sasama sa sagala. Ang host din ang maghahanap ng mga reyna na isasagala para sa gabing yon. I'm trying to explain everything para maintindihan ng ating mga millenial. At siyempre ginaganap yun pag gabi, ang mga sumasama ay may hawak na sulo. Yun ang tawag namin sa kapampangan. Isa iyong buho (yung ginagawang sawali) na pinutol sa lagare. At nasa ilalim ang buko para di matapon ang gas. Tapos lalagyan ng tela sa ibabaw at yun ang magsisilbing ilaw na hawak-hawak ng mga taga-ilaw sa reyna at konsorte.
Nasa namumuno na yun kung gaano kalayo ang gustong puntahan sa barangay. Kung ilang street lang ba o end to end, ganun po.

Sa buong gabi ng sagala non ay lagi kaming present, kasama ang mga kababata ko. Sina Jerome at Alfred, magpinsan sila saka sina Rona at Daisy. Uso nun ang bioman kaya sabi namin kami ang Bioman haha. At minsan nakikipag-agawan pa kami pag bigayan na ng pang-ilaw kasi nga minsan di aabot yun pag malayo ang nilakad. Hindi sapat ang isa lang. O minsan naman yung sobra pwede naming iuwi at gamitin ang gas sa gasera namin sa bahay haha. Kasi nga sa hometown namin walang ilaw noon. Ikukwento ko din minsan sa inyo ang kalunos-lunos na nangyari sa hometown ko.

Huling gabi na ng sagala. Ito yung gabi na lahat ng mga naging reyna ay ipaparada at lahat ng daan ay pupuntahan. Maraming mga sumasama as in sobrang haba yon. Sobrang saya kahit na nakakapagod, enjoy na enjoy kaming mga bata. Sa mga may edad yun masakit sa paa dahil pagod maglakad.

So dahil nilakad ang lahat ng daan non tapos ihahatid na sa simbahan ang mga santo ay sobrang late na natatapos. Tapos may nagyaya pang isang naging host na may pakain daw sa kanila. Punta daw kami sabi ng isa naming kasama. Nagdadalawang isip ako kasi ang layo, dulo ng barangay yun. Eh ang bahay namin ay kabilang dulo naman.  E di go pa rin kasi wala daw dapat kill joy.

Ang handa ng host ay pansit guisado at maja blanca tsaka orange juice haha. Siyempre dahil pagod maglakad ang lahat, para kaming mga na-disyembre, yun bang parang ang tagal di nakakain. Hanggang mag-alisan na ang mga tao, kami nagkukwentuhan pa ng mga kalokohan.

Bandang 11:30pm na yun ng masita na kami sa maybahay na uwi na daw kami. Tapos don namin naalala na ang layo pala ng uuwian namin. Wala ng ibang tao kami nalang, Diyos ko po! E di sinimulan na naming maglakad, magkakahawak-kamay kami nina Rona at Daisy. Ayaw naming tumingin sa paligid diretso lang. Maliwanag naman ang buwan noon. Tsaka may buho pa kaming hawak na nagsisilbing ilaw namin. Kasi nakakatakot ang paligid maraming mga talahib at puno ng mangga. Walang gaanong kabahayan yun. Sabi ni Jerome ay may nakikita daw siyang babaeng nakaputi na nakasunod sa amin. Waaahhh ayaw nga naming tignan. Sa bandang ito yung sinasabi nilang may babaeng nagahasa at pinatay. Nagpatuloy kami sa paglakad pero nakakaramdam kami ng pananayo ng balahibo.

Tapos nakarating na kami sa merong bahay, nag-iisa ang bahay na yun. At pinagtatahulan kami ng mga aso. Muntik pang makagat si Daisy kasi siya ang nasa dulo kaya sigawan kami. Sa katabi ng bahay ay may puno silang mangga na mataas at makapal ang dahon.

So para hindi kami matakot dapat kwentuhan kami. Sabi ko sa mga barkada ko "nung isang araw humingi ng mangga diyan ang Nanay ko, ang dami kumpol-kumpol kasi pinsan pala nya ang nakatira diyan".

Napatingin kami sa mangga habang nagkukwento ako. Bigla akong natahimik kasi pagtingin namin sa mangga ay may ilaw na nasa gitna. E di bulungan kami kasi nagtataka kami bakit may ilaw.

Sabi ni Alfred "kwento ng Tatay ko may kapre sa lugar na yan". Takbuhan kami at sigawan. Nagmumura si Jerome sa kanya bakit pa daw sinabi. Natakot tuloy kami. Nagkatapakan pa kami ng mga tsinelas. At muntik mapatid. Pero tumakbo pa rin kami hanggang sa tumigil si Alfred. Malapit na kasi kami sa bahay ni Don Ramon kaya tumahimik kami.

Kwento ng mga Nanay namin istrikto daw siya at ayaw nya ng maingay.
Siya yung may pinakamalaking bahay sa amin at pinakamayaman na kastila nung Spanish Time (bale ang mga bahay ng mga kastila ang tinitirahan namin, nasabi ko yun sa mga una kong kwento pwera lang ang bahay ni Don Ramon, walang tumira). Maselan daw ito at mahigpit pag nagagalit ay hinahampas ng kadena ang mga trabahador nya. Itsura pa lang ng bahay nya ay nakakatakot na, maraming nakapaligid na puno na ang tataas. Bigla nalang humangin at nagtataka kami. Namatay ang hawak naming mga ilawan at nagkayakapan kami. Nanunuot sa laman ang lamig.  Kinilabutan kami sa sobrang takot. Dahil narinig namin ang ingay ng kadena na parang may humihila. Nang tinignan namin kung saan nanggagaling ang ingay, nakita namin may malaking mama na pababa sa hagdan sa gilid ng bahay at patuloy na naglalakad at paikot-ikot sa kanyang bakuran. Grabe parang hihimatayin na kami sa sobrang takot. Hinila kami ni Alfred sa gilid ng daan at may talahib don. Nasubsob pa si Rona at nasugatan ang braso.  Nagtago kami. Kumakabog ang mga dibdib namin sa sobrang takot, nanlalamig at nanginginig ang mga kamay namin nakagitna ako kina Daisy at Rona.

Tinignan namin si Don Ramon at patuloy pa rin siya sa paglakad na para bang ginugwardyahan nya ang bahay nya. Nakakakilabot ang tunog ng kadena.

"Pano tayo uuwi nyan?", sabi ni Jerome. Nakaka-frustrate ng sobra kasi mag-aalas dose y media na ng madaling araw yun. Baka makita nya kami at hatawin kami ng kadena.

At  napahiga kami sa damo nag-iisip kung paano uuwi.

Hanggang sa lumipas pa ang ilang sandali at hindi na namin marinig ang kadenang hinihila.

Saka kami nagtatakbo ng pauwi. Hawakan ng kamay, walang bitawan. Takbo, hingal kabayo na kami pero di kami tumitigil. Hanggang sa malapit na kami sa bahay nina Jerome at Alfred. Magka-duplex sila at uuwi na daw. Tapos sina Rona at Daisy magkatapat ang bahay naman at umuwi na rin. Diyos ko po ako nalang ang natira. Nilakasan ko ang aking loob at naglakad na ako.

Kinakabahan ako kasi daraan ako sa bahay nina Jagang at Lilac. Kaya ang ginawa ko niliitan ko ang aking mga mata na saktong daanan ko lang makikita ko saka ako nag-pray sabi ko "Lord bigyan nyo po ako ng tapang at tibay ng loob para makauwi ng safe. Ilang hakbang nalang po".
Isa, dalawa, tatlo. Ilang hakbang nalang...

Ayan, nasa harap na ako ng bahay namin kaya tumakbo na ako. Pagbukas ko ng pinto ang Nanay ko gising pa pala at hinihintay ako. Nakapamaywang. Nakurot ako sa singit at napalo ang mga paa kong mahilig gumala.

Masakit ang palo pero tanggap ko kasi alam kong may kasalanan ako at mas gugustuhin ko pang mapalo ni Nanay kaysa makakita ng mga ganun. Mula noon di na ako lumalabas ng bahay sa gabi na walang kasama. Nakakatakot talaga sa hometown namin. Marami ang mga nagpaparamdam kasi nung panahon daw ng kastila ay doon nalang ibinaon ang mga patay. Sama-sama sa hukay.

Kinabukasan nalaman namin kay Jerome na bukas pala ang third eye nya.

Lesson: Huwag masyadong magpagabi sa daan kasi nag-aalala ang ating mga magulang lalo na yung mga babae.

Hangang sa muli.

Faith♥️
Pampanga

Scary Stories 5Where stories live. Discover now