1994

161 5 0
                                    


Ang kuwento kong ito ay hindi tungkol sa aswang, engkanto, o multo, kundi sa mga panaginip kong parang totoo. Parati kasi akong nananaginip ng isang babae, isang high school student na may lumang uniporme, kulay putik.

Noong una akala ko'y natural lang na managinip tayo ng mga kakaiba, mga hindi maipaliwanag, mga paulit-ulit na panaginip. Kako pagod lang, baka dahil hindi ako lumaking buo ang kasiyahan bilang bata tulad ng iba.

Pero mas lumala ang mga panaginip ko nung tumungtong ako ng dise-otso. At ito ang pinakamalala sa lahat dahil napakalinaw, napakadetelyado. Taong 2013 iyon, ang panaginip na iyon ang bumago sa pananaw ko sa mga panaginip ko.

Gumising ako sa panaginip ko sa isang hindi ko kilalang lugar. Nasa harapan ako ng isang lumang tindahan ng bigas na may limang mga lalaking nakasuot ng lumang polo at pantalon. Hindi ko alam kung tindero o customer, pero hindi maganda ang kutob ko sa kanila.

Gawa sa kahoy ang tindahan, mayroon itong itaas na marahil ay tahanan ng may-ari. Malaki kung tutuusin ang bahay, katamtaman lang ang tindahan. Sa labas maraming kahoy, umuusok pa nga't halatang may nagsisiga.

Nagtaka pa nga ako non, paano at nag-uusap at nagtatawanan kasi ang mga lalaki pero wala naman akong naririnig, mistula akong bingi. Masakit tuloy sa tainga ang katahimikan.

Nakapagtataka ring napakalinaw ng panaginip ko, para akong wala sa panaginip. Para akong nag-teleport dito dahil ang lahat animo'y totoong-totoo. Unang beses ko pa lang naranasan sa panaginip ito.

Hanggang sa mapansin kong tumingin pala ang mga lalaki sa kinatatayuan ko, lumuko rin ang ngiti. Nung una'y akala ko ako ang nginitian nila pero mali ako. Nang biglang dumaan ang isang babae sa gilid ko.

Sa pagdaan niya'y binigyan ako nito ng malamig na pakiramdam. Hindi na ako nangilala pa dahil nakilala ko kaagad siya sa awrang pinaramdam niya. Siya na naman pala kasi, ang babae sa bawat panaginip ko.

Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa bumili ito. Ngunit napakunot naman ako ng noo nang makita kong tila inaasar siya ng mga lalaki. Nais ko mang marinig ang kanilang usapan pero wala talaga akong marinig maski kaunti.

Hindi sila pinatulan ng babae at umalis na lamang itong nakayuko. Dala na rin nito ang binili niyang hindi ko nalaman kung ano, sinilid kasi kaagad iyon sa supot habang nakatuon ang atensyon ko sa mga lalaki.

Tumungo ang babae sa pilahan nang trisikel habang nakayuko pa rin. Tinulak naman ako ng mga paa kong sundan siya matapos kong iwanan ng masamang tingin ang mga lalaki, nakakainis lang kasi ang ginawa nila.

Napadaan ako sa nakaparadang puting sasakyan pero anong pagtataka kong makabasa ng mga pangalan sa maalikabok nitong bintana. Halatang kakasulat lang, malinis na malinis kasi ang bahagi ng sinulatan. Daliri ng babae ang sumulat dahil medyo pino ang bawat letra.

Dahil sa nabasa ko'y nawala saglit sa isip ko ang babae. Mabuti na lang nung maalala ko na siya'y kakasakay palang sa trisikel at hindi ako naiwan. Dali-dali rin tuloy akong sumunod at sumakay din. Ewan ko ba, bawat panaginip awtomatikong susunod talaga ako sa kaniya.

Sumakay nga kami nang trisikel, magkatabi pa nga kami. Pero tulad ng bawat panaginip, wala na naman siyang imik. Umandar ang trisikel na minamaneho ng isang lalaking matangkad at malaki ang katawan.

Nagsimula nga kaming bumiyahe, dumaan sa mga lumang bahay na gawa sa kahoy, mga posteng gawa pa sa kahoy, at banderitas na dilaw at pula na sinasabit lang sa probinsya. Pero tumatak talaga sa akin ang address ng lugar na nakasulat sa ibabaw ng isang kawayan na poste.

Umaga pa nang umalis kami, alam ko iyon dahil may araw pa. Pero laking gulat ko ng segundo lang ang dumaan, dumilim na ang lahat at napalitan ng talahiban ang mabahay na daan. Para pa nga akong nabulag sa biglang pagdilim.

Scary Stories 5Where stories live. Discover now