Entry #122

67 4 6
                                    

Bagong Simula

by LROA_26

Sa laban na walang kasiguraduhan, susuko ka ba, o pipilitin mong lumaban?

"Ipinapaubaya ko na siya sa 'yo. Mahalin mo sana ang anak ko." Napakurap-kurap ako habang nakatingin sa sanggol na hawak ko. Ngumiti ang babae pero kapansin-pansin ang maputla niyang mukha.

"P-Pero..."

"Ingatan mo s-siya..." bulong niya hanggang sa tuluyan nang pumikit ang mga mata niya. Kapayapaan ang tanging nakikita ko habang nakatitig sa walang buhay niyang mukha.

Isang gabi habang naglilinis ako sa simbahan ay isang babae ang pumasok. Buntis siya, at manganganak na. Sa pagkataranta ko ay ako ang nagpa-anak sa kaniya. Akala ko ay magiging okay na ang lahat pagkatapos niyang ilabas ang bata pero nagkamali ako.

Hindi ko alam kung ano ang plano ng tadhana, pero ipinapaubaya ko na rito ang lahat.

"Sister Clarita!" Napatalon ako sa kinatatayuan ko dahil sa sigaw na 'yon. Matalim na agad ang tingin ko habang nililingon ang taong tumawag sa akin, pero lahat ng pagpapanggap ko ay naglaho nang makita ang batang tumatakbo papunta sa akin.

"Dahan-dahan, Jem..." marahan kong paalala. Bumungisngis siya, at nagpatuloy sa pagtakbo papalapit sa 'kin.

"Magandang umaga, Sister Clarita! Ang halik ko po?" Nang tuluyan nang makalapit ay tumingkayad ang bata. Natatawa ko namang hinagkan ang pisngi niya.

Tila isang bola ng araw ang sanggol na pinaubaya sa akin noon. Sa nagdaang taon ay siya ang naging sandigan ko. Minsan ay natatakot ako, at napapagod kakaharap sa buhay, pero kapag naaalala ko ang sanggol at ang munti kong pangako sa ina nito ay nabubuhayan ulit ako.

Sa harap ng altar, sa mga mata ng Diyos ay ipinangako ko ang kaligtasan at kasiyahan ng sanggol. At kahit ano man ang mangyari ay tutuparin ko iyon.

"Panay ka na naman takbo. Kapag nakita ka ni Sister Ana ay papagalitan ka no'n." Mas lalo siyang napahagikhik doon, at pinanggigilan ko naman ang mataba niyang pisngi.

Lahat ng bagay ay may rason at naniniwala ako na kasiyahan at disiplina ang dulot ng mga rason na iyon. Si Jem ang mananatili kong antipara sa magulong buhay na 'to. Hindi ko man matanggap noon kung bakit ako pa ang mag-aalaga sa sanggol ay naiintindihan ko na 'yon ngayon.

"Sister, kinakabahan ako..." Mahigpit itong napakapit sa kamay ko, at hinaplos ko naman iyon. Ningitian ko ang bata na namumutla na.

"Sasabihin mo lang naman ang pangalan mo tapos ay magpasikat ka sakanila. Tignan mo rin kung mabait sila para makampante ako na mapupunta ka sa mabait na mag-asawa," malambing kong sabi. Hinagkan ko ang ibabaw ng ulo niya.

Tumatanda na ako at kahit anong hiling ko ay hindi ko mapigilan ang oras na tumigil. Gusto kong hayaan muna nila ako sa tabi ng batang ito. Gusto kong ako muna ang makasama niya. Ayaw ko siyang iwanan, at mas lalong ayaw ko siyang ibigay sa iba, pero hindi puwede. Kahit kailan man ay hindi ko mahahawakan, o madidiktahan ang oras. Ang tangi kong magagawa ay ipaubaya rito ang lahat, at ang umasa na sana ang kahahantungan ng lahat ay magdudulot ng mabuti.

"Hindi ba puwedeng ikaw na lang ang mag-alaga sa akin, sister?" Sa munti at inosente niyang tanong ay nanggilid ang luha sa mga mata ko.

"Kung puwede lang ay gagawin ko. Pero matanda na ako, Jem. Hindi pang-habang buhay na nandirito ako. Sa ayaw ko man o sa gusto ay kailangan kitang ipaubaya sa ibang tao."

Masakit, oo. Pero kailangan nating tandaan na hindi palaging sumisikat ang araw. Minsan ay dinadaanan pa nga tayo ng bagyo, at kung ano-ano pang delubyo. Pero hindi ibig-sabihin no'n na iyon na ang mangyayari palagi. Hindi dapat tayo mawalan ng pag-asa, dahil tulad ng papalubog na araw ay may bago pa rin tayong simula para iakyat ito.

TNP's 1st One-Shot Story Writing Contest Pt. 2Where stories live. Discover now