Entry #145

95 8 3
                                    

Ang Aking Unang Pag-Ibig

by Kulin

"Gilbert!"

Lumingon sa akin ang lalaking nakatayo sa ilalim ng punong mangga, nakasandal ito roon habang nakapamulsa. Pagkakita sa akin ay agad na umaliwalas ang kanyang mukha at mababakas roon ang labis na kaligayahan. Para bang lalong gumanda ang kulay kahel na araw, na ngayon ay papalubog na, dahil sa kanyang ngiti. Nakangiti akong dali-daling naglakad palapit sa kanya at agad niya akong sinalubong ng mahigpit na yakap.

"Namiss kita, Maria," aniya habang yakap pa rin ako ng mahigpit.

"Namiss rin kita, mahal ko."

Nanatili kaming magkayakap ng ilang minuto. Pagkatapos no'n ay nagkamustahan kami sa mga nangyari sa amin sa nagdaang isang linggo.

Si Gilbert ay kasintahan ko sa loob ng dalawang taon. Bente singko anyos na siya at matanda ng anim na taon sa akin. Nagtatrabaho siya sa bayan bilang taga-benta ng mga lupain ng kanyang amo na si Renato. Nagkataong may lupain rin si Renato dito sa aming lugar kaya naman minsan niyang isinama si Gilbert nang magpunta siya rito.

Amo ng aking ama si Renato. Isa magandang lalaki na nasa trenta na ang edad. Pero masasabi kong mas magandang lalaki si Gilbert, hindi dahil kasintahan ko ito pero dahil iyon ang totoo, at maraming makakapagpatunay niyon dito sa aming baryo. Kayumanggi ang kulay ng balat ni Renato pero mababakas na may ibang lahi siya bukod sa pagiging Pilipino, samantalang kayumanggi naman ang kulay ng balat ni Gilbert at pinoy na pinoy ang kabuuan ng kanyang itsura.

"Bakit pala narito kayo? Miyerkules lamang ngayon," tanong ko kay Gilbert.

Nakaupo na kami ngayon sa sa isang malaking bato na narito sa may ilog. Nagtatampisaw ako ng aking mga paa at nasa tabi ko naman siya na kanina pa pinagmamasdan ang aking kabuuan.

"May kailangan raw asikasuhin si Renato dito. Naisipan kong sumama dahil miss na miss na kita."

Napangiti ako at inabot ang kanyang pisngi, hinaplos ko iyon habang puno ng pagmamahal na nakatitig sa kanya. Naramdaman ko ang paghawak niya sa laylayan ng suot kong saya para hindi iyon mabasa.

"Namiss rin kita, Gilbert. Kung pwede lang na sumama na ako sa'yo-" natigilan ako sa pagsasalita ng makita ko siyang nakangiting umiling.

"Makakapaghintay pa ako, Maria. Nag-aaral ka pa at kailangan mong makatapos. Para sa'yo iyon," malumanay na aniya.

"Pero paano kapag ginawa rin sa akin ni Ama ang ginawa niya kay ate Melody?"

"Ayaw ng mag-aral ng Ate mo hindi ba, kaya ipinakasal siya ng iyong Ama?" maingat na tanong niya at sinagot ko iyon ng tango. Napangiti siya dahil doon. "Kaya nga kailangan mong makatapos ng pag-aaral, para hindi niya gawin sa'yo ang ginawa niya sa ate Melody mo."

"Oo. Magtatapos ako ng pag-aaral," mahinang sagot ko.

Naiintindihan ko naman ang nais iparating ni Gilbert. Miski ako ay gusto ko ring makatapos ng pag-aaral. Pero minsan ay hindi ko maiwasang kabahan at isiping sumama na lamang kay Gilbert, dahil iyon sa minsan na akong sinabihan ni ama na may napupusuan na siyang lalaki na nais niya ipakasal sa akin. Hindi ko maintindihan kung bakit ginagawa iyon ni ama. Oo nga't sa probinsiya kami nakatira, pero ang alam ko ay hindi na uso ngayon ang pagkakasundo ng kasal.

Hindi ko sinabi kay Gilbert ang tungkol sa sinabing iyon ni ama. Inilihim ko iyon dahil baka tama siya, na hindi gagawin iyon ni ama dahil nag-aaral naman ako.

Ngunit hindi ko inaasahang ng araw ding iyon ay magsisisi ako kung bakit hindi ko iyon sinabi kay Gilbert.

Pagkatapos naming mag-usap at magkamustahan ni Gilbert ay inihatid niya ako malapit sa aming bahay ngunit hindi siya tumuloy. Maghihintay na lamang daw siya sa sasakyan ni Renato. Nadatnan kong nagtatawanan sa sala ng aming bahay sila ama, ina, ang aking ate at ang asawa nito. Kasama ng mga ito si Renato na bihis na bihis na akala mo'y aakyat ng ligaw. Sabay-sabay silang napalingon sa akin ng pumasok ako sa aming bahay.

TNP's 1st One-Shot Story Writing Contest Pt. 2Where stories live. Discover now