Entry #134

80 4 3
                                    

"Byahe sa Jeepney"

by thechaptertwelve

Siguro naman, karamihan sa atin ay nakapasok na sa isang jeepney? Iyon bang usong pampublikong sasakyan sa ating bansa? Kapag sinabi nating jeepney, ano ba'ng maiisip natin? Masikip, mainit, nakakasulasok na usok, maingay, at may putok! Oo, 'yung katabi mo, may putok. Maaga magpa-fireworks kahit wala pa namang new year. Minsan may libre pang pa-mukbang ng buhok, feel na feel mag-emote sa hangin. Kulang na lang ay maglagay ka ng camera sa harap mo, para mapagkakitaan mo naman ang free-taste ng shampoo ni ate.

Iba't ibang mukha ang makikita mo sa jeep, na may dalang iba't ibang kwento sa buhay. Naisip mo na ba na marami ka nang natuklasan at nakilalang iba't ibang personalidad at katangian sa unang kita mo pa lang sa kanila? O baka nga 'yung iba ay nakita at nakasabay mo nang ilang beses sa jeepney, hindi mo lang maalala. S'yempre, baka nga iyong maaalala mo lang ay 'yung naging crush mo na hindi mo na nakita ulit. Pagkatapos ng araw, naisasakay ng isang jeepney ang napakaraming tao na may iba't ibang mukha ng tagumpay, pagkatalo, problema, hinaing at kasiyahan sa buhay.

Pero ako? Naniniwala ako na hindi dadaan ang isang araw na hindi ka magpapaubaya ng kahit na isang bagay, kahit gaano man 'yan kaliit o kalaki, may higit sa isa tayong bagay na ipinapaubaya. S'yempre, hindi na natin napapansin iyong iba dahil may mas maraming makabuluhang bagay tayong dapat na iniisip. Ultimong iyong barya na ibinabayad mo sa jeepney tuwing sasakay ka ay ipinapaubaya mo! Hindi ba? Naging sa'yo iyon, pero kapag binayad mo na, dadaan iyon sa napakaraming kamay hanggang sa maipaubaya mo na ang bagay na iyon sa driver ng jeepney, kasi kailangan niya iyon para sa buhay niya at pinaghirapan niya itong makuha. At ikaw? Tapos na ang responsibilidad mo sa bagay na iyon. Tadhana na lang siguro kung babalik sa'yo ang parehas na barya.

O! E iyang katabi mo sa jeep? Si Abigail 'yan, kaka-graduate lang n'yan, at kanina lang ay nag-apply siya sa isang kumpanyang pangarap niya simula pa lamang noong nag-aaral siya. E summa cum laude kaya iyan! Kaso ay hindi natanggap, may nauna na daw kasi silang tinanggap. Pinaubaya na lang niya, kasi nahuli siya ng dating. Baka kapag mas maaga siya, baka nakuha siya sa posisyon na gusto niya para sa kumpanyang iyon. "Sayang, gustong-gusto ko ang makapasok sa kumpanyang iyon. Matagal ko nang pangarap, hindi naman ako tinanggap. Hays." nanghihinayang na sabi niya.

Iyan namang kaharap mo? Aba, si Irish 'yan! Bata pa, high school student kasi. Kanina, dapat partner sila ng bestfriend niyang si Diana sa school project. Kaso pinaubaya na niya sa pinakamatalino sa klase nila. Iyon kasi ang tiningnan ng bestfriend niya nung sinabing by-partner. Hindi naman siya tiningnan pabalik kaya wala siyang magawa. "Akala ko ba bestfriends? Bakit nung by-partner na, naging bestfriend mo bigla 'yung pinakamatalino? Nasaan hustisya?" tanong ni Irish sa sarili.

Iyong lalaki sa tabi ng driver, oo 'yung gwapo. Crush mo na naman? Si Tristan iyan. Uuwing may sama ng loob at bigat sa katawan. Paano'y pinagpalit ng girlfriend niya sa mismong araw ng anniversary nila sa isang mayamang lalaking spoiled brat, pa-cool at may braces. Hindi na siya umangal, kasi ipinaubaya na lang niya ang babae sa lalaking iyon. Doon raw masaya ang babae, iyon ang katwiran niya. "Talo ako e. Siya, bata pa lang nakukuha na lahat ng gusto sa buhay. E, ako? Ni pangkain ay tinitipid ko mabilhan lang siya ng regalo sa anniversary namin." mabigat ang kalooban at may panghihinayang na aniya.

Iyong batang umiiyak na karga ng nanay niya sa bandang dulo na bahagi ng jeepney, umiiyak 'yan kasi naubusan ng paborito niyang laruan. Ang huling kukuha na kasi ay iyong batang ngayon lang magkakalaruan. Nagwala ang bata at hanggang ngayon ay masama ang kalooban niya sa laruang ipinaubaya niya. "Ako dapat ang kukuha no'n, ako na lang dapat ang may-ari no'n. Hindi naman ako mahal ni nanay, binigay niya 'yung paborito ko sa bata." masama ang loob na bulong niya sa sarili.

TNP's 1st One-Shot Story Writing Contest Pt. 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon