Entry #201

56 1 1
                                    

Suicide Letter

by Jherven Idan Mandreza


MAY NARARAMDAMAN s'yang mali. Sa tuwing ngumingiti s'ya kapag kausap si Bryan, napapakunot ang noo ng babaeng barista sa napuntahan nilang coffee shop.

'Di n'ya alam kung ano'ng problema ng barista, pero kanina n'ya pa napapansing pasimpleng sinusulyapan s'ya nito. Hindi s'ya natatakot kasi mukha naman itong mabait. Ang 'di n'ya lang maintindihan, bakit nakakunot ang noo nito sa tuwing dumadako ang tingin sa kaniya?

"May problema ba, Selene?" tanong sa kan'ya ni Bryan, boyfriend n'ya. Pansin siguro nito ang hindi niya pagiging kumportable.

Nakangiting umiling na lamang s'ya. "Medyo nahihilo lang ako, epekto siguro ng mga gamot."

"Sure ka?"

Tumango s'ya bilang sagot.

Ilang linggo na ang nakalipas nang magising si Selene mula sa pagkaka-comatose. Nagkaroon s'ya ng head injury dulot ng car accident. Ang sabi ng doktor, mataas ang pag-asang magising nang maaga si Selene kaya tatlong buwan lang ang nakalipas, nagising na kaagad s'ya. Noong mga araw na nagising siya, mistulang isa s'yang blangkong papel—wala s'yang maalala. Hindi niya alam kung ano'ng pangalan niya, kung nasaan s'ya, kung anong nangyari sa kaniya, kahit na isang detalye sa pagkatao n'ya, hindi niya maalala. Amnesia—'yon ang tawag ng mga doktor sa kondisyon n'ya. Wala siyang ideya kung kalian babalik ang mga alaala niya. Kaya ngayon, nandito sila ng boyfriend niya sa isang coffee shop para maalala niya—kung posible—ang ilang alaala niya.

Kahit ano'ng isipin n'ya, wala talagang pumapasok sa isip niya. Noong bagong gising pa lamang si Selene mula sa pagkaka-coma, si Bryan ang una niyang nakausap. Si Bryan ang nagpakalma sa kaniya. "Kumalma ka muna, Selene. 'Wag kang mataranta. I'm here. I'll help you. Everything will be okay." 'Yon ang mga eksaktong unang salitang narinig niya mula kay Bryan. Kahit wala siyang maalala, naniwala siya rito. Kinalma niya ang kaniyang sarili at nakipag-usap kay Bryan sa kung ano'ng mga nangyari. Kinuwento sa kaniya ni Bryan ang lahat. Kung paano sila nagkakilala noong nasa kolehiyo pa lamang sila, kung paano siya niligawan ni Bryan, at kung paanong naging sila.

Ang sunod na kaniyang nakausap ay ang pamilya niya. Halata sa kanilang mukha ang pag-aalala. Halatang matagal na nilang hinihintay na magising si Selene. Nagkuwento rin ng mga bagay-bagay ang kaniyang pamilya mula sa kaniyang pagkabata. Magaan ang kaniyang pakiramdam sa mga taong nakapaligid sa kaniya. Nararamdaman niyang mahal siya ng mga taong nasa loob ng kuwartong iyon.

Sa loob ng tatlong linggong pagsusubok nilang maibalik ang alaala niya, wala pang nagtatagumpay. Wala pa ni katiting na alaalang bumabalik sa kaniya. Para kay Selene, hindi na gano'n kaimportante kung maibabalik pa ba ng alaala niya. Kontento na siya. Nakikita niyang mahal siya ng boyfriend at pamilya niya, masaya na siya ro'n.

"Selene, can you excuse me for a minute? CR lang ako," pagpapaalam ni Bryan sa kaniya.

"Sure, go ahead," nakangiting sabi niya.

Tumayo si Bryan at naglakad sa direksyon ng CR.

Habang hinihintay niyang bumalik si Bryan sa upuan nila, may isang babaeng kaedad niya na pumasok sa loob ng coffee shop. Mabilis ang lakad nito at halatang nagmamadali. May bitbit itong isang sling bag at pawis na pawis. Mabilis na naglakad ang babae papunta sa counter, kinausap nito ang babaeng barista na kanina pa siya tinitingnan, at pareho silang napatingin sa kaniya.

Nabigla na lamang siya nang mahagip ng kaniyang paningin na papalapit sa kaniya ang babaeng kapapasok lamang sa coffee shop. Garapal nitong hinila ang upuang inuupuan kanina ni Bryan. Mukhang galit ang babae, na malungkot.

TNP's 1st One-Shot Story Writing Contest Pt. 2Where stories live. Discover now