Entry #154

56 3 4
                                    

Last Supper

by LA Bagarinao

Dati, naniniwala ako na para tayong tula, na kahit anong pait ng salita ay may tutugma. Akala ko totoo ang paghiling sa mga tala, na ikaw at ako ay itinadhana. Pero baliw ang tadhana, baliw si Bathala, mali ang mga tala, at mali ang maniwala.

Limang taon, oo, limang taon bago mo naisip na hindi mo na pala ako mahal. Makalipas pa ang limang taon bago mo naalala na "Ay, hindi ko pa pala talaga kaya", na kailangan mo ng oras mapag-isa, bakit pinatagal mo pa? Totoo, natuto ako sa'yo, ikaw ang naging dahilan ng mga saya ko, ang naging dahilan para maniwala ako sa pag-ibig, ang maniwalang muli sa kilig. Totoong ikaw ang dahilan kung bakit ako nagbago, kung paanong pinili kong maniwala sa binuo nating mundo, sa bagong ako, sa ikaw na minahal ko. Pero hindi ko akalain na matututo kang lumipad mag-isa. Hindi ko akalain na lalakbayin mo ang mundo sa sarili mong mga paa , na wala ako, na walang tayo, pero bakit nga ba ang hirap nang sambitin ng salitang tayo? Ang meron na lang ay ikaw at ako.

Ako si George Fruelda, 26 years old, hindi naman tatanga-tanga pero iniwan, status? Single , magulo, umaasa. P'wede bang pending ang ilagay dito? Baka kasi mamaya bumalik pa.

"Malapit na ako George, 10 minutes na lang. Medyo traffic lang dito sa may mall," text message mula kay Franz.

Naaalala ko pa noon kung paanong isinumpa natin sa panahon na mamahalin ang isa't-isa. Kung paanong gigising sa umaga na ikaw ang kasama, ikaw ang katabi. Naalala ko pa kung paanong isinayaw mo ako sa ilalim ng buwan, kung paanong ang mga problema ay tila ba pinapawi ng 'yong pagyakap. Ngunit isang araw nagising na lang akong wala ka na. Nagising na tila ba lahat ay isa nalang alaala, parte ng nakaraan na hindi na muling magiging mahalaga.

Matapos makatanggap ng mensahe mula kay Franz ay nagmadali akong nag-ayos ng sarili at naghanda ng pagkain sa mesa para sa muli naming pagkikita. Ilang buwan na nga ba mula ng huli tayong makapag-usap? Hindi ko na rin matandaan, eight? Seven? Nine months? Hindi ko itatanggi na halos lamunin na ako ng kaba sa mga oras na'to, nanghihina ako at hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala na sa wakas ay makikita na kita.Malakas ang pagbuhos ng ulan, hindi ko mawari kung tutol ba ang langit sa muli naming pagtatagpo.

Ilang minuto pa ay narinig ko ang malakas na pagkatok, huminga ako ng malalim at uminom ng tubig bago tuluyang binuksan ang pinto. Bumungad ang mukha ni Franz, ngumiti siya sa akin.

"T-tuloy ka. Hindi ko akalain na pupunta ka talaga, gabi na kasi tapos malakas pa ang ulan." Nauutal kong bati sa kanya.

"Inabot na nga ako ng ulan sa daan, pero ayos lang. Kumusta?" tanong niya.

"Ayos lang, maupo ka muna. Naghanda na ako ng dinner."

Naupo kami sa may kusina, magkatapat, tahimik at tanging pagtibok lang ng puso ang naririnig. Para akong nilalamon ng kaba, ng sakit, ng takot. Nararamdaman ko ba ito dahil mahal pa kita? O dahil may galit pa rin ako mula sa pag-iwan mo sa akin noon?

"Kumain na tayo? Paborito mo." Iniabot ko sa kanya ang plato ng paborito niyang ulam.

"Salamat"

"Ano bang nangyari sa'tin? May mali ba akong na gawa? Bakit? Anong dahilan?" hindi ko na mapigilan ang sarili kong maging emosyonal at itanong sa kaniya ang matagal ko ng gustong mabigyan ng kasagutan.

"I already explained it to you before, 'di ba? George, hindi ka pa ba napapagod? Kasi, naaawa na ako sa'yo."

"Napapagod, pagod na pagod na. Kaya nga gusto kitang makausap muli, para kahit sa huling pagkakataon, sa huling pahina ng ating kwento, o bago ko wakasan ang kung anong meron tayo, gusto ko lang makasiguardo na wala na. Dahil natatakot ako na sa oras na malaya na ako, masaya na ako, at kaya ko na ay bigla kang babalik. Dahil alam kong tanga ako at tatanggapin kitang muli," I answered.

TNP's 1st One-Shot Story Writing Contest Pt. 2Where stories live. Discover now