Entry #132

74 2 2
                                    

Trusting the Process

by cassiephea

Alas dies y media na ng gabi pero heto ako, gising, at hindi pa dinadalaw ng antok. Rinig na rinig ko ang mga hilik ng aking ina na siyang pagod sa lahat ng nangyari ngayong araw—pagod sa buhay na mayroon kami.

B-bakit ba kasi...sa akin pa ibinigay ang hindi t-tukoy na sakit na ito?

"Castro."

Kaagad kong pinatay ang aking cellphone nang tawagin ng Clinic Assistant ang aking apilyedo. Ikinaway niya ang kamay na nababalutan ng gloves, pinasusunod kami sa kan'ya. Napatingin naman kami sa isa't isa ng aking ina at doon at nakita ko ang bahid ng takot pero may halong pag-asa sa loob ng mga mata nito.

Ito na ang araw ng katotohanan. Katotohanan sa likod ng maya't mayang pagtunog ng tuhod ko.

Tumayo kami ng aking ina at puno ng positibong pananaw na sumunod sa Assistant ng Doktor. Inayos ko ang pagkakasuot ng surgical mask ko nang muntikan nang bumaba 'yon.

Nang tuluyan kaming makapasok sa loob ng 'di gaanong malaki at maaaliwalas na silid ay sumalubong sa 'min ang nakapanginginig na lamig na nagmumula sa malaking aircon dito sa loob. Umalis na ang naghatid sa amin habang ako naman ay umupo sa harap ng mesa ni Doc. at malapit naman sa pinto ang aking ina.

Ang postura at paraan ng pagpatong ng kamay ni Doktora sa mesa ay sumisigaw na isa siyang may propesyon, may pinag-aralan, at kagalang-galang na tao. Nababalutan din ng kulay dilaw na PPE ang payat niyang katawan. May face mask, face shield, pati na rin disposable hair net sa ulo niya, patunay na nag-iingat siya sa lumalaganap na virus sa panahon ngayon.

Nilamon ng nakabibinging katahimikan ang kabuuan ng silid nang i-abot ng nanay ko ang malaking brown envelop kay Doktora Vasquez. Nang tingnan niya ang mga laboratory results ay biglang naningkit ang mga mata niya na nakapagpakunot naman sa noo ko.

What was that?

"Normal naman lahat sa dugo mo. 'Yong calcium, blood uric acid, as well as the potassium ay okay naman..."

Naramdaman ko ang pagkabuhay ng aking loob matapos ng mga sinabi niya. Naaninagan ko rin ang pagpihit ng ulo sa akin ng aking ina, para bang natuwa rin sa narinig mula sa kaharap ko. Nagpatuloy si Doktora sa pagsuri ng mga dokumento.

Sunod niyang kinuha ang x-tray at itinapat 'yon sa ilaw na narito sa loob ng kwarto. Tahimik naman akong pinagmasdan ang ginagawa niya.

"But sa x-tray...nakalagay rito na may inflammation o pamamagang nakita sa tuhod mo. Walang problema sa buto, pero sa laman ay mayroon. Probably, 'yon din ang dahilan ng pagbigat na pakiramdam sa tuhod mo katulad ng sinabi mo last time."

Tumama sa akin ang singkit na mga mata ni Doktora. Hindi naman ako naka-imik at napatulala sa narinig.

M-may namamaga sa tuhod k-ko?

"D-Doc, ano pong dapat naming gawin? Ano p-pong sakit ng a-anak ko?" I can sense the foreboding in my mother's voice.

"For now...hindi pa natin masasabi ang sakit niya. But kung sa suspect disease, maaaring synovitis ang sakit ng anak mo."

"Synovitis is the medical term for the inflammation of the synovial membrane. Usually itong nangyayari sa mga athletes katulad ng player sa running, or track and field. Pwede rin sa lakad nang lakad kaya na-trigger na mamaga ang tuhod niya."

TNP's 1st One-Shot Story Writing Contest Pt. 2Hikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin