Entry #152

91 6 6
                                    

Kung Saan Liligaya

by Mai Tsuki

OFW ako sa Dubai, nabigyan ako ng dalawang buwang bakasyon sa Pilipinas. Sakto Pebrero, buwan ng mga puso balak kong surpresahin ang mahal ko. Na-miss ko na ang girlfriend kong si Andrea. Isa siya sa dahilan kung bakit ako nagsusumikap. Si Andrea, siya ang babaeng nais kong makasama habang buhay. Bumili ako ng engagement ring sa Dubai, sana magustuhan niya itong emerald ring na binili ko.

Ano kayang magiging reaksyon ni Andrea? Excited na akong makita siya. Limang taon na kaming magkasintahan, long distance relationship nga lang. Nagsimula akong manligaw sa kanya noong magkakilala kami sa dati naming pinapasukang trabaho sa isang electronics company.

Si Andrea, 5'6 ang height, maputi, tisay dahil sa ama niyang Australian. Malungkot ang naging kabataan niya dahil iniwan sila ng ama niya at nagkaroon ng panibagong asawa ang nanay niya. Lalo ko pa siyang minahal sa pagkakaroon niya ng matibay na loob harapin ang anumang pagsubok. Sa ilang buwang panililigaw ko sa kanya sinagot din niya ako heto nga't handa na akong pakasalan siya at magsimula ng panibagong buhay. Pero may ilang buwan nang wala kaming komunikasyon ni Andrea, kaya nga sabik na sabik na akong makita siyang muli.

Pagkauwi ko sa bahay namin kaagad akong sinalubong ng buong pamilya ko. Naghanda sila ng salu-salo para sa pagdating ko. Makalipas ang ilang oras ng kuwentuhan at pagbibigay ng pasalubong kaagad akong nagpaalam sa kanila para puntahan naman si Andrea. Ang weird lang ng dating nila nang marinig ang pangalan ng girlfriend ko. Hindi ko iyon pinansin at tuloy lang ako sa plano kong pagbisita sa bahay nila.

NAKABABA na ako ng jeep dito sa kanto ng subdivision lalakarin ko na lang hanggang sa bahay nila mula rito. Habang naglalakad ako napansin ko ang langit. Aba! Kanina lang ay maaliwalas ang panahon bakit biglang kumulimlim? Lalo tuloy dumagdag sa kaba ko ang biglang pag-iiba ng panahon. Hinampas ko ang dibdib ko para pampalakas loob. Heto na, handang-handa na ako't nakalatag na ang sasabihin ko sa kanya.

Napangiti ako habang iniisip na nakasuot si Andrea ng damit pangkasal at naglalakad patungo sa altar. Sa wakas nakarating ako sa tapat ng gate nila nang kabado at pinagpapawisan. Hindi ako mapakali, bahala na nga! May dala akong bungkos ng rosas na binili ko kanina bago sumakay ng jeep. Patuloy sa panginginig ang kamay ko't baka umurong ang bibig ko nito sa kaba. Huminga muna ako nang malalim bago nag-doorbell sa labas ng gate. Walang lumabas mula sa bahay. Inulit ko ang pag-doorbell pero wala pa rin. Nakaramdam ako nang inip mukhang walang tao. Sigurado naman akong dito siya nakatira, sumilip ako sa bintana baka natutulog lang ang tao sa loob.

"Marco?"

Nakarinig ako ng tinig mula sa likod. Pamilyar na tinig na kay tagal kong hinanap-hanap. Buong saya't pananabik ko siyang nilingon. Laking gulat ko nang makita ko ang kalagayan ni Andrea ngayon.

"A-Andrea?" taka ko habang nakatitig sa katawan niya. Natigilan ako't umurong ang dila natulala sa harapan ni Andrea. Nabitiwan ko ang dala kong bulaklak, napaatras ako't napakamot sa ulo.

"Marco, nakauwi ka na pala..." Nahihiya ang mga mata niya't hindi siya makatingin sa akin nang tuwid. Ako man ay hindi makapaniwala sa aking nasaksihan. Iniisip ko na lang na hindi ito tulad sa hinala ko.

"Ano'ng nangyari? Tunay ba 'yan? Bakit?" sunod-sunod na tanong kong hindi ko mabigkas nang maayos. Atras-abante ang lakad ko't ngayon ko lang napansin ang lalaking nasa likod niya. Gusto kong sumigaw, gusto kong magwala, gusto kong—gusto kong suntukin sa mukha ang lalaking kasama niya!

"Ikaw? Ikaw pa talaga!" bulalas kong sigaw sabay duro sa lalaking kasama ni Andrea. Hindi ako makapaniwala! Sa lahat siya pa?

Tikom ang kamao ko, pinipigilan ang sariling makagawa ng hindi tama. Ayoko! Hindi ako ang klase ng lalaking basagulero. Huminga ako nang malalim, tumingala saglit sa langit saka muling hinarap si Andrea kasama si Ford. Siya ang tinuring kong best friend na kasama namin sa trabaho noon. Siya ang naging tulay naming dalawa ni Andrea. Kahit wala silang sabihin, ramdam kong sila na. May relasyon sila!

TNP's 1st One-Shot Story Writing Contest Pt. 2Where stories live. Discover now