Entry #159

45 2 1
                                    

SIMBAHAN

BY CESTINBEATY

Malakas at malamig ang simoy ng hangin na tumatama sa balat ni Mayumi habang nakaupo ito sa taburete ng parke, kung saan napaliligiran ng mga malalaki at matatas na kulay berdeng puno na humaharang sa sikat ng araw.

Malawak ang kurba ng labi ni Mayumi habang suot niya ang kaniyang saya na may blangkong kulay at may disenyong bulaklak, na siya mismo ang nagtahi. Habang nakasulyap siya sa mga kalesang dumaraan sa kaniyang harapan ay hindi niya maiwasang makaramdam ng pagkasabik na makitang muli ang kaniyang iniibig.

"Mayumi!" Napalingon siya sa isang tinig, 'di kalayuan sa kaniyang puwesto. At doon nakita ang isang ginoo na unti-unting lumalapit sa kaniyang harapan habang may malawak na kurba ng labi.

Kaagad napatayo si Mayumi nang nasa harapan na niya ang ginoo, "Paumanhin at ako'y ngayon lamang. Nais mo na ba makita ang simbahan?" tanong ng ginoo.

Tumango si Mayumi, "Nasasabik na ako, Simakwel."

Nilahad ni Simakwel ang kaniyang kamay sa dalaga, na kaagad namang tinugunan ni Mayumi. Magkasiklop ang kanilang kamay habang paspasang hinahakbang ang kanilang mga paa patungo sa simbahang sinasabi ni Simakwel. Alam nilang pinagtitinginan sila ng mga taong kanilang nakakasalamuha, ngunit hindi na nila inintindi iyon dahil sa kasabikan na masulyapan ang simbahan.

Nang makarating sila sa malaki at malawak na simbahan ay tila naghahabulan ang kanilang hininga habang ang kanilang mga noo ay may tumatagaktak na pawis na sanhi ng kanilang pagtakbo. Hindi nila maiwasang humalakhak dahil sa kanilang itsura ngayon, tila isang taong grasa na.

"Tara na sa loob? Habang wala pang misa, upang masuri natin ang kapaligiran," pagwika ni Simakwel. Tanging pagtango lamang ang naisagot ni Mayumi kaya parehas na nilang hinakbang ang kanilang mga paa papunta sa loob ng simbahan.

Nang makapasok ang dalawa ay lumuhod muna si Simakwel at Mayumi sa gitna ng pasilyo upang magbigay galang sa Diyos Ama. Pagkatapos ay tumahak sila sa isang mahaba at kulay kayumanggi na likmuan na gawa sa kahoy. Kaagad din naman silang lumuhod at pinatong ang kanilang tuhod sa kahoy na may malambot na sapin upang ang sino mang luluhod doon ay hindi masaktan.

"Magdasal na muna tayo," bulong ni Simakwel. Tumango si Mayumi at sabay nilang pinagsiklop ang kanilang palad at tinapat sa kanilang noo upang makausap nila ang maykapal.

Pagkatapos nilang magdasal ay nagtungo ang dalawa sa isang silid kung saan may mga nakatirik na kandila at kakaonti lamang ang mga tao. Habang nagtitirik ng kandila si Simakwel ay hindi maiwasan ng dalaga na sulyapan ang binata habang nagtitirik din siya ng kandila.

"Alam mo ba na ang simbahan na ito ay matagal nang naitayo noon pa man? Ito rin ang simbahan kung saan nag-isang dibdib ang mga pinuno natin. Kaya araw-araw ko itong dinadalaw, at bukod sa dahilan na iyon ay ito ang simbahang napili ko na pagdadalhan ko ng binibining aking papakasalan," pahayag ni Simakwel na nagpatigil kay Mayumi.

Unti-unting pumorma ng kurba ang labi ni Mayumi. Biglaan na lang s'yang nakaramdam ng kakaiba sa kaniyang dibdib, tila tumatambol ang kaniyang puso sa bilis ng tibok nito. Habang ang mga laman sa loob ng kaniyang tiyan ay tila gumagalaw. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman na iyon, gayong ang simbahan ng San Agustin na saksi sa kasaysayan ng Pilipinas naman ang kanilang pinag-uusapan.

"May napili ka na bang mamahalin?" Kaagad natakpan ni Mayumi ang bibig niya nang hindi niya napigilan ang tanong na iyon sa kaniyang bibig. Ngunit nang humalakhak si Simakwel nang saglit at matigil ay kumunot ang noo ni Mayumi sa kakaibang titig nito.

"Mayroon na, siya ang binibining laging pinaparamdam sa akin ang kaginhawaan, kasiyahan at ang pakiramdam na tila hindi matutumbasan ng kayamanan..." simula nito.

TNP's 1st One-Shot Story Writing Contest Pt. 2Where stories live. Discover now