Entry #126

126 9 4
                                    

Para Sa Kalayaan

by Notorious Wanderer

Tanging mga nakabibinging hiyawan at hagulgol ang maririnig sa bawat sulok ng karsel ng mga Español sa bawat Indio na lalabag sa kanilang mga nais. Hiyaw at hagulgol na dulot ng bawat paghampas ng latigo na nag-iiwan ng pasa at mga sugat sa kanilang balat. Madilim man ang buong paligid ay namumutawi pa rin ang mga pighati ng bawat Indio na nagdurusa sa kamay ng mga mapang-abusong Español.

Nang mga sandaling iyon, walang ibang nararamdaman si Clarita kung hindi takot at pangamba para sa kanyang sarili. Ngayon na ang araw na isasagawa ang hatol na ibinaba ng mga mahistrado at maging ng presidente ng Royal Audencia para sa kanya at iba pang katipunero na nahuli—kamatayan.

Siya ay tinuring ng Royal Audencia bilang isang erehe sapagkat tinutulungan niya ang mga katipunero sa pamamagitan ng panggagamot sa mga ito tuwing may sagupaan ang hukbo ng mga Español at mga Indio.

Habang nakayapos sa sariling binti at tila nilalamig sa madilim na sulok ng kaniyang selda, hindi niya maiwasang gunitain sa kanyang isip ang mga masasayang ala-ala kasama ang buong pamilya—putok man ang kaniyang labi ay hindi pa rin niya maikubli ang ngiti habang binabalik-tanaw ang mga gintong larawan ng kanilang payak ngunit masayang pamilya sa kaniyang isipan.

Ngunit sa kabila ng kaniyang ngiti ay kusang pumatak ang mga luhang hindi niya mapigil. Kaagad sumagi kay Clarita na hanggang paggugunita na lamang siya. Napatay na ng mga Español ang kaniyang mga kapatid at maging ang pinakamamahal niyang ina. Magpahanggang ngayon naman ay tinutugis pa rin ang kaniyang ama na isip niya marahil ay napaslang na rin.

Sa kalagitnaan ng paglilining ni Clarita ay narinig niya ang mga yapak na papalapit sa kaniya. Pilit niyang ibinuka ang namamaga ng mga mata at sinulyapan ang pasilyo ng kulungan. Mula sa kinauupuan ay naaninag niya ang isang anino na dala ng ilaw ng kingke.

"Indio, tumayo ka na riyan!" sigaw ng guwardiya sibil habang hinahampas ng baston ang rehas. Sinusian nito ang trangka at iwinasiwas ang hawak nitong kingke sa buong sulok. "Mga walang silbing Indio!" Lumapit at sinipa nito ang nananahimik na si Clarita.

"H-Huwag po! H-Hindi po ako l-lalaban. Parang awa niyo na," pilit niyang pagmamakaawa habang iniinda ang sakit sa katawan ngunit hindi pa rin tumitigil sa pagtadyak ang guwardiya sibil.

"Mapang-abuso kayong mga Indio! Kayo na nga ang tinutulungan, kayo pa ang sumasalungat sa amin!" Nagpatuloy lamang ito sa pagtadyak kay Clarita hanggang sa mapansin nitong wala ng lakas ang dalagita.

"Tumayo ka riyan at oras na para harapin mo ang iyong kamatayan." Dinuraan nito ang dalagita. Walang buhay na tumayo si Clarita at kaagad naman itong pinusasan ng guwardiya sibil.

Nag iika-ikang lumabas si Clarita ng selda, bitbit ang bigat ng pighati. Alam niyang sa oras na makarating sila sa labas ay ito na rin ang huling beses na matatanglawan niya ang liwayway ng araw.

Bawat hakbang ng dalagita ay tila apoy na unti-unting umuubos sa mitsa ng kaniyang buhay. Kahit na alam niya ito ay wala siyang ibang nagawa kung hindi ang magpatuloy sa paglalakad papunta sa kaniyang huling hantungan.

Isang putok ng baril ang umalingawngaw sa buong paligid na nagdulot ng kaba kay Clarita kaya dali-dali itong yumuko habang ang dalawang kamay ay nakatakip sa kaniyang mga tainga at nagsisisigaw.

"Huwag po! Nagmamakaawa ako sa inyo!" hagulgol ng dalagita habang nanginginig sa labis na takot.

Isang kamay ang tumapik sa kaniyang likuran kaya napatalon siya sa pagkasindak dahilan para ikatumba niya.

TNP's 1st One-Shot Story Writing Contest Pt. 2Where stories live. Discover now