Entry #157

44 1 2
                                    

NIGHTFALL IN YOUR ARMS

by Heroshan

Mahigpit ang pagkakahawak ni Seren sa dulo ng kanyang Uni-Ball Jetstream pen. Punong-puno ng tinta ang kaniyang pluma at kahit anong oras ay handa itong makipagsabayan sa agos ng kanyang palad. Ngunit bakit hindi siya makapagsulat? Inihagis niya ang hawak na ballpoint pen sa sahig at nilisan ang mesang punong-puno ng mga nilamukos na papel. Malamig ang hanging dumampi sa balat ni Seren nang buksan ang bintanang capiz sa silid niya. Muli na naman niyang masisilayan ang isang takipsilim. Sa pagsapit ng takipsilim ay ang pagbukas rin ng kaniyang bintana. Nakapako ang kaniyang paningin sa kariktan ng kalangitan na sa wari'y isang irog na masuyong pinagmamasdan. Tila nagbibigay ito ng kapayapaan sa kaniyang puso, nagpapatahan sa lahat ng mga agam-agam at humahaplos sa namamanhid niyang kamay dulot ng pagsusulat.

Nanatili siyang nakapanungaw sa labas nang may narinig siyang tila may bumubulong ng kaniyang pangalan. Kung sinuman iyon ay wala siyang pakialam dahil mas pipiliin pa niyang masaksihan na lamang ang pagpalit ng buwan sa araw.

"Serenity Celeste!" patuloy na pagbulong ng isang tinig sa di-kalayuan. Hindi pa rin niya ito pinansin. Kumurba ang lungkot sa kaniyang mga labi nang naging itim na ang langit. Gabi na. Babalik na naman siya sa mesa upang ipagpatuloy ang pagsusulat. Akmang tatalikod na siya nang may sumigaw sa labas ng kanilang bahay.

"Oh, aking Serena! Ako'y kanina pa nagmamasid sa iyong ganda. Sinasambit ang pangalan mo, sinta. Ngunit nagbibingi-bingihan ka't hindi yata ako ang gusto mong makita."

Parang may sariling isip ang kaniyang mga paa na bumalik sa harap ng bintanang capiz at nangungusap ang mga mata habang ang dalawang mga kamay ay kumakaway sa saya. Si Nero Alejo, ang kanyang long-lost boyfriend na kababalik lang galing Maynila. Nadagdagan pa lalo ang kakisigan at kagwapohan sa blondeng buhok nito. Ang kulay ng balat nito'y tila hindi man lang nasinagan ng araw at kitang-kita ang pagbakat ng buto sa kaniyang tiyan. Parang gusto niyang tumalon na lang sa bintana. Halatang sabik na sabik nang mayakap ang kasintahan.

"Tumalon ka!" utos nito. Nabigla siya sa sinabi nito.

"T-talon? D-dito? Ulol ka ba? Gusto mo akong mamatay?" pasigaw niyang saad.

"Hindi ah. Trust me. My Serena!"

Pagkasabi pa lang ng katagang My Serena ay hindi na siya nagdalawang isip na tumalon mula sa bintana. Nakaabang na ang mga kamay ng kasintahan upang saluhin siya ngunit hindi yata nito inakala na dumagdag ang kanyang timbang. Kaya naman bumagsak ang kanilang katawan sa lupa at nagpabiling-biling. Nahinto sila sa malapad na puno dahilan upang magsiklop ang kanilang mga labi. Aminadong nasasabik siya sa mga labi nito. Kaya naman kahit masakit ang kaniyang tagiliran dulot ng malakas na pagtama nito sa puno ay hindi na alintana iyon mahagkan niya lang ang binata. Her tongue moves inside his. Savoring the love and joy of being together again. Sa loob ng limang taong pangungulila'y naghilom ang lahat sa pamamagitan ng isang halik.

Habang sinasamsam ang sandali ng malalim na halikan, kagyat silang napamulagat at nag-ayos ng tindig nang makita kung sino ang nasa kanilang harapan. Ang ama ni Seren na isang Punong-Barangay sa kanilang lugar.

"Pumasok kayo sa bahay, ngayon din." kalmado ngunit may awtoridad na wika ng ama ni Seren.

Bahagyang nanindig ang kaniyang balahibo at halos hindi na niya magawang maigalaw pa ang mga paa. Ang nobyo ay halatang namumula na rin sa kahihiyan. Tahimik silang pumasok sa bahay nang nakayuko. Matiim ang titig na ipinukol ng kaniyang ama sa kanila.

"P-paumanhin po, Kap." mahinang saad ng nobyo habang ang ulo'y nananatiling nakayuko.

"T-tay, a-ako po 'yung may gusto..." naputol ang kaniyang nais ipaliwanag nang takpan ng ama ang kanyang nakaawang na labi gamit ang hintuturo nito. Nagtataka man ay hindi na lamang niya ipinagpatuloy ang paliwanag. Para saan ba ang paliwanag na iyon e huling-huli mismo nito ang kanilang halikan. Nakahihiya.

TNP's 1st One-Shot Story Writing Contest Pt. 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon