Entry #139

47 1 2
                                    

Linya-linya

by KP

Mabilis pa sa alas - dose siyang kumaripas ng takbo. Maliban sa kung anoman o sinomang nilalang ang kanyang hinahabol ngayon, hinahabol din siya ng oras at pagkakataon. Nag-uunahan ang mga paa. Nag-uunahan din ang anomang likidong maaaring tumulo sa kanyang katawan. Pawis. Luha. Laway. Dugo. Nagkalat ang mga dugo! Nang makita niya iyo'y agad siyang nag-panic. Napatigil sa pagtakbo. Umupo sa sahig, naglupasay. Maaring takot siya sa dugo. Maaring siya ay nandidiri rito. O maaari rin namang pagod lang talaga siya. Anoman ang kanyang dahilan, maging siya ay di na rin niya malaman.

"Lintek naman oh!" bulalas niya. Nabulabog tuloy ang mga puting uwak na kadadapo lamang sa sanga ng patay ng puno ng balete.

Mag-isa na lang siya ngayon sa kagubatan. Wala na. Ni anino ng kung anomang nilalang maliban sa kanya.

"Sayang 'yon! Paano ako makaka-quoata nito? Siguradong masisisante na ako ni Boss D kung di ako makakapag-uwi sa kanya ngayong linggo." bulong nito habang humihithit ng tabako. Nag-isip nang malalim.

Matapos ang ilang minuto ng pagpapahinga ay muli siyang nagsimulang mag-hunting. Ngayon ay susubukan naman niyang sa ere maghanap. Pinagaspas niya ang kanyang pakpak, iniwan ang kalahating katawan.

Maliwanag ang buwan. Mainam na makipagtagu-taguan. Ngayon daw ang magandang pagkakataon para makahanap ng mga inosenteng nilalang. Ngayon daw nagsisilabasan ang mga good qualityng nilalang – matataba, malalaman. Paborito ni Boss D, mainam na ialay sa kanya. Kabilugan ang buwan. Tahimik ang gabi. Langit at lupa'y kanya nang sinuong, ngunit bigo pa rin siya sa kanyang pakay.

"Walang kuwentang buhay 'to! Mukhang di na talaga ako makakahuli ngayong gabi. Iba na talaga ang henerasyon ngayon, kung hindi mga tira-tira nila ang naabutan ko, puro low quality. Paano ako mapapansin ni Boss D? Paano ko maa-achieve ang pangarap kong promotion?" inis na bulong nito sa sarili habang pumapagaspas sa ere. Ngunit kahit na mainit ang ulo at nadidismaya, nagpatuloy pa rin siya. Ikinalat ang kanyang mga mata. Kailangan niyang maka-quoata. Para sa pangarap!

Malayo na ang kanyang narating nang makita niya si BongGi – matalik niyang kaibigan. Sa sobrang lapit nila sa isa't isa'y napagkakamalang may namamagitan sa kanilang mas higit pa sa pagiging magkaibigan. Si BongGi ang lagi niyang takbuhan, ang lagi niyang kasangga. Ang kanyang higit pa sa matalik na kaibigan.

Isang mahabang linya. Nakapila siya sa isang napakahabang linya na ito. Naroon ang iba't ibang uri ng mga kakaibang nilalang na katulad at kalahi rin nila. May mga kalahating tao at kalahating kabayo, mga paslit na mukha nang matanda, mga babaeng nakaputi at hanggang talampakan ang buhok, mga katulad din niyang may pakpak at kalahati rin ang katawan, mga higanteng nababalot ng usok, at marami pang mga kakaibang nilalang. Nagtaka siya at naintriga.

"Ayuda?" tanong niya sa sarili.

Bumaba siya mula sa ere papunta sa kinaroroonan ng kaibigan.

"Para sa'n ang pilang 'to, BongGi?" usisa nito.

"Kanina pa kita hinahanap, sa'n ka ba nagsusuot?" bulalas nito nang makita ang kaibigan.

"Huh?"

"Halika na, sumunod ka na sa pila sa likod ko o kaya mauna ka na." paanyaya nito.

"Huh?" takang – taka na siya sa puntong ito.

"Hakdog! Ano ka ba Juswa, basta sumunod ka na lang mamaya ko na ie-explain sa'yo. Dali! Bago ka pa maunahan ng atribidang si Jera." pamimilit nito habang hinihila ang kaibigan.

Wala siyang nagawa kung hindi ang sumunod na lamang.

Lumipas ang mga oras. Hindi pa rin umuusad ang pila. Nagtataka na siya sa mga nangyayari. Naiinis. Nag-iinit ang ulo. Kumukulo ang dugo. Magtatanong siyang muli sa kaibigan.

TNP's 1st One-Shot Story Writing Contest Pt. 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon