Entry #179

71 2 2
                                    

KAYAMANAN SA PUNSO

by Lorence Ugaddan

DESPERADO si Chano na gawin ang lahat alang-alang sa anak niyang nakikipaglaban sa sakit na Pediatric Brain Tumor. Inilabas niya ang plato at pinatungan ito ng kendi at tsokolate. Nagtimpla na rin siya ng ubod ng tamis na kape.

Patiyad na siyang naglakad patungo sa likod ng kanilang bahay. Makikita roon ang isang punso na nakapuwesto malapit sa puno ng mangga. Nakagawian niya ang pagbibigay ng alay sa punsong ito alinsunod na rin sa tagubilin ng yumao niyang ama. Anila, maaari raw itong magdala ng suwerte.

Inilapag niya ang mga alay sa tabi ng punso pagkuwa'y nagtago siya sa likod ng puno. Maliwanag ang ilaw na nagmumula sa buwan kung kaya hindi niya na kailangan ng lente. Lumipas ang ilang minuto ngunit wala pa rin siyang nakikitang kung ano. Tahimik siyang nagmamasid habang nakasandal sa likod ng puno hanggang sa dahan-dahang gumalaw ang mga inilapag niyang alay. Lumutang ang mga kendi't tsokolate na marahang sumusuksok sa butas ng punso. Kahit natatakot ay hindi na siya nagsayang pa ng oras at agad siyang lumuhod sa harapan ng punso.

"Tabi-tabi po! Parang awa n'yo na! Kailangan ko po ng malaking halaga para sa operasyon ng anak ko!" buong pagsusumamo niya.

Bigla namang bumagsak sa lupa ang ilang mga alay nang magsalita siya. Kasabay niyon ay ang pag-ihip ng hangin na siyang lumikha ng ingay mula sa mga dahon ng puno.

"Hindi ko ho nakaligtaan ang pag-aalay sa inyo dahil iyon ang bilin ng aking ama. Ngayon ay ako naman ang humihingi ng pabor sa inyo!" walang anu-ano'y naibulalas niya.

Tila umaliwalas ang paligid nang unti-unti niyang nasisilayan ang paglitaw ng tatlong pigura ng malilit na nilalang na nakatayo sa bukana ng punso. Nakangisi ang mga ito na kapuwa nakasuot ng mga sumbrero. Patulis ang kanilang mga tainga at tila tagpi-tagping mga retasong tela ang suot. Napamulagat si Chano nang makita ang mga ito. Ang noo'y ikinuk'wento lamang ng ama tungkol sa mga nilalang ay ngayon kaharap na niya. Tama! Mga Duwende!

"Parang awa n'yo na! Tulungan n'yo po ang anak ko!" Kasalukuyang dinadampot ng mga nilalang ang ilang kendi't tsokolate na bumagsak sa lupa pagkuwa'y isnab silang tumalikod bago pumasok sa butas ng punso. Wari'y may nag-udyok kay Chano na gawin ang naiisip niya kaya walang sabi-sabi niyang dinakma ang isang Duwende na pinakahuling papasok na sana sa punso.

"Bakit mo kami ginagambala! Pakawalan mo ako!" pagpupumiglas nito sa maliit na boses. Mas lalo pa itong nagalit nang hindi siya bitiwan ni Chano.

"Isinusumpa kita na magiging maliit kagaya namin!" Gayundin, umihip ang mapandustang hangin at kaagad nga'ng lumiit si Chano. Ganoon na lamang ang pagkagulat ni Chano nang makaharap ang kasing-liit niyang nilalang na kanina'y hawak-hawak niya lang. Puwersahan siya nitong hinila papasok sa loob ng punso.

HINDI maipaliwanag ang ekspresyon sa mukha ni Chano nang makita ang loob ng punso. Karamihan sa mga alpombra't kagamitan dito'y pawang kagamitan din nila na kataka-takang nawala noon; ang mga kutsarita't tinidor na ginawang upuan at palamuti, sirang relo na ginawang duyan na alam niyang pag-aari noon ng kaniyang ama. Naka-display din ang mga balat ng kendi at tsokolate na dominante sa matingkad na kulay ng loob.

"Nasa ikaunang palapag palang tayo ng palasyo," wika ng Duwende na nagpakilalang si Beldugo.

"Patawarin mo ako, Duwende! Ibalik mo na ako sa dati ko'ng tangkad!" pagmamakaawa ni Chano subalit humalakhak lamang si Beldugo.

"Hindi ba't kailangan mo ng kayamanan?" tugon nito kaya naman nahimasmasan si Chano. Nang magbalik sa diwa ang pakay ay muling lumuhod si Chano sa Duwende.

"Oho! Kailangan ko ng malaking halaga para sa operasyon ng anak ko!" sinserong pahayag niya.

"Kung gayon ay tutulungan kita, Kaibigan. Tutal, matagal ka rin naman nang nagbibigay alay sa palasyo." Dumukot si Beldugo sa kaniyang bulsa, pagkatapos nito'y ipinakita niya ang mga maliliit na bato kay Chano.

TNP's 1st One-Shot Story Writing Contest Pt. 2Where stories live. Discover now