Entry #138

103 2 4
                                    

Runaway Groom

by ElEstranghero

Running away from my soon to be wife, that was really something new. I was about to say "Yes I do!" pero tila may kung anong bumara sa lalamunan ko, parang biglang nabalot ng dilim ang paligid ko. Nagkaroon ng pangamba sa puso ko at biglang nagkaroon ng tanong sa isipan kong, "Handa na ba ako?" Ewan ko pero nang mga sandaling iyon, parang hindi ko makapa sa puso ko ang kaligayahan. Parang hindi matanggap ng buo kong pagkatao ang katotohanang minsan ay naging bahagi ng mga pangarap ko. Hindi ko alam pero isa lang ang naiisip kong gawin ngayon, ang tumakas sa realidad. Hindi pa ako handa, lalong hindi nakasisiguro sa totoong nadarama ko. At bago ko pa pagsisihan ang lahat, natagpuan ko na lamang ang sarili kong tumakbo palayo sa kaniya matapos ko siyang titigan sa kaniyang mga mata at sabihing, "I'm so sorry, I'm not yet ready."

Narinig ko ang pagsinghap ng mga tao, ang kanilang bulong-bulungan. Ramdam ko ang matatalim na tinging ipinupukol nila sa akin – mga matang nagtatanong at nanunumbat habang mabilis akong lumalabas ng simbahang iyon. Alam kong hindi magiging madali ang lahat sa amin dahil sa ginawa kong ito pero alam kong mas mahihirapan lamang kaming pareho kung ipinagpatuloy pa namin.

Akala ko, sapat na ang sampung taong pagkakakilala ko sa kaniya. Akala ko, sapat na ang pitong taong pagiging magkasintahan namin upang makasiguro na ako. Ngunit hindi pala pagkat nagkamali ako. Hindi sapat ang haba ng panahon ng pagkakakilala at pagsasama namin upang makasiguro ako sa nararamdaman ko dahil sa mismong araw na ito kung kailan kami dapat ganap na magiging isa, biglang napuno ng pangamba ang puso ko at nagkaroon ng maraming tanong ang isipan ko.

"Justine!" Napahinto ako sa aking pagtakbo at lumingon sa pinanggalingan ng tinig. Nang magtama ang aming mga mata, nakita ko ang lungkot na bumabalot rito na tila ba nagtatanong ng "Bakit?" Gusto kong humakbang pabalik sa kaniya ngunit natatakot ako. Gusto ko siyang lapitan ngunit alam kong mas paaasahin ko lamang siya kaya naman mas pinili ko na lamang ang magpatuloy. Kasabay nang pagtalikod ko sa kaniya, ang pangako sa sarili kong tapos na ang lahat sa amin at hindi na ako magbabalik kailanman.

Mabilis na lumipas ang mga araw. Isang taon na pala ang nakalipas mula nang araw na talikuran ko siya. Alam kong masakit sa bahagi niya ang ginawa ko. Pero ginawa ko lamang ang alam kong higit na makabubuti para sa kaniya. Ginawa ko lamang ang bagay na alam kong tama...hindi ako ang nababagay sa kaniya. Hindi ako ang tutupad sa mga pangarap niya, lalong hindi ako ang taong higit na makapagpapasaya sa kaniya. Hindi sapat na mahal ko lang siya dahil kung minsan ang pagmamahal ay nagiging tanong sa huli, "Mahal ko pa ba siya?" Dahil noong mismong araw ng kasal namin, noon nawala ang lahat ng kasiguraduhan sa nadarama ko pagkat alam kong iiwan ko rin naman siya agad – na masasaktan ko lamang siya.

Aaminin ko, nagsinungaling ako pagkat kung may isang bagay man na totoo sa lahat ng sinabi ko, 'yon ay "Mahal ko siya". Alam ko selfish ako, to the point na ang tanging pagpipilian ko ay saktan ang nag-iisang babaeng minahal ko sa mismong araw ng kasal namin. Natakot ako. Natakot ako sa katotohanang hindi rin naman kami magtatagal. Natakot akong mas higit na masaktan siya. Alam kong tama naman ang naging desisyon ko kahit na masakit pagkat alam kong ito ang magpapalaya sa amin.

Ngayon, alam kong naka-move-on na siya at tanggap na ng sistema niya na hindi na ako bahagi ng buhay niya dahil maraming nagmamahal sa kaniya. Na may isang taong laging nandyan para damayan siya. Alam ko, sa paningin ng iba, hindi maganda pero wala naman silang karapatang husgahan ang dalawang taong mahalaga sa akin. Matagal ko nang alam na mahal ng utol ko ang babaeng pinakamamahal ko kaya nga mas kampante na ako ngayon kung sakaling iwanan ko man siya ay hinding-hindi naman siya sasaktan at iiwan ng kapatid ko.

Isang buwan na lang ang nalalabi sa buhay ko. Mahirap pala 'yong ganito, mag-isa mong nilalabanan ang karamdaman mo; na malayo ka sa piling ng mga taong mahal mo. Ang ipagpalit ang sarili mong kaligayahan para sa mga taong mahal mo at mahalaga sa 'yo. Tanggap ko na naman na hindi na ako magiging bahagi kailanman ng buhay nila pero sana lang ay huwag nila akong kamuhian sa ginawa ko. Alam kong hindi sagot ang pagtakas pero ito ang tanging paraan upang makalaya ako, upang makalaya sila mula sa mga alaala ko. Ito lang ang nakikita kong paraan upang hindi maging masakit sa kanila ang nalalapit kong pagkawala. Mainam na sa mga mata nila, isa akong walang kuwentang tao. Basta ang mahalaga, madali nila akong makalilimutan.

TNP's 1st One-Shot Story Writing Contest Pt. 2Onde as histórias ganham vida. Descobre agora