Entry #194

106 17 18
                                    

Patak ng Ulan

by Zandro Bautista

Tanaw ang kulay kahel na kalangitan habang nakahiga ako sa malawak na damuhan. Ramdam ko ang malamig na dampi ng hanging amihan na nagdudulot ng ginhawa sa 'king buong katawan. Ibinaling ko sa kanan ang aking tingin at masuyo kong napagmasdan ang alaga kong aso na mahimbing na natutulog, nakatihaya ito sa damuhan at kapansin-pansin ang mala-nyebe nitong balahibo.

"Sponky! Tsuu-tsuu. Gumising kana, uuwi na tayo."

Marahan kong tinapik sa ilong ang alaga kong aso. Idinilat niya nang bahagya ang kanyang mga mata, pero tila ayaw pa nitong bumangon. Nakahalukipkip lamang ito sa damuhan habang nakatitig sa akin, kaya hinayaan ko na muna si Sponky at bumalik na lang ulit ako sa pagkakahiga.

Patuloy na lumilipas ang oras at malaya kong napagmasdan ang paglubog ng araw, mayamaya ay naramdaman ko na tila may ibang presensya sa aking tabi. Isang binatilyo ang tumabi sa akin.

"Mahal na mahal kita, Marjorie." Bulong sa akin ng binatilyo gamit ang kanyang malamyos na tinig.

Damang-dama ko ang pagkakasabi niya sa mga katagang iyon, punong-puno ito ng sinseredad at pagmamahal. Nang ibaling ko sa kaliwa ang aking paningin ay tumambad sa akin ang matipunong pigura ng binatilyo, maamo ang kanyang mukha at malawak ang mga ngiting ibinibigay nito sa akin. Ginantihan ko rin siya ng isang matamis na ngiti, habang mataman ko siyang tinitigan sa kanyang mga mata. Kumikinang ang singkit nitong mga mata, katulad ng mga bituin tuwing gabi.

Katatapos pa lamang lumubog ng araw at kasalukuyan kaming nasa ilalim ng makulimlim na kalangitan. Magiliw naming nasaksihan ang mabagal na galaw ng mga ulap at ramdam namin ang mas tumitinding lamig ng simoy ng hangin. Ipinikit ko ang aking mga mata at marahan itong minulat.

Ipipikit ... imumulat.

Ipipikit ...

Sa muli kong pagmulat ay bumungad sa 'kin ang halos ilang pulgadang pagitan ng mukha namin ng binatilyo. Unti-unti niyang nilalapit ang kanyang mukha sa akin, napako naman ang tingin ko sa mapupula niyang mga labi. Marahan niyang inilabas ang kanyang dila upang dampian ng laway ang natuyo niyang mga labi, at sa isang kusap lang ay mabilis na naglapat ang aming mga labi.

Halos mawalan ako ng ulirat nang dumampi sa akin ang malambot niyang mga labi. Malaya naming ninanamnam ang labi ng isa't isa, matamis at sadyang mapaghanap ang kanyang mga naging halik. Hindi ako nagpatinag at nanlaban ako sa mga halik niya.

Bahagya kong kinagat ang ibabang parte ng kanyang mga labi, sadyang may hatid na kakaibang kiliti ang kanyang mga halik ... parang ayoko nang matapos pa ang sandaling ito.

Siguro'y mahigit apat na minuto na rin naming ninanamnam ang labi ng isat-isa, nang bigla ko na lang maramdaman na may pumatak sa aking pisngi.

Mga munting patak galing sa langit, sunod ay may pumatak sa aking leeg at maging sa aking balikat, hanggang sa ang kaninang panaka-nakang pagpatak ay dumami. Biglang bumuhos ang malakas na ulan at nang dahil doon ay natigil ang pagsasalo ng aming mga labi. Basang-basa ang aming buong katawan, ramdam ko ang lamig at tilamsik ng tubig na patuloy lumalandas sa aking pisngi.

Napabalikwas ako mula sa pagkakahiga at bumangon sa aking higaan. Pagmulat ng aking mga mata ay tumambad sa akin ang butas na kisame ng aking kuwarto, humahangos akong tumayo at ginawan ng paraan para mahinto ang pagtulo ng tubig ulan sa kisame. Nang matapos ay dumungaw ako sa bintana. Makulimlim ang kalangitan at walang tigil sa pagbagsak ang malakas na ulan. Samantalang mahimbing namang natutulog si Sponky sa ilalim ng kama.

Isang panaginip ...

Labis ang aking pagkadismaya ng mapag-alaman kong nagising ako mula sa isang magandang panaginip.

TNP's 1st One-Shot Story Writing Contest Pt. 2Where stories live. Discover now