Entry #141

79 4 3
                                    

Sa Muling Paglalaho ng Buwan

by HiggupKing Est

Napakurap nang ilang ulit ang binata matapos itong magising sa isang hindi kapani-paniwalang panaginip. Sinubukan niyang hanapin ang liwanag sa kaniyang kuwarto dahil muntik na siyang mabulag sa dilim ng panaginip na iyon.

Huminga siya nang malalim bago bumangon at kinuha ang cellphone sa ibabaw ng mesa sa gilid ng kama niya. Binuksan niya saglit ang Facebook account niya upang mag-scroll at tulad ng inaasahan, hindi alam ng karamihan na may nangyayaring kakaiba sa tuwing naglalaho ang buwan. Pawang mga post ng pagkamangha ang nabasa niya mula sa mga nakapanood nito kagabi.

Kinuha niya ang papel at ballpen na itinabi niya sa pagtulog at sinimulang isulat ang mga numero at salitang natatandaan niya kagabi.

"2010. Leon Aureus Stret, Magsaysay Avenue, **** City," pagbigkas niya sa kaniyang isinulat. Ngunit, kaagad niyang nilukot ang papel nang mapagtanto ang magiging kapalaran niya.

"A 12-year gap? Nonsense— shit!" Umawang ang kaniyang bibig sabay kapa sa kaniyang dibdib nang maramdaman ang biglang pagkirot nito. Ito ang unang beses na naramdaman niya ang pananakit nito simula nang magkita sila sa buwan.

Muli, naalala niya ang pangalan ng babaeng tumawag sa pangalan niya at ng kaniyang mga ninuno.

"That witch," asik niya habang sinusubukang tumayo. "Talagang sinusubok niya ako."

Sa kabila ng sakit na nararamdaman, sinimulan niya na ang kaniyang umaga sa pag-aalay ng maikling dasal at pagkain sa mga larawan ng kaniyang ama, lolo at ninuno na nakasabit sa dingding ng isang maliit na kwarto, katabi ng kaniya. Ni wala man lang naka-display na litrato ng mga asawa nitong namayapa na, maliban sa litrato ng kaniyang ina na nilagay niya sa sala.

Pagputi ng uwak siguro. Hindi hahayaan ng buwan na maging masaya ang angkan nila kahit sa kabilang-buhay. Sinumpa nito ang pamilya niya, simula sa pinaka-ninuno nila hanggang sa kasalukuyan dahil lang sa isang babae mula sa ibang panahon. Maagang mamamatay ang mga asawa ng kanilang mga ama habang mamamatay naman ang huli sakit sa puso.

Tuloy, naalala niya ang payo sa kaniya ng kaniyang ama, isang gabi bago ito nalagutan ng hininga.

"Kailangan mong mahanap ang babaeng itinakda ng buwan. Magpakasal kayo't magsupling ng 12 bituin upang matapos na ang pag-ikot ng sumpang ito. Magagawa mo ba 'yon para sa'tin, anak?"

Labintatlong taong gulang pa lamang siya nang pasanin niya ang isang napakabigat na responsibilidad. Ang mamuhay, maghanap ng kasagutan at harapin ang panaginip na iyon nang mag-isa. Pagtuntong niya sa edad na labinwalo, sa unang eklipse na kaniyang naranasan, doon niya na nakilala ang babaeng puno't dulo ng lahat.

Nais niya itong saktan gamit ang mga salitang kinimkim ng pamilya nila. Nais niya itong sisihin.

Subalit 'di niya magawa. Hinaharangan sila ng isang 'di makitang dingding na naghihiwalay sa magkaibang panahon nila. Wala rin itong binibigkas na kahit anong salita sa loob ng isa o apat na oras na pananatili nila sa loob ng buwan na natatakpan ng anino ng mundo.

Kagabi lamang ito nagsalita sa unang pagkakataon. Ngunit, 'di niya inaasahan ang binabalak nito.

"Tsk. As if maniniwala ako sa plano niya."

Para saan pa? Ngayon na natuklasan niyang nabigo ang henerasyon niya na magtagpo ang mga panahon nila ng babaeng itinakda, malamang sa malamang ay sasapitin din niya ang sinapit ng kaniyang ama.

Mamamatay siya na iaatang ang responsibilidad sa magiging anak ng mga anak niya.

Pagkatapos niyang kumain at maligo, lumabas siya sa bahay suot ang puting uniporme niya bago pinaandar ang motorsiklo at umalis. Tumigil siya sa tapat ng isang bahay at pinatunog ang busina. Lumabas sa gate ang isang magandang babae na may katangkaran, suot din ang parehong uniporme na lalong nagpatingkad sa pagiging mayumi at simple nito.

TNP's 1st One-Shot Story Writing Contest Pt. 2Where stories live. Discover now