Entry #188

43 1 2
                                    

Magkaibang Mundo

by Joan Leanor

Nakatira siya sa kabilang mundo, habang nandito naman ako.

Naroon siya, sa kabilang parte ng kalawakan. Lagpas sa mga bituwin, araw, at buwan. Naninirahan sa isang mundong pinapalibutan ng masaganang kalikasan.

Natunghayan ko na ang ubod ng gandang mundong iyon. Mundong puno ng nagtataasang puno at mahahalimuyak na gumamela, rosas, at hasmin. Ang lahat roo'y maaamo sa balat, tainga, ilong, mata, pati na rin sa banal nating katawan na tinatawag nilang kaluluwa.

Kaluluwa.

Ano ba ang bagay na iyon? Sinabi niya lang iyon sa akin, na lahat ng nilalang na may buhay ay mayroong kaluluwa.

Pati rin ba ang mga hayop at halaman?

"Oo," tugon niya nang tinanong ko iyon sa kaniya. "Iisang nilalang lamang ang lahat ng nilalang. Iisang humihinga, iisang humihingi at nagbibigay sa kinakailangang sustansya."

Mahal ko siya. Minahal ko siya dahil sa kaniyang nakaaakit na itsura at magandang kalooban, pati na rin sa malaya niyang kaisipan, pero hindi ko mawari ang sinabi niyang iyon.

Marahil iyo'y sa kadahilanang nakatira ako sa mundong ibang-iba sa kaniya. Nakatira ako sa mundong pinapaligiran ng mala-kalawang na dagat ng tinik at buhangin. Walang matatanaw na puno o bulaklak, tanging abot-tanaw lamang na tagtuyot at matinding sikat ng araw.

Kahit na masaklap ang pamumuhay rito, marami pa rin kaming namumuhay sa lupaing ito. Hindi 'kami' sa salitang iisa lamang kami. 'Kami'--kaming mga barbarong handang patayin ang isa't-isa para lang panatilihin ang kalunos-lunos naming mga buhay.

Kaya ano ang ibig-sabihin ng sinabi niyang: "Iisang nilalang lamang ang lahat ng nilalang." Nandito ako, naroon sila. Nandoon siya, narito ako. Nasasabi niya lang iyon dahil may mga kasama siya roon, habang nag-iisa lamang ako.

Mula ulo hanggang talampakan, balot ako ng maruruming tela't kalawanging bakal bilang proteksyon laban sa marahas na kapagiliran. Proteksyon laban sa mahapdi sa balat na klima. Proteksyon laban sa kanila--sa mga taong gusto akong saktan, sa mga ninanais na balatan ako ng buhay at lutuin sa kumukulong mantika. Pagkain lang ang tingin nila sa akin. Isang bagay lamang na ngunguyain ng nabubulok nilang mga ngipin, lulunukin ng nanunuyong lalamunan, at magiging lamang tiyan para sila'y magkaroon ng lakas at sustansya sa paghahanap ng panibagong biktima. Nasaan ang tinatawag niyang kaluluwa? Mga laman lamang kami. Mga karneng pantikom sa kumukulong sikmura at wala nang iba pa.

Nang sinabi ko iyon sa kaniya, binigyan niya ako ng madiing halik sa noo para lang makapagpahinga ang magulo kong isipan--at gumana iyon. Sa sandaling iyon ay nanatiling tahimik ang lahat, at dinayo ang aking isipan ng mabango niyang halimuyak, mayuming boses, at ang maiinit at malalambot niyang brasong bumabalot sa aking katawan. "Magpahinga ka muna, mahal ko," aniya habang hinahaplos ang mabuhangin kong buhok. "Alam kong napapagod ka na sa matagal mong pagtakas at pagtakbo. Pero ligtas ka na rito sa piling ko kaya huwag ka nang mabalisa at ika'y magpahinga muna."

Pinalibot ko rin ang mga braso ko sa kaniya, saka kumapit ng mahigpit. Nagbabalyahan na sa nakasarado kong mga mata ang mapayapa niyang piling at silang mga humahabol sa akin.

Nandiyan lang sila sa paligid. Nagmamasid-masid ang mala-makinang mga mata. Nangangatal ang nananabik na mga ngipin at panga. Hinihintay ang kanilang biktima na ibaba ang kaniyang mga depensa--pero hindi ako magpapahuli. Hindi. Hindi!

Kung sana'y pinanganak din ako sa mundong tinitirhan niya, hindi ko na rin siguro kakailanganin pa ng baluti. Magsusuot na lang ako ng malinis na damit na gawa sa makulay na tela. Tinatawag pa nila iyong kakulay ng 'bahaghari'. Ang arko sa kalangitan na puno ng matitingkad na kulay. Hindi pa ako nakakakita ng ganoon pero sa paraan pa lang niya ng paglalarawan, tila ba'y isa iyong mahiwagaang alamat sa ganda.

TNP's 1st One-Shot Story Writing Contest Pt. 2Where stories live. Discover now