Entry #169

61 3 4
                                    

Pahimakas Sa Bawat Gunita 

by Saivanaa

"Isang senaryo ang palaging lumilitaw sa'king panaginip," wika ni Raquil dahilan para ako'y mapatingin sa kanya.

Ang marahas na tunog ng nag-hahampasang alon at lagaslas ng mga halaman sa paligid ang pumuno sa'king pandinig habang ako'y nakatitig sa kanya. Ang mala-tsokolate niyang mata'y mas lalong tumitingkad sa tuwing natatamaan nang papalubog na araw dahilan upang mas lalong maging kaakit-akit siya sa'king paningin.

"Ano bang nasa panaginip mo?" tanong ko't muling tumingin sa papalubog na araw saka isinandal ang aking ulo sa kanyang balikat.

"Isang kataga ang palagi kong binibigkas," sumiklab ang pagtataka sa'king kalooban ngunit hindi ko iyon pinahalata't nananatili lamang ang tingin sa magandang tanawin sa harapan.

"Anong kataga?"

"Pahimakas na nangangahulugang paalam," kaagad akong napaayos ng upo't hindi na napigilan ang sarili sa pag-uusisa.

"Pahimakas?"

Lumingon siya sa'kin at tumango. Muli niyang ibinalik ang tingin sa papalubog na araw at marahas na bumuntong hininga. Hindi man niya sabihin nababakas ang kalungkutan sa kanyang mga mata dahilan para makaramdam ako ng kirot sa aking puso.

"Sa isang binibini'y lagi ko iyong binibigkas," dagdag pa niya na ikinapukaw lalo ng aking atensyon.

"Binibini? Sinong binibini?"

Ibinalik niya muli ang tingin sa'kin at tipid na ngiti ang ipinakita.

"Ikaw." Kanyang sagot na ikinagulat ko ng husto.

Napakurap ako't hindi nakagalaw. Sumabay ang pag-ihip ng marahas na sariwang hangin. Ang animo'y musikang huni ng mga ibon. Ang ingay ng mga tao't nag-dadaanang kalesa'y namutawi sa paligid. Ganito ang buhay na aking kinagisnan simula nang ako'y tumuntong sa labing tatlo.

Ang pansitan ng aking Tiya Damiana ang aking naging pangalawang tahanan sa nag-daang mga panahon. Dahil walang sapat na salapi, ang pag-aaral ay aking ipinagpaliban na lamang. Sa murang edad kinakailangan kong mag-banat ng buto upang makatulong kina Inay para sa pang-araw-araw naming pamumuhay.

"Bilisan niyo ang pag-kilos. May isang binatang heneral mula sa maynila ang nais kumain sa ating pansitan." Maligayang wika ni Tiya Damiana nang pumasok sa kusina ng kanyang pansitan.

"Oho, Senyora." Tanging tugon ng mga kusinera't kusinero.

Ako nama'y kaagad na isinaayos sa isang bandehado ang mga pagkaing dadalhin sa mga mamimili. Mabilis ang bawat kilos ng lahat dahil sa dinadagsa ang pansitan ng aking Tiya tuwing linggo. Talagang dinadayo ito dahil sa masarap na pansit at mamon.

"Anaira, iha! Iyang pansit na iyan ay dalhin mo sa Heneral baka ito'y mainip." Agad akong napatigil sa paglalakad at umaalmang lumingon kay Tiya.

"Ngunit Tiya, para po ito sa ika-apat na mesa."

"Hayaan mo muna ang mga iyon! Espesyal ang Heneral na iyon kaya't hindi nararapat na pag-hintayin!" kanyang wika at ikinumpas ang kanyang mamahaling abaniko.

Wala akong nagawa't tumango na lamang. Kaagad kong inihain ang pansit at tinapay sa mesa nang Heneral. Kaagad akong yumuko bilang pag-galang bago umalis ngunit kaagad ring napatigil nang mag-salita ito.

"Binibini, maaari ba kitang imbitahin upang ako'y saluhan?"

Gulat akong napatingin sa Heneral. Suot ang kanyang uniporme. Maayos na pag-kakaupo't makisig na pangangatawan ngunit ang ikinapukaw nang aking atensyon ay ang kanyang mala-tsokolateng mga mata.

TNP's 1st One-Shot Story Writing Contest Pt. 2Where stories live. Discover now