Entry #178

46 3 2
                                    

Mahiwagang Aklat ni Emma

by binibining_realidad

GIVE, AND IT SHALL BE GIVEN UNTO YOU. Madalas sa aking sabihin ni Mama na sa buhay hindi ka raw dapat maramot. Matutong magbigay, maging bukas at mamahagi sa mga tao sa paligid mo. Hindi mo naman daw kasi pagmamay-ari ang mga bagay sa mundo; pinahiram lang. Dapat hindi mo iyon ipagkait sa iba. Nauunawaan ko naman siya. Sa katunayan ay sinusunod ko naman ang payo ni Mama. Mapagbigay ako. Hindi lang sa mga taong malapit sa akin, gayun din sa ibang taong nakakasalubong ko.

Sa klase kapag may kailangan sila ay abot agad ako. Lapis 'man, papel o 'di kaya'y sagot sa pagsusulit; ibinabahagi ko rin. Hindi ako kapit sa mga bagay. Minsan nga ay pinapagalitan pa ako ng iba dahil nauubuso na raw ako dulot noon. Pero hindi ko sila pinapansin, sapagkat batid kong maibabalik iyon sa akin.

"Emma, may assignment ka na sa Philosophy?" bungad na tanong ni Maridele nang makita ako sa library. May labing-tatlong minuto pa kami para sa lunch break. Imbis na ikain ko iyon ay nagtutungo na lang ako sa silid-aklatan ng paaralan. Hindi dahil masipag ako magbasa, ngunit para matulog. Wala naman kasing masyadong tao rito. Tahimik at payapa.

"Ano?" pag-uulit ko sa kaniya. Umupo si Maridele sa katabi kong silya at binaba ang shoulder bag niya. Si Maridele, kaklase ko lang. Maliit na babae, madaldal at parating mapula ang pisngi dahil sa koloreteng inilalagay. Madalas niya akong kausapin. Ayon sa kaniya ay gusto niya akong kasama, pero para sa akin ay nais niya lang ng sagot sa takdang-aralin.

"May assignment ka na sa Philosophy? Hindi ko pa kasi natatapos, eh."

"Meron na. Naipasa ko kanina kay Sir Francisco."

"Ano?" Napahilamos pa siya ng mukha sa harap ko. "Papaano kaya iyon? Nawala ko pa naman ang libro ko sa Philosophy."

"Manghiram ka na lang ng aklat." Napatigil siya sa pagrereklamo dahil sa suhestyon ko. Napatitig siya sa akin.

"Pahiram ng libro," saad niya pa kaya't napatigil ako. "Sandali lang naman. Ngayon ko lang hihiramin. Ibabalik ko rin."

Napataas naman ang kilay ko sa sinabi niya. Umiling ako. "Hindi p'wede ang aklat ko."

"Huh? Ang damot mo naman. Pahiram lang. Ibabalik ko naman agad. Malapit ng tumunog ang bell. Wala pa akong naipapasa." Napahinga na lang ako nang malalim at umiling.

"Sa iba ka na lang manghiram."

Madalas akong magbigay. Hindi ako maramot at patuloy sa pagpapahiram ng gamit. Wala namang kaso sa akin kung ibalik nila iyon o hindi. Ngunit sa lahat ng bagay na pagmamay-ari, may isang bagay akong hindi kayang ipahiram sa iba: ang libro ko sa Pilosopiya.

Natapos ang lunch break na masama ang loob sa akin ni Maridele. Kahit kasi anong pilit niya ay hindi ko iyon ibinigay. Gustuhin ko 'man subalit wala pa akong lakas para ibahagi sa iba ang nilalaman ng aklat na iyon. Kaya iyon, wala siyang nagawang takdang aralin. Ilang minuto ang nakalipas at dumating na ang guro namin sa asignaturang Pilosopiya.

Tulad ng nakaraan, nagsimula na naman ang klase sa isang maikling pagsusulit. Ang kung sino 'mang bumabagsak ay pinapaiwan niya sa silid tuwing hapon. Nakarinig na naman ako ng maraming reklamo at atungal mula sa mga kamag-aral ko. Pareho-pareho kami ng opinyon. Ayoko rin ng pagsusulit na iyon. Hindi ako mahusay sa Pilosopiya lalo na't panay pangalan ng iba't ibang tao ang nababanggit. Halo-halo ang mga pangalan at kasabihin nila; sumasakit ang ulo ko. Madali akong makalimot kaya't madalas akong bumagsak at maiwan. Subalit sa oras na ito ay nagsikap ako. Nag-aral ako at pinilit ko na hindi bumagsak. Hindi na ulit ako maiiwan sa klase; iyan ang pangako ko sa sarili ko.

TNP's 1st One-Shot Story Writing Contest Pt. 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon