Ayos Lang

703 5 0
                                    

Naaalala ko pa yung mga panahon na tayo'y masaya.
Hindi ko mabilang kung ilang beses mo na ko napatawa.
Hindi ko rin malimutan ang bawat ngiti na ibinibigay mo.
Mga ngiti na ubod ng tamis at ang dahilan ay ako.

Masaya naman ang ating pagsasama.
Kahit na madalas tayo nagkakaroon ng problema.
Mga problema na di talaga maiiwasan.
Mga problema na kadalasa'y iisa lang ang pinagmulan.

Minsa'y nagkakaroon tayo ng di pagkakaintindihan.
Kaya pawang masasakit na mga salita lamang ang ating binibitawan.
Di tumitigil sa sagutan kahit isang saglit.
Dala na rin iyon siguro ng magkahalong sakit at galit.

Di ko lubos na maintindihan kung bakit tayo nagkaganito.
Napalitan ng sumbatan ang lahat ng mga biro.
Napalitan ng pag-aaway ang lahat ng mga lambingan.
Napalitan ng kalungkutan ang ating masayang samahan.

Gusto kong malaman mo na kumakapit pa rin ako.
Kumakapit pa rin ako kahit unti-unti ka ng sumusuko.
Pakiusap irog ko, wag kang bumitaw sa mga kamay ko.
Wag ka munang sumuko dahil malalagpasan din natin ito.

Hindi ba't nangako ka na mananatili ka sa tabi ko?
Hindi ba't nangako ka na maghihintayan tayo?
Hindi ba't nangako ka na tayo pa rin hanggang dulo?
Kaya pakiusap mahal ko, wag mong hayaang maglaho ang mga pinangako mo.

Ayos lang kahit ako ang sumusuyo sa tuwing ika'y nagtatampo.
Ayos lang kahit pagsabihan mo pa ko ng mga salitang masakit sa puso.
Ayos lang kahit ipagtulakan mo pa ko palayo.
Dahil kahit anong gawin mo, lalapit pa rin ako sayo.

Ayos lang kahit i-tanggi mo ko sa harap ng mga kaibigan mo.
Ayos lang kahit ulit-ulitin mo ang iyong panloloko.
Ayos lang kahit magsinungaling ka pa sa harapan ko.
Dahil kahit anong gawin mo, ikaw pa rin ang mamahalin ko.

Ayos lang kahit iparamdam mo na wala na kong papel sa buhay mo.
Ayos lang kahit iparamdam mo na iba na ang itinitibok ng iyong puso.
Ayos lang kahit iparamdam mo na ako nalang ang lumalaban.
Dahil kahit anong gawin mo, hindi pa rin kita makakayang iwanan.

Ayos lang kahit ako nalang ang masaktan at nasasaktan.
Ayos lang kahit ako nalang ang patuloy na lumalaban.
Ayos lang kahit ako nalang ang nagmamahal sating dalawa.
Kaya nakikiusap ako sayo na hayaan mo ko na mahalin ka.

Naalala ko pa yung mga panahon na tayo'y masaya.
Ayos lang kahit manatili nalang iyon bilang isang alaala.
Alaala na aking kakapitan at babalik-balikan.
Dahil alam ko na hindi na ko ang dahilan ng iyong kaligayahan.

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon