IDOLO

870 1 0
                                    

Ako'y isang simple at tipikal na binata tulad ng iba niyong nakikita.
Binatang may matatag na pangarap upang makauwi na ang aking ina.
Wala na kong hihilingin pa kundi mabuo ang aking pamilya.
Yung wala ng aalis para lang makahanap ng pera.

Ako'y isang binatang marahil ay kaunti lamang ang nakakakilala.
Hindi naman kasi ako sikat tulad ng mga kilalang artista.
Tulad ng mga ka-edad ko, ako'y isang hamak na mag-aaral lamang.
Naglalaro sa kompyuteran, ngunit sinisigurong walang perang masasayang.

Ngunit ano itong naririnig kong mga balita?
Na dahil sa isang giyera, marami na raw nalagutan ng hininga?
Ang iba'y napatunayang may sala, ang iba'y napagkamalan?
Bakit ganun? Buong akala ko maganda ang magiging kahihinatnan ng giyerang sinimulan?

Isang giyerang nais tuldukan ang mga krimen sa ating bayan.
Mga krimen na kadalasa'y iisa lamang ang sanhi o dahilan.
Dahilan na hindi maiiwasan at marami na ang nalulong.
Kaya ang takbo ng panahon ngayon ay parang gulong.

Gulong na paikot-ikot na para bang isang trumpo.
May gagawa ng krimen ngayon, kinabukasa'y tinakpan na ito ng dyaryo.
Muli nanamang madadagdagan ang trabaho ng tagasundo.
Tagasundo at tagahatid papunta sa kabilang dako.

Ako'y nababahala sa mga pangyayari sa ating bayan.
Kung kaya't ang aking pangarap ay balang araw ito'y aking mapagsilbihan.
Nais kong maging kasapi ng mga tagapagtanggol nito.
Sapagkat nais kong maipakita kung gaano ko kamahal ang bayan ko.

Isang linggo ang nakalipas, heto ako ngayon gumagawa ng takda.
Habang kinakausap ang taong mahalaga samin ngunit siya'y nasa ibang bansa.
Patuloy pa rin ako sa pakiusap kong sana umuwi na siya.
Sapagkat lahat kami dito ay nangungulila na sa kanya.

"Inay, kahit isang linggo lang, pakiusap umuwi ka po muna.
Sapagkat ang iyong anak ay nangungulila na.
Inay, mayroon po pala akong nais ipakilala.
Bukod sayo, may isang babae pa po kong iniibig at sinisinta."

"Inay, nag-aaral po ko ng mabuti tulad ng ipinangako ko sayo.
Inay, kapag mataas po ang nakuha kong grado, maaari po bang umuwi ka po muna dito?
Inay, mag-aaral po ko ng mabuti at ipinapangako kong magtatapos ako.
Nang sa gayon, hindi mo na kailangan pang lumayo para lang makapagtrabaho "

Dalawang linggo na ang nakalipas at heto ako ngayon sa kalsada.
Tahimik na naglalakad pauwi sapagkat dumidilim na.
Upang hindi mahuli binilisan ko ang aking paglalakad.
Ngunit pagliko ko sa iskinita, dalawang tao ang sakin ay bumungad.

Dalawang tao... Na labis kong hinahangaan at tinitingala.
Dalawang tao... Na suot ang uniporme ng trabaho na nais kong makuha.
Dalawang tao... Na karapat-dapat respetuhin ng madla.
Dalawang tao... Na pinagsisilbihan ang ating bansa.

Ngunit anong ginagawa nila dito?
May nangyari bang krimen sa lugar na ito?
Anong ginagawa dito ng aking mga idolo?
May kailangan ba silang iligtas dahil may nanghihingi ng saklolo?

Nang makita nila ako, agad silang lumapit sakin.
Samantalang ako'y natutuliro't hindi alam ang gagawin.
Di ko alam kung ako ba'y sasaludo o kakamayan ko ba sila?
Babatiin ko ba sila at ikukuwento na sila yung aking tinitingala?

Sa sumunod na pangyayari, nawala ang ngiti saking mukha.
Dahil hindi ko maintidihan ang mga sinasabi nila.
Paulit-ulit nila kong sinasabihan na ako'y umamin na.
Umamin na... Isa ako sa mga nagtutulak ng droga?

Pero teka... Saan nila napulot ang impormasyon na iyon?
Ganun ba kahaba ang listahang nasa kamay nila ngayon?
Agad akong napaisip na baka nagbibiro lamang sila.
Ngunit bakit napapaisip din ako na BAKA napulot nila ito sa social media?

Agad akong nagtaka sa kanilang pag-aakusa.
Agad akong nagtaka dahil para bang siguradong-sigurado sila.
Agad akong nakaramdam ng takot at kaba para sa buhay ko.
Bakit... Bakit ganito umakto ang aking mga iniidolo?

Dala siguro ng inis, dinala nila ako sa loob ng madilim na iskinita.
Sa sobrang dilim halos hindi ko na sila makita.
Pero agad akong natigilan ng bigla silang nagsalita...
"Hawakan mo ito, pagkatapos ay tumalikod at tumakbo ka."

Ano itong nasa aking mga kamay?
Medyo malaki at malamig na para bang isang bangkay.
Bakit parang tulad ito ng palagi kong nilalaro noong musmos pa lamang ako?
Ang pinagkaiba lamang mas mabigat ito.

Naramdaman kong tumulo ang aking mga luha.
Hindi ko pa rin maintindihan ang kanilang ipinapagawa.
B-bakit nakakaramdam ako ng takot at kaba?
W-wala naman silang gagawing masama sakin diba..?

Agad akong tumalikod at nagsimulang humakbang palayo sa kanila.
Hindi ko kailangang matakot dahil may tiwala akong wala silang gagawin masama.
Ngunit lahat ng tiwalang iyon ay biglang naglaho.
Sa isang iglap... Tanging itim nalang ang nakita ko.

Ang huling narinig ko ay ang malakas na pagputok.
Ang huling naramdaman ko ay ang sakit sa kung saan iyon nakatutok.
Ang huling nakita ko ang aking mga idolo.
Ang aking mga idolong... kumitil sa buhay ko.

Ako'y isang binatang marahil ay kilalang-kilala niyo na.
Ako yung binatang laman lagi ng mga balita.
Ako yung binatang pilit niyong hinihingan ng hustisya sa kanila.
Ako yung binatang... Ayon sa aking mga idolo...Ay isa sa mga nagtutulak ng droga.

"Inay, itay, pasensya na po ha?
Mukhang mas naunahan ko po kasi kayong dalawa.
Sa karera ng buhay patungong kamatayan...
Mukhang mas nauna po kong nakarating sa huling hantungan."

~~~~~~~~~~~~~~~~
P.S.
Sumalangit nawa ang iyong kaluluwa.
Hindi man kita gaanong kilala...
Sana ikaw ay nakakapagpahinga na ng mapayapa....

P.P.S.
This is mainly my opinion and based on how I understood the case. Wag kayong triggered agad.

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon