Ako Ang Doraemon Ng Buhay Mo

416 6 5
                                    

Paano kung sabihin ko sayo na ako si Doraemon?
Ano kaya ang iyong magiging reaksyon?
Marahil pagtatawanan mo ako at walang sawang aasarin.
O di kaya'y iisipin mo na kulang nanaman ako sa tulog at kain.

Paano kung sabihin ko sayo na ikaw si Nobita?
Si Nobita na umiibig ng lubos kay Shizuka?
At ako? Ako si Doraemon na itinuturing mong kaibigan.
Kaya lang... Lumalapit ka lang sakin sa tuwing mayroon kang kailangan.

At dahil ikaw ay mahalaga, lahat ng iyong hinihingi ay ibinibigay ko sayo.
Ngunit kahit na ganun, hindi ka pa din nakukuntento.
Sana nga ako nalang si Shizuka.
Dahil sa simpleng pagbati palang niya'y nakukuntento ka na.

Ako ang Doraemon ng buhay mo.
Alang-alang sa iyong kaligayahan handa akong ibigay ang lahat sayo.
Hindi na mahalaga kung si Shizuka ang laman ng iyong puso.
Dahil ang mahalaga'y napapasaya ko ang taong mahal ko.

Ako ang Doraemon ng buhay mo at ikaw naman si Nobita.
Ako si Doraemon na dinadamayan ka sa tuwing dinidedma ka ni Shizuka.
Si Doraemon na pinagtatanggol ka sa tuwing inaasar ka nina Damulag at Suneyo.
Si Doraemon na kahit sinusuway mo ang payo, hindi pa din lumalayo.

Ako ang Doraemon ng buhay mo, masaklap ngunit totoo.
Dahil nilalapitan mo lamang ako para masolusyonan kaagad ang mga problema mo.
Yun nga lang, hindi kakaiba at nababalot ng mahika ang mga bagay na ibinibigay ko sayo.
Dahil di tulad ni Doraemon, wala akong mahiwagang bulsa sa harap ng tiyan ko.

Malaki pa rin ang pagkakaiba namin kung tutuusin.
Dahil pusang robot kung tawagin ang karakter na inihahambing ko sakin.
Gawa sa metal, pinagdugtong ng turnilyo't walang pagsintang nararamdaman.
Samantalang ako'y umiibig sayo kahit ang turing mo lamang sakin ay isang kaibigan.

Minsan napatanong ako sa aking sarili kung mayroon pa ba akong pag-asa?
Maririnig ko pa ba sayo ang mahiwagang mensahe, Nobita?
Maririnig ko pa ba ang mensahe na inaasahang marinig ng aking puso?
Maririnig ko pa ba mula sayo na mahal mo rin ako?

Kailan kaya darating yung araw na kung saan mauubos na ang aking baterya?
Kailan kaya ako mapapagod at makakapagpahinga?
Hindi ko kasi inakalang nakakapagod pala talaga.
Nakakapagod pala talagang mahalin ka kahit alam ko na mas mahal mo pa rin siya.

Ngunit kahit nakakapagod na, hindi pa din ako susuko o lalayo.
At kahit robot ang ginagampanan kong karakter, mayroon pa rin akong puso na nagmamahal sayo.
Oo tama, ako nga si Doraemon sa istoryang ito.
Si Doraemon na kahit hindi mo mahalin pabalik, mananatili pa rin sa iyong tabi bilang isang kaibigang totoo.

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon