Ikaw at Ako

621 6 0
                                    

Paano ko nga ba ulit ito sisimulan?
Ito nga ba'y iyong magugustuhan?
Anong mga linya ba ang dapat kong sabihin?
Kapag nabasa mo ba ito, ika'y kikiligin?

Ayos lang ba ang pamagat ng piyesang ito?
Masyado ba iyon maiksi para sa panlasa mo?
Nais mo bang palitan ko iyon ng mas mahaba?
Sabihin mo lang at gagawin ko ang iyong nais, sinta.

Marahil ito ay iyong pagtatawanan.
Pagtatawanan sapagkat puno ito ng ka-kornihan.
Bagay na alam mong laman ng aking isipan.
Wala eh, ganito talaga kapag nagmahal ka nang lubusan.

Ikaw. Ikaw din naman kasi ang may kasalanan, hindi ba?
Ninakaw mo ang aking puso't pinaibig nang sobra-sobra.
Kapag ika'y nakikita, ang aking puso'y parang nakikipag-karera.
Hindi ko pa din alam kung paano mo iyon nagagawa.

Isa kang kriminal, mahal ko.
Kriminal na nais kong makulong dito sa aking mga bisig at puso .
Isa kang preso, subalit bakit parang nakakulong din ako?
Nakakulong ako sa pagmamahal ko sayo.

Ako ang alipin, ikaw ang amo.
Ikaw ang susi, ako ang kandado.
Ako ang tinapay, ikaw ang kape.
Ikaw ang buo, ako ang parte.

Ano ba itong mga pinagsasabi ko dito?
Wala naman iyon mga koneksyon sa tema ng tulang ito.
Siguro nga'y nababaliw na ko.
Nababaliw na nga ako sa pag-ibig ko sayo.

Ikaw at ako ay parang apoy at posporo.
Parang tubig na may yelo.
Isang pako at martilyo.
Ikaw ang bangka, ang sagwan ay ako.

Hindi kita binobola, dahil hindi ka naman siopao o bola.
Nasasabi ko lang naman ang mga ito dahil mahal kita.
Mas lalong hindi kita binibiro, mahal ko.
Hindi man halata, subalit nagsasabi talaga ako ng totoo.

Oo, mas lalaki pa ako sayo kung umasta.
Yung tipong tinatrato ka na parang prinsesa.
Ganyan ako, subalit agad din iyon nagbabago.
Dahil pagdating sa'yo, lumalabas ang pagiging babae ko.

Ikaw ang lapis, ako ang pambura.
Ako ang puno, ikaw ang bunga.
Ikaw ang bulaklak, ako ang paruparo.
Ako ang yugto, ikaw ang libro.

Kung bakit kita mahal ay isang malaking misteryo.
Dahil hanggang ngayon, wala pa din akong sagot dito.
Hindi na rin naman mahalaga sa akin iyon.
Ang mahalaga'y mahal kita at kasama kita ngayon.

Nais kong magpasalamat sa pag-tanggap mo sa akin.
Salamat sa pagiging maintindihin.
Salamat sa pagmamahal na iyong ibinibigay.
Salamat sa paglalagay ng kulay sa aking buhay.

Ikaw ang saranggola, ako ang hangin.
Ako ang ulam, ikaw ang kanin.
Ikaw ang pusa, ako ang aso.
Nag-aaway tayo subalit agad din nagkakasundo.

Ayoko nang maghanap ng iba.
Ikaw ang gusto kong makasama hanggang sa pagtanda.
Sana'y maging mabait ang tadhana.
Sana'y pagbigyan nito ang aking mithiin na sa dulo'y tayo pa din ang magkasama.

Maglakbay tayo, mahal ko.
Maglakbay tayo patungo sa dulo ng mundo.
Hawakan mo ang aking kamay, huwag kang bibitaw.
Sabay nating aabutin ang mga bituin na ating matatanaw.

Dahil ikaw ang tanikalang nakagapos sa aking puso.
Ako naman ang kumot na yayakap sa iyo.
Ikaw ang panyo na pumupunas sa aking mga luha.
Ako ang sandalan mo sa tuwing napapagod at kapag may problema ka.

Mahal kita. Uulit-ulitin ko iyan at hindi ako magsasawa.
Araw-araw kong ipapaalala sayo na minamahal kita.
Mahal kita at mamahalin pa din kita kahit hindi ka perpekto.
Asahan mong mamahalin kita nang tapat at seryoso.

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon