Daig Ng Puso Ang Utak

344 3 10
                                    

(Requested by: Ms_Tery95
P.S. Sorry kung hindi nagfit sa actual theme na ni-request mo po yung kinalabasan ng tulang ito. I tried to make it fit with what you requested pero sadyang hindi po talaga ako magaling pagdating sa third person point of view. But I can assure you that I gave my 100% best in finishing this poem. Thanks po ulit sa pagbabasa ng mga tula ko, I highly appreciate it po.)

~~~~~~

"Daig Ng Puso Ang Utak"
By: OtakuZone

Ipikit ang mga mata, hingang malalim sabay buga.
Dahan-dahang imulat ang mga mata upang sa liwanag ay hindi mabigla.
Ulitin ang proseso hanggang sa hindi na makaya pa.
Pero huwag kang titigil hangga't wala ka pa rin naaalala.

Nakakatawang isipin na wala akong maalala tungkol sa aking nakaraan.
Pero bakit parang pinipilit ng puso ko na mayroon akong nakalimutan?
Posible ba iyon? Sa paanong paraan?
Bakit ganito? Hindi ko maintindihan.

Sana madali lang ipunin muli ang mga alaalang nilipad na ng hangin.
Mga alaalang magpapaalala kung ano nga bang namamagitan sa atin.
Mga alaalang magpaparamdam kung gaano ka ka-halaga sa akin.
Mga alaalang magsasabi kung ano ba ang dapat kong gawin.

Paano ko ba magagawang hukayin?
Hukayin ang mga alaalang nakabaon sa ilalim ng buhangin?
Paano ko mapaparating sayo ang aking damdamin?
Kung yung pangalan mo pa lang, hirap na kong alalahanin?

Alam ko.

Alam ng puso ko kung ano ang totoo.
Alam ko kung ano ang totoo dahil iyon din ang nararamdaman ko.
Alam ko na para sayo ang mga salitang binabanggit ng aking puso.
Subalit hindi ko iyon masabi ng buo dahil hindi ko maalala ang pangalan mo.

Gusto kitang kausapin, gusto kitang tanungin.
Gusto kong gawin ang mga iyan, subalit hindi mo ko pinapansin.
Gusto kong iparamdam sayo na minamahal kita.
Pero paano ko iyon magagawa kung ang iyong atensyon ay nasa iba?

Labis akong nagtataka.
Bakit hindi mo magawang salubungin ang aking mga mata?
Sa tuwing lumalapit ako sayo, lumalayo ka.
Sa tuwing sinusubukan kong kausapin ka, umaakto ka na parang hindi mo ko nakikita.

Hindi ko alam kung iiyak ba ko o hindi.
Ni hindi ko nga maalala ang pangalan mo pero nakakaramdam ako ng pighati.
Masakit dahil hindi ko maalala kung paano tayo nagsimula.
Masakit dahil wala akong maalala sa pinagsamahan nating dalawa.

Hanggang sa dumating ang araw na hindi na ko nakapagtimpi.
Nilapitan kita, umaasa na makakausap ka kahit sandali.
Ramdam ko ang pagtibok ng puso ko nang magtama ang ating mga mata.
Ngunit, hindi ko inaasahan ang binitawan mong kataga.

"Sino ka?"

Pakiramdam ko nabuhusan ako ng isang timba ng yelo.
Nakikita ko sa iyong mga mata na ikaw ay seryoso.
Sa tanong mong iyan, napatunayan ko na.
Hindi lang pala ako ang nakalimot sa ating dalawa.

Hanggang ngayon, nagtataka pa din ako.
Bakit iniibig pa din kita kahit hindi ko maalala ang pangalan mo?
Bakit hinahanap-hanap pa din kita kahit hindi ko maalala ang ating nakaraan?
Bakit tila ako lang ang may ganitong nararamdaman?

May "tayo" ba noon?
Minahal mo rin ba ako tulad ng pagmamahal ko sayo ngayon?
Naging pagmamay-ari ba natin dati ang isa't-isa?
Bakit parang hindi naman talaga?

Sapagkat kung may pinagsamahan man tayo noon, dapat naaalala iyon ng puso mo.
Dahil mas matalas ang memorya ng puso, kumpara sa utak ng isang tao.
O marahil nagkaroon nga tayo dati ng relasyon.
Sadyang hindi lang talaga sintibay ng damdamin ko ang nadama mo para sakin noon.

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon